Simbahan sa Silangan

PANSININ n’yo ang karilagan at ganda ng Altar ng Simbahan ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Wow na wow, ‘di ba?

SJBP Altar

Simbahan ng Taytay: Dambanang nasa burol, sa pagsamba sa harap ng Altar ang lahat ay nakatuon sa gawing Silangan.

Maliban dito, lingid sa kamalayan ng karamihan ay may natatangi pa itong karingalan na mauugat mismo sa kasaysayan ng pagkakatatag ng ating Simbahan. May kinalaman ang oryentasyon ng istruktura at lokasyon nito sa ating pananampalataya at pagsamba.

Sinaunang kostumbreng Katoliko na kapag nagtatayo ng simbahan ay nasa mataas na lugar, at karaniwa’y nakaharap sa karagatan.

Dito sa Taytay, itinayo ng mga misyonerong prayleng Franciscano ang unang Simbahan nating yari sa mahihinang materyales noong 1579 sa lugar na matao at bahain malapit sa Laguna de Bay. Siempre pa, nakaharap ito sa kalawakan ng naturang lawa.

Inilipat ng mga humaliling misyonerong prayleng Jesuita noong 1591 ang Simbahan at pamayanan sa isang mataas na burol; dito sa kasalukuyang puwesto ng Simbahan ng Parokya. At siempre, ito’y nakaharap pa rin sa lawa.

Ang Simbahan-Katedral ng Antipolo na kilala nating “Dambana ng Birheng dela Paz” ay itinatag din ng mga prayleng naunang nanggaling sa Taytay, at nasa matarik na lugar din. Bagamat nasa may-kalayuang bundok, ito’y katulad din ng Simbahan ng Taytay na nakaharap sa direksiyon ng Lawa ng Laguna.

Katunayan, ang unang grandiosong simbahang-bato ng Taytay at Antipolo ay kapwa gawa ng arkitektong paring Jesuita na si Juan de Salazar noong 1630-1633. Nang mga panahong iyon, ang simbahan ng Taytay ang unang simbahang-bato sa labas ng Maynila na sentro ng pamamahalang Kastila at misyong Kristiano sa ating kapuluan. Mahigit isang taon ang pagitan nang gawin naman ang simbahan sa kabundukan ng Antipolo.

Pagsambang ad orientem

HIGIT sa lahat, ang mga katangiang arkitektural ng Simbahan ay sentrong nakatuon sa Altar—sa direksiyon ng Silangan o oriens (East). Kaya naman ang main entrance nito’y nasa salungat na Kanluran (West). At ang tawag dito’y ad orientem.

Ganito rin ang oryentasyon at simbolismo ng pagharap sa Silangan sa ritwal ng pagpapahayag ng pananampalatayang Katoliko at panunumpa sa Pagbibinyag.

Sa sinaunang Latin Mass, kadalasang nakatalikod sa sambayanan ang paring nagmi-Misa dahil “siya at ang bayan ay nag-aalay ng pagsamba at sakripisyo sa Diyos.” Inihahandog ng pari ang Banal na Misa sa pangalan ni Cristo at bilang “Kaniyang Persona” (persona Christi) sa Diyos Ama. Kaya bilang Kristianong pamayanan ay sama-sama silang nakaharap sa Silangan (ad orientem) habang puspos nang pag-asa at buong galak na “naghihintay sa pagbabalik at paghuhukom ng Panginoong JesuCristo sa wakas ng panahon.”

Nakaharap ang pari sa Silangan, ang sinisikatan ng araw, na siyang simbolo ng Bagong Jerusalem. Namumuno siya gaya ng Mabuting Pastol.

Ayon kay San Augustin, “Kapag nagdarasal ay nakatuon tayo sa Silangan kung saan nagsisimula ang kalangitan. Ginagawa natin ito hindi dahil naruon ang Diyos, na tila baga’y lumisan at tumungo sa ibang direksiyon ng mundo…bagkus ay para paalalahanan tayong ituon ang ating isip sa mas dalisay na kaayusan—sa Diyos.”

Ang tawag ni San Agustin sa “pagharap sa Silangan sa pananalangin pagkatapos ng kaniyang homiliya ay Conversi ad Dominum (halinang humarap sa Diyos).”

2nd stone church E-W

Inilipat ang Simbahan at pamayanan sa lugar ding ito noong 1591. Itinayo ang unang Simbahang-bato at pinasinayaan bilang “San Juan del Monte” (San Juan ng Bundok) noong 1599. Pinalitan at ginawa ang ikalawang Simbahang-bato na mas maringal at malaki noong 1630, ang mismong nasa larawan.

Si Robert Cardinal Sarah, kasalukuyang Prefect of the Congregation for the Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ng Simbahang Katolika, ay nanawagan ng pandaigdigan pagbabalik sa pagsambang ad orientem.

Aniya’y “angkop na angkop ito. Sa penitential rite, sa pag-awit ng Luwalhati, mga panalangin at sa Eukaristiya, na ang lahat—ang pari at mananampalataya—ay sama-samang humaharap sa Silangan upang ipahayag ang kanilang layuning makibahagi sa gawaing pagsamba at pagliligtas ni Cristo.” (Famille Chrétienne, French Catholic magazine, June 12, 2015)

Juan Portocarrero de Plasencia
founder ng Simbahan at bayang Taytay

AD ORIENTEM ang Simbahan ng Parokya ni Juan Bautista sa Taytay. Nakatuon ang ating Altar sa direksiyon ng Silangan. Lumulubog ang araw sa gawi ng main entrance na nasa Kanluran.

Dito sa Taytay (Rizal) unang itinatag ng misyong Katoliko ang Simbahan sa gawing Silangan ng lalawigan ng Rizal palibot sa kalawakan ng Laguna de Bay at paakyat sa Antipolo, sa luklukan ng ating Diosesis ngayon.

May kagalakan na isipin natin na ang itinuturing na founder ng Simbahan at bayan ng Taytay ay si Padre Juan Portocarrero de Plasencia, ang Ama ng sistemang Reduccion sa Filipinas. Ang kaniyang pagmimisyon ay “may pagkiling din sa ad orientem”. Siya’y isinilang sa Kanlurang bansang Espanya at bininyagang kapangalan ni San Juan Bautista. Naglayag siya para magmisyon sa Filipinas, ang “Perlas ng Silangan” noong Hunyo 24, 1577, sa araw mismo ng kapistahan at kapanganakan ng Patrong San Juan Bautista.

Tunay ngang “inihanda ni San Juan Bautista ang daraanan ng Panginoon” sa Simbahan at bayan ng Taytay (Rizal).

Ipagbunyi ang ika-437 anibersaryo ng bayang Taytay at Parokya ni San Juan Bautista ngayong 2016! 🙂

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *