Nasa Vocabulario ang Taytay

 

 

“Tulay” at “tete” magkapareho ng kahulugan

“Tulay” ang kahulugan ng “taytay” para sa mga katutubong Aeta (Negrito) na naglalagalag noon sa mga burol ngTaytay (Rizal), San Mateo, Antipolo, at sa paanan ng kabundukan ng Sierra Madre at Banahaw na nakapalibot sa dakong Silangan ng Laguna de Bay.
[Tulay ng Taytayeño, tete ng Pampango]

Nananatiling “taytay” ang kahulugan ng “tulay” sa aklat na Vocabulariong Tagalog na pinasimulan ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng bayan at Simbahan ng Taytay [provincia ng Rizal].

Ang “taytay-tulay” ay matutunghayan sa pahina 334 at 572 ng edisyon ng Vocabulario de la lengua tagala nina Padres Juan de Nocedo at Pedro San Lucar (1860). Ang aklat na ito’y itinuturing na kulminasyon ng mga Vocabulario na sininop ng mga misyonerong Padre. Muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 2013.

TAYTAY Pasar Tulay Puente-p572
Vocabulario, pahina 572

Ang mga natipong Vocabulariong Tagalog ay hindi lamang napakahabang listahan ng mga salitang Español at ng mga katumbas nito sa Tagalog. Ito ay kalipunan din ng sinaunang literatura ng ating lahi. Napakayaman nito sa kultura at Pananampalataya.

May mga kontra-Katolikong mangmang sa kasaysayan. Pinipintasan nila ang dasal na “Aba guinoong Maria” [Aba, ginoo ang Mariang Ina] dahil sa salitang pang-uri (adjective) na ”ginoo” na ginamit patungkol kay Santa Maria. Sa intindi nila, ang salitang “ginoo” ay dapat na patungkol lamang sa kasariang lalaki.
[kaugnay: Catechism and native language]

Heto ang totoo. Noong una pa man ay ginamit na ng mga misyonerong prayle ang salitang “ginoo” sa pagtuturo nila ng pagbasa-at-pagsulat at Pananampalataya sa mga katutubo. Nasusulat ito sa Doctrina Christiana, ang pinakaunang aklat na inilimbag sa Filipinas (1593), at sa Arte y Vocabulario Tagalo (1581) ni Padre de Plasencia. Naisalin ito hanggang sa pinakahuling Vocabulario de la lengua tagala nina Padre Nocedo at San Lucar (1860). Mga halimbawa:

  • “Principal señora”(p. 125);
  • “[Dama] Babaeng mahal at maguino”…”dangal na ipinag cacaloob sa manga babaeng guinoo na umaabay at nag lilingcod sa manga Reyna, Princesa ó Infanta” (p.481); 
  • Sinambot nang Dios ang Guinoong Santa Maria, nang di maramay sa casalanan ni Adan” (p.282).
    Ginoo-481
    Vocabulario, pahina 481

Si Dr. Jose Rizal na hinubog sa edukasyong Kastila ay may “liham sa mga kadalagahan ng Malolos” noong 1889. Patungkol iyon sa dalawampu’t isang dalaga na mula sa mga tanyag at mayayamang angkan sa Malolos na nagnais makapagpatayo ng eskwelahang panggabi para sila’y turuan ng wikang Español. Ang sabi niya:

“Pukawin ninyo ang sigla at sipag, maginoong asal, mahal na pakiramdam at huag isuko ang pagkadalaga sa isang mahina at kuyuming puso” (p.11).

Paraan ng pagbigkas. Napagpapalit ng dayuhang Kastila ang pagbigkas ng “r” at “d”. Ganito ang nasa Doctrina:

  • “Aba guinoo MariaBucor (bukod) cang pinagpala sa babaying lahat”
  • “houag cãmaquiapir (makiapid) sa di mo asaua” 
  • “Ang banal na tauo gagantihin niya nãg caloualhatian nang langit, ang nacasonor (nakasunod) silla nang caniyang otos.”

Ang nakamihasnang pananalita sa bayan ng Morong at sa iba pang dako ng  probinsiyang Rizal ay masususog din sa Vocabulario:

  • BANAYAR (banayad). Banayar na loob, Hanqin, Agos, Lupa, Bondoc”, Banayarin mo, ó pacabanayarin ang pag gaua mo” (p. 35);
  • Banayar—Husay, hinayhinay” (p.445); 
  • “marahan, mabanayar” (p.146); 
    BANAYAR-p35
    Vocabulario, pahina 35
  • SAGARSAR (sagadsad)—isinagadsad niya sa ringring” (p.272); 
  • SAPALAR (mula sa salitang ugat na ‘palar’ o ‘palad’)—Ang di nagsasapalar(nagsasapalaran), diti fatauir (patawid) sa ragat (dagat)” (p.287);
  • “Di man sa ragat mamangca nacahuhuli nang isdá(p.39).
    Banayar chek pt
    “Nasa Morong na po tayo, ay!”

Nagpapalitan din ang “r” at “l” nila:

  • ConfesarCompisal” (p.471, p.379);
  • Confirmar. Compil” (p.379);
  • tambor. Instrumentong tambol, pangalampag” (p.41, p.375);
  • Bandera. bandila” (p.354);
  • Barangay. Balanğay” (p.449).

Ang Moron” ay isang bayan sa Seville, Spain. Ipinangalan ito sa ilang lugar sa atin at naging “Morong” ang bigkas. Kawangis ito ng sinaunang pananalita ng Taytayeño sa palit-palitang tunog-bigkas ng mga salitang may “n” at “ng” sa dulo.

Sangguniin natin ang Doctrina Christiana ni Padre de Plasencia:

Voc-Arte bks

Vocabulario nina Padre Sebastian Totanes, OFM at Padre Pedro de San Buenaventura, OFM

“Acoy macasalanan nagcocõpesal aco
sa atin panginoon 
(ating panginoong)
dios macagagaua sa lahat at cai sancta Maria uirgen
(santa Mariang birheng) totoo at cai
sanct 
(san) Miguel archangel, cai
sanct (san) Juan baptista sa sanctos (santos)
apostoles cai sanct Pedro, at cai sanct Pablo
at sa lahat na sanctos 
at sa iyo padre…”

Matiyaga at mabisa ang pamamaraan ng pagtuturo ng Katesismong Tagalog ng mga misyonerong Padre. Lubha itong mabunga. Sa kabila ng paglipas ng daan-daang taon, ang diwang nilalaman ng Doctrina Christiana ay ginagamit pa rin natin hanggang ngayon. Isa itong patunay na ang deposito ng Katuruang Katoliko ay hindi kumukupas o nagpapabagu-bago sa paglipas ng panahon.

Nagawang pagkaisahin ng mga misyonero ang mga katutubong dayalekto at pagsusulat sa pagtuturo nila sa ilalim ng sistemang reduccion. Ang mga unang babasahing Kristiano sa iba’t ibang dayalekto na inimprenta ni Tomas Pinpin—ang unang Filipinong tagagawa ng letrang pang-imprenta (typographer) at taga-imprenta (printer)—ay hindi Baybayin bagkus ay alpabetong Latin-Romano na turo ng Kastila ang ginamit.

Patuloy pa ring ginagamit ang alpabetong Latin-Romano hanggang ngayong cyber age at kahit pa malaganap na ang wikang English. Di nga ba’t ang New World o Amerika ay nadiskubre, pinundar at inaralan din ng Kastila, kaya gamit pa rin nila ang alpabetong Latin-Romano sa kanilang pag-i-English?

Nananatili pa rin ang pundasyon. Ang nahahantad na mga “pagbabago” sa alpabeto at letra, salita at pagbigkas sa wikang Filipino—na pangunahing nakabatay sa Tagalog—ay natural na ebolusyon lamang ng ating lengguwahe.

Ha’o nga, walang dudang nakaugat sa Vocabulario ang ginigiliw natingTaytay (Rizal).

 

 

Postscript: “Sa alaala ni Bro. Kapitan Dante Cruz Francisco, isang butihing lingkod-bayan at manggagawa ng Kapilya ng San Isidro sa Parokya ni San Juan Bautista.”

 

 

First posted Aug. 19, 2017 as Taytay konek ka ba? (part 2): Current post edited

 

 

 

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *