Taytay ni Juan


DATING BALAYAN ANG sinaunang pangalan ng malawak na probinsiya ng Batangas.1Cfr., Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865; p.175, 578 Kalaunan, ang Balayan ay naging isang bayan na sumasakop sa Tuy, Lian, Nasugbu, Calaca, at Calatagan. Ang may-kalakihang bayan ng Balayan ang naging cabisera ng probinsiya. Ang ganitong hurisdiksiyon ay tumagal nang may 150-taon.

Si Miguel de Loarca ay nagsagawa ng census noong 1582 sa malawak na teritoryo na siyang naging probinsiya ng Batangas. Dito unang nabanggit niya ang mga pamayanan ng “Tuley o Tulay na sumasakop sa kahabaan ng baybay-dagat na nagmumula sa kilala natin ngayon na Calatagan at kanugnog nitong Balayan hanggang sa Nasugbu“.2Miguel de Loarca, Relacion de las Yslas Filipinas, Junio 1582; Blair and Robertson, “The Philippine Islands: Vol. V: 1582-1583

[Ang mga sinaunang salitang “tuley, tulay, at taytay” ay magkakasinghulugan.3Vocabulario de la lengua tagala, Padre Juan de Nocedo–Padre Pedro San Lucar,1860, p.572]

“Tuley, tulay, taytay” sa p.572 ng Vocabulario

Ang “lumiit” na bayan ng Balayan ngayon ay nasa sentro ng Western Batangas. Nasa hangganang-Hilaga (North) nito ang bayan ng Tuy; North-east ng Nasugbu; East ng Calaca; West ng Lian; South-west ng Calatagan; at sa South ng Balayan Bay.

Dalawang pistang bayan ang ipinagdiriwang ng Balayan taun-taon: una, ang parada ng lechon at basaan sa fiesta ni San Juan Bautista tuwing June 24, at ikalawa, ang solemnidad ng Inmaculada Concepcion (Immaculate Conception) tuwing December 8.

Ang Inmaculada Concepcion ang Patrona ng Balayan. Sa Inmaculada Concepcion ipinangalan ang Simbahan. Anupa’t ang kinilalang foundation day ng Balayan ay December 8, 1578, isinunod sa kapistahan ng Inmaculada Concepcion.

Samantala, nais ding ibida ng Balayan ang kanilang masarap na lechong nagpabantog sa Batangas. Sa naturang festival, ang isang buong lechon ay mabusisi nilang dinadamitan, ginagayakan, at ipinaparada sa basaan bilang tanda ng “pagbibinyag at pagbubunyi kay San Juan Bautista.” Kasunod ng makulay na seremonyas, ang ipinaradang lechon ay kakainin bilang handa sa maghapong patuloy na kasayahan.

Entradang arko ng Simbahan ng Balayan.

Ang nagsariling bayan ng Lian ay nanatiling nasa ilalim ng patronahe ni San Juan Bautista.

Sa isang dako, ang bayan ng Calatagan ay may mga pinangalanang Barangay Santa Ana, Hukay, Bukal, at Baha. Noong 2003, ang Calatagan ay nagsimulang magkaroon ng Bangkathon festival tuwing kapistahan ni San Juan Bautista ng Hunyo 24. Tampok sa selebrasyon ang karera ng mga bangkang de-sagwan na aktibong nilalahukan ng mga lokal na komunidad. Isa itong adbokasiyang naglalayong “pangalagaan ang kalikasan ng karagatan, at ang natural na yaman sa kapaligiran na pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.”

KASAYSAYAN

Ang Parish Church of Immaculate Conception, (Iglesia Parroquial de la Inmaculada Concepción) ay kilala rin bilang Simbahan ng Balayan sa Batangas. Nasasakupan ito ng Archdiocese of Lipa. Ito’y kabilang sa listahan ng National Cultural Treasure.4“The Restoration of 26 Philippine Churches”. National Commission for Culture and the Arts (Philippines). 2011.

“Ang pamilya ko’y nag-pilgrimage sa Batangas noong 2 April 2019. Araw ito ng kapistahan ni San Pedro Calungsod, ang “batang Taytay” na misyonero-katekista-sakristan noong 1666-1668″

Nakaukit sa historical marker ng Simbahan ng Balayan na ito’y:

“Unang ipinatayong yari sa mahihinang kagamitan ng mga paring Franciscano sa ilalim ng pamamahala ni Padre Francisco de Santa Maria noong 1579.5Huerta p. 578 Inilipat ang pamamahalang espirituwal ni Padre Juan de Oliver sa mga Heswita sa pamamahala ni Padre Pedro Chirino, 1591. Ipinatayong yari sa bato noong 1748. Muling inilipat ang pamamahala ng Parokya sa mga paring Sekular na Kastila, 1753. Pagkaraan sa mga Rekoletos, 1876. Isinalin sa mga paring Sekular na Pilipino sa ilalim ng Arsidiyosesis ng Maynila, 1908. Napalipat ang pangangasiwa sa Diyosesis ng Lipa at ang pari ay si Padre Benigno Gamez.”

Kaugnayan sa Patrong San Juan Bautista

Si Padre Francisco de Santa Maria, ang unang martir ng Provincia de San Gregorio Magno ng misyong Franciscano sa Filipinas, Asia, at Pasifico.6Huerta 27-28 Siya ang pinuno ng Samahan ng San Juan Bautista na kabilang sa nasabing Ordeng Franciscano.7 Huerta p.370; p.578; also Fr. Eusebio Gomez Platero. Catalogo Biografico de los Religiosos Franciscanos de la Provincia de San Gregorio Magno de Filipinas. 1880; p.27-28

Ang grupo nila’y nagministeryo sa Balayan at Mindoro simula noong kalagitnaan ng 1578 nang sila’y dumating sa Filipinas. Kabilang sa masusugid na pundador ng pulo ng Mindoro at probinsiyang Balayan ang dalawa pa niyang kasamahang sina Padre Esteban Ortiz at Padre Juan de Porras.8Huerta p.175, 578; Gomez Platero p.22 Sila ang naghatid ng adbokasiya ng tradisyon at disiplina ni San Juan Bautista sa Balayan.

Si Padre de Santa Maria ay nagministeryo rin sa Taytay na itinatag ni Padre Juan de Plasencia noong 1579.9Lakbay-Pananampalataya–Parokya ni San Juan Bautista, Taytay, p.88; Juan de Plasencia-OFM, Tatay ng Taytay ni Juan p.16 Napasailalim ang Taytay sa patronahe ni San Juan Bautista.

Si Padre Diego de Oropesa, ang “katambal na apostol” ni Padre Juan de Plasencia ay naglingkod din sa Balayan at Mindoro noong 1585 hanggang 1590. Gaya nina Padre de Santa Maria at Padre de Plasencia ay nadestino rin si Padre de Oropesa sa Taytay.

Samantala, sina Padre Juan de Oliver at Padre de Plasencia ay kapwa masugid na evanghelista at katekista, at kinikilala rin sila bilang mga guro na bihasa sa lengguwahe. Nireporma’t pinahusay ni Padre de Oliver ang naunang Arte del idioma Tagalog at Diccionario hispano-tagalog (1580) ni Padre de Plasencia para magamit ng mga misyonero sa kanilang pangangaral at pagmumulat sa pananampalataya ng mga katutubo.10Huerta p.443-444, 492-493

Isinalin ni Padre Juan de Oliver kay Padre Pedro Chirino—isang historyador at manunulat na Jesuita—ang pamamahala sa Balayan noong 1591. Sa Balayan ang unang destino ni Padre Chirino. Kabilang siya sa unang misyong Jesuita na dumaong sa Filipinas.11Gomez Platero

Pinakamalaki sa 6 na sinaunang campana ng Simbahan
ng Balayan kabilang sa mga nakatanghal sa patio

Inilipat si Padre Chirino sa Taytay at siya ang naging kauna-unahang kura parokong Jesuita nito. Inilipat niya ang pamayanan at Simbahan ng Taytay sa mataas na burol, mula sa madalas na binabahang lugar na malapit sa Laguna de Bay.

Nang itindig na ni Padre Chirino ang unang simbahang-bato ay pinasinayaan ito bilang Simbahan ng “San Juan del Monte” (San Juan sa Bundok) noong 1599. Ang taguring “del Monte” ay ibinatay niya sa “maburol o mataas” na bagong lokasyon ng bayan at Simbahan. Gayunman, nanatiling Taytay ang tawag ng mga tao sa bayan hanggang sa ngayon. At ang Simbahan ay iyon pa ring Parokya ni San Juan Bautista.12Chirino del P. Pedro. Relacion de las Islas Filipinas y de lo que en ellas han trabajado los padres de la Compania de Jesus, 1557-1635. Roma, 1604; 2 Edicion, Manila, 1890; Capitulo XX, p 69; —at— Fr. Horacio de la Costa, SJ. The Jesuits in the Philippines 1581-1768. Campbridge, Massachusetts, Harvard University Press, 1961; p.138

Ala eh, magiliw ang Balayan!

Mayaman sa historya ang Balayan. Relihiyoso ang Balayeño. Liban dito, ang Balayeño ay magiliw na yumayakap sa diwa at kultura ng Katagalugan. Pinaniniwalaang sa Balayan nagmula ang mga awiting Tagalog na Kumintang at Kundiman.13Eufronio Melo Alip. Tagalog literature: a historico-critical study; p.18

Si Wenceslao E. Retana na isang Kastilang taong-gobyerno, publisista, manunulat at historyador, ay nabighani sa katutubong kultura ng Balayeño. Sa kaniyang aklat na El Indio Batangueño, may naitala siyang liriko ng popular na Kundiman sa Batangas noong 1888. Ang sinasambit ay ganito:

“Kundiman: harana sa parada ng lechon”

Aco man ay imbi, hamac isang ducha
Nasinta sa iyo, naghahasic nga
Di ba guin si David ng una ay aba
Pastor ay nag harin ng datnan ng awa?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *