Taytay ni Juan

Lumang Municipio ng Taytay,
pamanang 120-taon na!

Humupa ang apoy, napawi ang usok bunsod ng himagsikan laban sa Kastila at Digmaang Filipino-Amerikano noong 1898-1900. 

Magiting na winagayway ang Bandila ng Filipinas. Itinatag ang Probinsiya ng Rizal bilang isang bagong political jurisdiction noong 1901. 

Nabago ang pamahalaan. Ang Rizal ay binuo ng mga bayan mula sa Probinsiya ng Maynila (Las Piñas, Malabon, Makati, Parañaque, Mandaluyong, San Juan, Navotas, Muntinlupa, Taguig, Pateros, Pasig, Marikina, San Mateo, at Montalban); at mula sa Distrito Politico-Militar de Morong na dating parte ng Probinsiyang La Laguna (Cainta, Angono, Baras, Binangonan, Antipolo, Cardona, Jalajala, Morong, Pililla, Tanay, Teresa at Taytay). Ang Capitolio ay nasa Pasig.

Ang Municipio o Pamahalaang-Bayan ng Taytay ay buong dangal na tumindig sa kanyang kinaroroonan mula pa noong 1901 hanggang ngayon. 

Ang bulwagang ng Municipio ang ipinalit sa naunang Escolopia na kinilala bilang Taytay Primary School noong panahong iyon ng mga unang taon ng 1900s.

Ang orihinal na harapan nito’y mistulang isang moog-tanggulan ng ating lahing marangal nang itindig doon ang bantayog ng ating pambansang bayaning si Jose Rizal at ng Inang Bayan.

Ang Municipio at ang kapaligiran nitong Plaza Libertad at Simbahan ng San Juan Bautista ay saksi sa mapaglarong kabataan, kilig at karinyo ng kasibulan, tikas at pitagan ng mga nasa hustong-gulang at katandaan.

Sa Municipio ay nakaukit ang alaala ng saysay ng karangalan ng paglilingkod sa bayan ng mga Alkaldeng “Ama ng Bayan”, ng kanilang mga katuwang na Opisyal ng Bayan, at ng napakarami pang mga naging kawaning tapat sa serbisyong-bayan.

Sa nakalipas at kasaysayan, walang limutan.

Sa pamanang kasalukuyan, walang iwanan.

Sumasaludo ang butihing Taytayeño!

*************************************

Nagpatayo ng bagong Municipio sa malayong lugar ng Manila East noon pang 2009.

Ang lumang Municipio ay ginawang Taytayeños’ Ancestral Home sa termino ng unang naging Mayora ng Taytay na si Janet de Leon-Mercado noong 2013.

Patuloy pang isinusulat ang kasaysayang ito ng pamana ng sambayanang Taytayeño. Kung ano ang magaganap sa mga susunod na araw, o marahil ay oras na lamang ang nalalabi, ito’y mauukit sa kasaysayan at tatanghalin magpakaylanman.

Pero hindi matitinag ang butihing Taytayeño. 

Ang Diyos una sa lahat. Mabuhay ang Taytay!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *