PAG-AALAY ng mga bulaklak para sa Mahal na Ina tuwing buwan ng Mayo. Alay-lakad tuwing gabing Visita Iglesia kapag Huwebes Santo. Way of Mary (20-Rosary Mysteries) tuwing Oktubre mula sa EDSA Shrine hanggang Antipolo Cathedral. Taun-taon ay kabilang ang mga Taytayeño sa libu-libo’t laksang mga debotong naglalakbay paakyat sa Antipolo, ang dambana ng Mahal na Inang Maria, ang Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje.
(Kaugnay: Jose Rizal, deboto ni Maria)
Ang titulong Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje ay iginawad sa Birhen ng Antipolo sa pamamagitan ng isang dekreto ni Gobernador Heneral Sabiano Manrique noong Sept 8, 1653. Nang iproklama ang “Dogma ng Inmaculada Concepcion” noong 1854, sinimulang ipagdiwang ng Antipolo ang kapistahan nito tuwing Disyembre 8. Liban dito, ang buwan ng Mayo ay panahon din ng pagno-novena at pagro-Rosaryo para sa Mahal na Ina.
Ang imahen ng Birheng Antipolo ay ginawa ng isang di-nakilalang manlililok mula sa Parokya ng Acapulco, Mexico. Dinala ito ni Gobernador-Heneral Juan Niño de Tabora sa Filipinas. Pinangalanan ni Tabora ang kaniyang barkong galleon na Reina y Gobernadora, bilang parangal sa Birhen na kinilala niya bilang siyang tunay na namumuno at protektor sa kanilang mapanganib na paglalakbay sa malawak na karagatan.
Nakarating sila sa ating bansa noong 1626. Itinalaga ni Tabora ang Birhen bilang kanilang Patrona ng mga misyon sa mga bayan ng Taytay (Rizal), Morong, San Jose del Monte, at Antipolo.
Unang yumapak sa Taytay (Rizal) ang mga misyonerong Franciscano at dito nahawan ang landas ng Kristianismo patungo sa gawing Silangan ng Laguna de Bay (Taytay, Cainta, Angono, Morong, Tanay, Pililla, Antipolo, at iba pa). Gayunman, ang sadyang hinirang na pagtatayuan ng dambana ng Birhen ay ang bayan ng Antipolo.
Gaya ng mga dambana ng Mahal na Ina sa iba’t ibang panig ng mundo, napipisil Niya ang mga lugar na liblib—sa kanayunan, sa mataas na burol o bundok, sa piling ng mga pobre at simpleng tao—kung saan ay kasama niya ang mga anak na payapa at taimtim na nananalangin.
Dumating ang mga misyonerong Franciscano noong 1579, at mga Jesuita noong 1591 sa Silangang bahagi ng Laguna de Bay (Taytay, Cainta, Angono, Morong, Antipolo, at iba pa). Ipinakilala nila ang Birheng Maria na Ina ng sangkatauhan. Anupa’t nang yakapin ng mga tao ang pananampalatayang Kristiano, sininta rin nila nang lubos ang Mahal na Ina at lumahok sa mga debosyong ipinakilala ng mga Franciscano: araw-araw na pagro-Rosario, Angelus at Salve Regina sa dapit-hapon, missa cantata ng Mahal na Ina tuwing Sabado.
Dahil sa pamimintuho sa Birhen ng Antipolo ay maraming nakamit na pabor na kahilingan ang mga deboto. Ilan sa mga ito ay naitala ng 27-anyos na prayleng Jesuita na si Padre Pedro Murillo Velarde na dumating sa Maynila noong 1723. Siya ang Procurator ng Jesuita sa Madrid at Roma. Isa siyang historian at tagaguhit ng mapa (cartographer), naging unang propesor ng canon at civil law sa Colegio de Manila, at naging rector at kura paroko rin siya ng Simbahang Antipolo.
Ayon kay Padre Murillo, isang araw ay lumisan ng Antipolo ang Arsobispo Miguel Poblete (ng Maynila) upang mamahala sa pagpapa-Kumpil. May dalawa batang lalaking alalay siya na magkalulan sa iisang kabayo. Nang biglang umalma ang kabayo ay tumilapon ang mga bata. Ang isa’y waring patay na. Tinulungan sila ng mga tao at dinala sa simbahan ang batang nawalan ng ulirat upang ipanalangin sa Mahal na Birhen. Ilang sandali lamang ay nagkamalay ang bata at naglakad na lamang hanggang makarating sa destinasyon sa Taytay.
Pauwi sa Antipolo mula sa Taytay, si Don Pablo Marquina ay nahulog sa malaking ilog at tinangay ng malakas na agos na humuhugos pababa sa isang sapa. Habang siya’y bumubulusok, humingi siya ng saklolo sa Mahal na Birhen at nangakong maglilingkod sa Kaniya habambuhay. Bigla siyang nakakita ng mga sanga ng halaman at kumapit kaya’t nakaligtas sa tiyak na pagkalunod.
Ilang mamamalakaya naman ang lulan ng barko patungong Pampanga ang hinagupit ng unos. Pinadpad sila sa Mariveles (Bataan) pero ganap na nawasak ang barko. Lulutang-lutang sila sa gitna ng laot nang nakakunyapit lamang sa mga pira-piraso ng barko. Sa gayong sitwasyon, nagsusumamo sila’t tumawag sa Birhen ng Antipolo upang sila’y maligtas sa kapahamakan. Nangako silang dadalo ng Misa sa araw ng Sabado bilang parangal sa Kaniya. Sa ikaapat na araw ay nakarating sila sa Maragondon (Cavite) at ligtas na nasagip. Mula noon ay tinupad nila ang pangakong panata.
Sa kabilang banda, may naitala rin si Padre Pedro Chirino, isang historian na naging unang Jesuitang kura paroko ng Taytay at kalauna’y pati ng Antipolo noong 1591. Minsan ay sinaklot ng epidemya ang Antipolo; halos ang bawa’t pamilya ay namatayan, laluna ng mga bata. Nagdaos ng Misa at mga panalangin sa “Pinagmisahan” para matapos ang kanilang pagdurusa. Mula noon, naging tradisyon na kapag may sumapit na peste at epidemiya sa mga bayan ng Taytay, Cainta at Antipolo, ay ipinapayo ng Kura Paroko na dalhin ang imahen ng Birhen sa bundok ng “Pinagmisahan” para sa pananalangin.
Pueblo amante de Maria (ang bayang nagmamahal kay Maria)! Ito ang pinakamainam na mga salitang naglalarawan sa ating mga Taytayeño, Antipoleño, Rizaleño, at Filipino.
References:
- Pedro Murillo Velarde, S.J. Historia de la Provincia de Philipinas de la Compañia de Jesus (1616-1716). Manila. 1749; pp. 213-215
- Pedro Chirino, S.J. Relation de las Islas Filipinas. 1595-1602. Roma. 1604. (Reprint. Manila. 1890)
- Monina A. Mercado. Antipolo: A Shrine to Our Lady. Published for Aletheia Foundation Inc., by Craftnotes Inc. Makati, 1980
- Jose A. Fernandez. Lakbay-Pananampalataya — Parokya ni San Juan Bautista, Taytay. 15 Sept. 2013, Kapistahan ng Birheng Dolorosa