AGOSTO: Buwan ng Wika at Kasaysayan
Ang AGOSTO ay BUWAN NG WIKA. Idineklara ito ni Pres. Fidel Ramos sa pamamagitan ng Proclamation 1041 noong 1997. Pero noong 2012, idineklara ni Pres. Noynoy Aquino sa bisa ng Proclamation 339 na ito rin ay BUWAN NG KASAYSAYAN.
Magkarugtong ang pinagmulang ugat at pag-unlad ng Wika at Kasaysayan. Para sa nakaraang Nat’l Historical Comm. of the Phil. (NHCP) at Nat’l Comm. for the Culture and Arts (NCCA) Chairman Dr. Rene Escalante, “Buháy ang kasaysayan dahil sa wika, at ang wika ay buháy dahil may malay tayo sa kasaysayan.”
Sang-ayon ako na magyakap ang Wika at Kasaysayan. Sa aking bahagi bilang local historian, inilathala ko ang aking ikatlong aklat na may pamagat na “TAYTAY-TULAY, Historya at Etimolohiya” noong 2021.
Makasaysayan ang mga pangyayari sa buwan ng Agosto. Sa buwan na ito sumiklab ang himagsikang pinamunuan ng Katipunan noong 1896. Naganap ang Unang Sigaw sa Pugad-Lawin para sa paglaya mula sa imperyong Kastila, at nagbunsod ng adhikaing nasyonalismo. Idineklara ni Supremo Andres Bonifacio ang kasarinlan ng bayan at itinindig ang Republikang Tagalog.
Sa kabilang dako, kasunod na iniluwal ng balikwas at digma ang kinilalang unang Demokrasya, Konstitusyon at Republika sa buong Asya sa pangunguna ni Hen. Emilio Aguinaldo.
Sa ating kapanahunan, alinsunod sa Republic Act No. 9492, ang National Heroes Day ay Agosto 30. Kaya nga’t mainam na masusing kilalanin ang mga bayani ng ating lahi. Matuto tayo sa mga aral ng Kasaysayan na siyang sanhi ng ating kasalukuyan.