Dalawang gising pa, Pista na ni San Isidro Labrador—Mayo 15.
Si San Isidro ang Patron ng mga magbubukid. Kanilang mga kamay ang gumagawa para tayo’y may makain. Nakakalungkot dahil marami sa kanila ang walang gawa nitong panahon ng pandemya. Maraming kumakalam ang sikmura.
Paano na mga bata? Yung seniors na di na maka-labra? Yun ding mga maysakit, Covid man o iba pang klase? Paano na kung wala ka man lang makuhang pagkain, at wala ring pambili? Gusto mong magtrabaho pero wala kang matrabaho, sarado ang iyong pinapasukan?
Noong nakaraan buwan, may ordinaryong pangyayari diyan sa harap ng Alfa Mart, tapat ng San Isidro Elementary School. Isang mamang nakamotor ng single, lumapit sa mag-asawang ngumingima ng chicharon na binili nila sa tabi-tabi. Nagpakilala siya na taga-Floodway, isang credit investigator at walang duty dahil sa sarado ang mga establisyemento, planta at pabrika dahil nga pandemya—MECQ. Iprinisinta ang kanyang ID sa Agency para makontak; kung sakaling siya’y pauutangin, handa siyang magbayad pag nagkatrabaho. Ang inuutang: pambili lang ng gatas “X” ng kaniyang anak.
Ibinili siya ng mag-asawa ng gatas “X” at iba pang grocery items. Bigay yun, hindi utang.
Samantala, nakakadismaya ang pagtugon ng ating gobyerno sa pagresponde sa gitna ng pandemya. Walang direksyon ni malinaw na plano kung paano isasalba ang bayan sa krisis medikal, edukasyon, kabuhayan, at sa lahat-lahat na kinasuungan natin. Ang bakuna ay malabo pa. Ang ayuda ay napurnada—wala nang maaasahan; isang hataw pa ng spike at wave ng Covid, masasagad na tayo. O, mahabaging Langit!
Hindi pwedeng nganga na lang ang mga tao, lalo na yung mga nasa laylayan. Kailangang kumilos at magtulung-tulong. Walang ibang maaasahan kundi TAYô TAYo na rin lang. Kailangan ang tunay na diwa’t kultura ng Bayanihan, yung may malasakit at damayan!
Sa ganito umusbong at lumaganap ang mga Community Pantry na inspirado ng pinasimulan sa “Maginhawa.” Ang malasakit na nagbubuklod ay ang panuntunang “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan” (Luke 6:38). At kailangan itong masustenahan.
Pero nitong nagdaang linggo, ramdam na rin ng mga nagpa-Pantry ang pangangaunti ng supply na natitipon para ipamahagi sa mga nangangailangan. Tila nauubusan na ang mga nagdodonasyon, habang pahaba nang pahaba naman ang mga pumipila sa Pantry.
Marahil, kapos ang aking pananampalataya dahil nangangamba ako para sa aming mga nagsasagawa ng Community Pantry. Ngayo’y pinag-uusapan na ang mga progresibong konsepto ng “food security, agriculture-base development, mutual aid, collaboration” at iba pa.
Aha, palaging may pag-asa tayo! Alalahanin ang katuruang Kristiano, ang panuntunan ng Ordeng Benedicto na “ora et labora” (dasal at gawa). Ang sabi nga “nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”
Si San Isidro ay taimtim na nananalangin muna bago gumawa sa bukirin. Habang siya’y nanalangin ay may mga anghel na nauna nang nag-aararo sa kaniyang bukirin. Naging masagana ang kaniyang bukirin.
Ang buhay ng mag-asawang San Isidro Labrador at Sta. Maria de la Cabeza ay gawaing-pagbubukid. Kahit mahirap ay nagbabahagi pa rin sila sa kapwa. Si San Isidro ay madalas magsama ng mga taong nagugutom sa kanilang bahay. Doon ay palaging may mahihigop. Ang asawa niya’y pirming may nakasalang na mainit na nilaga.
Minsan ay maraming kasamahan ang dumating sa tahanan ni San Isidro. Nang mapagsilbihan ang karamihan sa kanila, nabahala at bumulong si Maria kay Isidro: “wala nang laman ang palayok…” Iginiit pa rin ni San Isidro sa asawa na tignan muli ang palayok, at nakakamanghang may nasandok pa siya at sumapat para mapakain ang lahat.
Wow, sa taong may sampalataya, maginhawa ang Pantry ni San Isidro!