FILIPINAS ang pangalan ng Bayan kong mahal. Ngayon ay gusto itong palitan ni Pangulong Duterte. Nagpabibo siya sa harapan ng mga Filipinong Muslim sa Maguindanao. Mas bilib daw siya sa kapanahunan bago dumating ang Kastila.
Sabi niya, “tama si Ferdinand Marcos na ‘Maharlika‘ ang ipalit dito…Republic of Maharlika…isang salitang Malay na ang ibig sabihin ay konsepto ng kapanatagan at kapayapaan.”
Nakakatawa. Ayon kay Marcos, ang ‘Kaharian ng Maharlika’ ay binubuo raw ng Filipinas, Brunei, South Borneo, Hawaii, Spratly Islands, at Sabah hanggang noong kalagitnaan ng 18th century. Ito raw ay pag-aari ng ‘royal family ni Haring Tallano’, ang angkang pinagmulan ni Dr. Jose Rizal. 😮
Noong 1972, biglang lumitaw ang isang nagngangalang Julian Tallano na nagpakilalang ‘tagapagmana siya ni Rajah Soliman at Lapu-lapu, at nagmula siya sa angkan ni Haring Luisong Tagean’. Pag-aari raw nila ang buong Filipinas. At nakakuha pa ng pabor na hatol ng isang Judge ng Pasay. Pero ito’y pinigil ng restraining order ng Court of Appeals noong 2002.
Agad inako ni Marcos na umano’y bahagi ng kaniyang 192-libong toneladang gold bars ay nagmula sa angkang Tallano. Kabayaran daw sa serbisyo niya bilang abugado nila. Sangkot dito ang nakabinbin pang kontrobersiyal na kasong nakaw-na-yaman ni Marcos sa panahon ng kaniyang diktadurang rehimen. (Kaugnay na istorya)
Pero malakas ang hinalang lihim na nakatago lamang ang mga gold bars sa ating Central Bank ng Pinas. Eh, kasi nga, paano ba naman maita-transport at maitatago sa kung saan-saang lugar at bansa ang ganu’ng karaming ginto, aber? Pero sa kabilang dako ay may alegasyon ding nasa World Trade Center at World Bank sa US ang malaking bahagi nito. (Marcos Gold is real, at Marcos Last Will and Testament)
Di-umano’y ‘Maharlika’ ang alyas ni Marcos noong World War 2 na nagkaranggong Major at Lt. Colonel. ‘Maharlika’ rin ang ipinangalan sa di-umano’y grupong gerilya na inorganisa niya. Marami raw itong kabayanihan sa labanan kaya’t siya ang Filipinong sundalo na nagkamit ng pinakamaraming medalya ng kagitingan laban sa mga Hapones.
Paano nangyari? Yun pala, nagpagawa lang si Marcos ng sariling aklat-pangkasaysayan na “For Every Tear a Victory”. May pelikula pa siyang “Iginuhit ng Tadhana” para itanghal ang kaniyang kabidahan. Napanood ko pa nga ito noong bata pa ako. Noon pa man ay may FAKE history at FAKE news na!
Ang totoo, walang matinong dokumento na sumusuporta sa paghahambog na ito. Walang basehan. Ni walang maipalitaw na ulat sa kasaysayan. Pawang imbento ni Marcos para sa kaniyang ambisyong pulitikal, astang bayani. At nabistong lahat ay kabulaanan. Kaya nga PEKEng bayani. “Marcos not a Hero” hashtag ngayon.
Pinatalsik sa poder si Marcos sa pamamagitan ng people power noong 1986. Namatay siya sa Hawaii noong 1989. Binalutan ng wax, nakapreserba ang bangkay. Inilagak sa musoleo sa Batac, Ilocos Norte — sa bayang kaniyang sinilangan. Makalipas ang 27-taon, ipinalibing ni Duterte si Marcos sa Libingan ng mga Bayani noong 18 Nobyembre 2016. Pero mukhang hindi naman bangkay ang laman ng maliit na kabaong. Seremonya lang para ibangon ang puri ng kondenadong diktador.
NAGPAPANTASIYA pa rin sila ng ‘Maharlika‘? Kunwari’y hindi alam ang tunay na katuturan ng salitang ito?
Sige, hukayin ang kasaysayan ng ating katutubong lahi. Ang ‘maharlika’ ay mga ‘malayang tao’. Hindi nga mababa na ‘alipin’, pero hindi rin naman mataas na ‘dugong-bughaw’ (royal nobility) na kaantas ng mga katutubong hari, datu, o kaya’y lakan.
Si Padre Juan de Plasencia ang founder ng Taytay—kabilang din ang mga bayang Antipolo, Morong, Pililla, at iba pa. Siya ang sumulat ng kauna-unahang Civil at Penal Code ng Filipinas — ang Relacion de las Contumbres (1589).
Ayon kay Padre Plasencia, ang ‘maharlika’ at mga salitang katumbas nito ay ginagamit sa mga kaharian sa Southeast Asia para sa mga taong nasa ‘mataas na estado’. Sa Filipinas, nauukol ito sa mga ‘mandirigmang may mataas na estado’ pero hindi naman kabilang sa uring maginoo o dugong-bughaw. Malaya nga sila pero ordinaryong tao lamang. Halos kaantas ng uring timawa, ang panggitnang uri ng mga katutubong Visaya.
Kaso, kung salitang Malay na Sanskrit ang pagbabatayan, ang salitang ‘maharlika’ ay maaaring isalin bilang ‘Maha Lingga’. Nakupo, ang kahulugan niyon ay ‘Great Phallus, erected penis’. Sa Tagalog ay ‘matigas na ari ng lalake‘. 😀 (E, sino ba’ng kilala na bulgar magyabang ng kaniyang pagkalalaki sa publiko? :D)
MARAMI nang nabawing kayamanan sa pabor sa Filipinas (SC Rulings kaugnay ng Marcos ill-gotten wealth). Kapag natupad ang pagpapalit sa pangalan ng Filipinas sa ‘Maharlika’, mapapaboran ang mga Marcos sa kanilang nakaw-na-yaman. Mas napakarami pang dapat sanang mabawi ang matutuluyang malibing sa pagkakatago sa loob at labas ng bansa.
Nakakarimarim. Binabaluktot ang historya ng bansang Filipinas. Historical revisionism. Binubura pati pangalan. Ang sakim at kurap ay ginagawang bida. Bayani pa. 🙁
Ito ang totoo. May historikal na batayan na ang Filipinas na ipinangalan kay Haring Felipe II ay naging bahagi ng Kaharian ng España bago pa napunta sa Kano sa bisa ng Treaty of Paris (1898).
Kapag nabale-wala ito, mawawalan din ng karapatan ang Filipinas sa West Philippine Seas sa mga teritoryong sinasakop ng China sa panahon ng administrasyong Duterte. Higit sa lahat, isang pag-alipusta ito sa Simbahang Katolika at sa nalalapit na ika-500 taon ng Kristianismo na ‘hatid ng Kastila sa Filipinas’. (Paksa natin ito sa Part 2.)
(Abangan ang Part 2 ng “Maharlika” ni Marcos at Duterte)
Mga pinagkunan:
- Juan de Plasencia. Relacion de las Costumbres. Oktubre 1589
- William Henry Scott. Barangay: sixteenth-century Philippine culture and society. 1994. Ateneo de Manila University Press.
- Boxer Codex, kilala rin bilang Manila Manuscript, 1590. mga ilustrasyon ng mga grupong etniko sa Filipinas noong unang panahon ng pakikipagniig sa mga Kastila.
- Jose ‘Ding’ Fernandez. Juan de Plasencia, OFM — Tatay ng Taytay ni Juan. Taytay, Rizal. 25 Marso 2018. p 43
- Reuben R. Canoy. The Counterfeit Revolution: Martial Law in the Philippines, Manila. Philippine Editions Publishing. 1980. p. 233.