Taytay ni Juan

 

“Lupang Hinirang,
Marcha Nacional”

(Filipinas, Part 2)

 

 

ABALA ANG MGA REBOLUSYONARYONG Filipino sa paghahanda para sa Proklamasyon ng Kasarinlan noong 1898. Inatasan ni Gen. Emilio Aguinaldo ang maestro at musikerong sundalo na si Julian Felipe na mag-compose ng himno—isang Marcha—para sa pinakaaasam na okasyong ito.

Sa kauna-unahang pagkakataon, ang nilikhang “Marcha” ay mabunying tinugtog ng Banda San Francisco de Malabon sa araw ng Proklamasyon noong Hunyo 12, 1898. Sa saliw ng tugtog ng “Marcha” ay iwinagayway ang unang opisyal na Bandila ng Filipinas.

Ang MARCHA at Bandila sa Proklamasyon ng Kasarinlan–Kawit, Cavite;12 Hunyo 1898.

Ang orihinal na komposisyon ni Felipe ay isang himnong walang liriko. Ito’y pinamagatang Marcha Filipina Magdalo, isinunod sa pangalan ng grupong Magdalo ng Katipunan (Cavite) na pinamunuan ni Gen. Aguinaldo.

Pinalitan ang pangalan nito sa “Marcha Nacional Filipina” na nakilala rin bilang Himno Nacional Filipino”.

Kasunod nito’y nagdikreto si Aguinaldo—ang naging unang presidente ng unang Republika ng Filipinas—na maging Pambansang Awit/Himig (national anthem) ang “Marcha Nacional Filipina” .

* * * * * * * *
Inamin ni Felipe na sa komposisyon niya’y “may mga himig na gumugunita sa Marcha Real ng España (1761) upang mapangalagaan ang alaala ng lumang kalunsuran.” Gayunman, napansin din ng ilang kritiko na “may mga himig ding inspirado ng tradisyunal na mga musikang pang-prusisyon at kundiman.”
* * * * * * * *

Sinulat naman ni Jose Velasquez Palma—isang makata at sundalo—ang tulang may-pamagat na “Filipinas” noong Agosto 1899. Sadyang inilapat niya ito para maging liriko ng “Marcha Nacional Filipina” . Ang orihinal na bersiyon ni Palma ay nasa wikang Español.

Si Palma ay kabilang sa mga manunulat ng rebolusyonaryong pahayagang La Independencia. Unang inilathala ni Palma ang pinagsanib na liriko ng kaniyang “Filipinas” at ng himig ng “Marcha” ni Felipe sa unang anibersaryo ng pahayagang La Independencia noong 3 Setyembre 1899. At iyon ang naging Pambansang Awit ng Rebolusyonaryong Pamahalaan.

Tierra adorada,
hija del sol de Oriente,
su fuego ardiente
en ti latiendo está.
Tierra de amores,
del heroísmo cuna,
los invasores
no te hollarán jamás.
En tu azul cielo, en tus auras
en tus montes y en tu mar
esplende y late el poema
de tu amada libertad.
Tu pabellón que en las lides
la victoria iluminó
no verá nunca apagados
sus estrellas ni su sol.
Tierra de dichas, de sol y amores,
en tu regazo dulce es vivir.
¡Es una gloria para tus hijos
cuando te ofenden por ti morir!

Ang “Filipinas” ay isinulat ni Palma sa baryo ng Nibaliw, Bayambang, Pangasinan. Dahil dito, ang Nibaliw ay hiniwalay sa Bayambang at ang bagong bayan ay pinangalanang “Bautista” noong 24 Hunyo 1900, bilang parangal kay San Juan Bautista.

Panahon ng pananakop ng Amerikano

IPINAGBAWAL ANG Pambansang Awit sa simula pa ng kolonya sa ilalim ng Kano. Pinahintulutan lamang ito noong 1919.

Ang Kastilang liriko ng “Filipinas” ay ipinasalin ng pamahalaang kolonyal ng Kano sa wikang English noong dekada 1920. Ang titulo niyo’y “Land of the Morning”. Si Camilo Osias, isang Filipinong manunulat, na kalaunan ay naging Senador, at ang Kanong si Mary A.L. Lane ang nagsagawa nito. Ito ang opisyal na bersyong ginamit ng Philippine Commonwealth noong 1934.

Sen. Camilo Osias–nagsalin ng Pambansang Awit sa English; katulong si Mary L.A. Lane. Titulo: Land of the Morning.”

Land of the morning,
Child of the sun returning,
With fervor burning,
Thee do our souls adore.
Land dear and holy,
Cradle of noble heroes,
Ne’er shall invaders
Trample thy sacred shore.
Ever within thy skies and through thy clouds
And o’er thy hills and sea,
Do we behold the radiance, feel and throb,
Of glorious liberty.
Thy banner, dear to all our hearts,
Its sun and stars alight,
O never shall its shining field
Be dimmed by tyrant’s might!
Beautiful land of love,
O land of light,
In thine embrace ’tis rapture to lie,
But it is glory ever, when thou art wronged,
For us, thy sons to suffer and die.

Ang Pambansang Awit (“Land of the Morning”) at Bandila ay dineklarang mga opisyal na Simbolo sa bisa ng Presidential Decree No. 211 noong 23 Setyembre 1943.

Pero, noon lamang termino ni Pres. Ramon Magsaysay opisyal na inawit ang Pambansang Awit sa Filipino. Ang translasyon sa Filipino nina Ildefonso Santos at Julian Cruz Balmaceda ay opisyal na naiproklama noong 26 May 1956.

Nagkaroon pa ng ilang rebisyon sa Filipino noong 1962. Pero maliban dito, sa loob ng ilang taon ay may mga lumitaw pa na bersyong English.

At noong 12 Pebrero 1998, naikodigo sa Republic Act 8491 ang lirikong Filipino ng ating Pambansang Awit. Opisyal na atas na aawitin ito sa pamamagitan ng ating Pambansang Wika. Kaya ang “Filipinas” na isinalin sa Tagalog ang siya ngayong liriko ng ating “Lupang Hinirang”.

Bayang magiliw
Perlas ng Silanganan,
Alab ng puso,
Sa dibdib mo’y buhay.
Lupang Hinirang,
Duyan ka ng magiting,
Sa manlulupig,
Di ka pasisiil.
Sa dagat at bundok,
Sa simoy at sa langit mong bughaw,
May dilag ang tula
At awit sa paglayang minamahal.
Ang kislap ng watawat mo’y
Tagumpay na nagniningning,
Ang bituin at araw niya
Kailan pa ma’y di magdidilim.
Lupa ng araw, ng luwalhati’t pagsinta,
Buhay ay langit sa piling mo;
Aming ligaya, na pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa iyo.

Gaya ng “BAYAN KO”, ang “LUPANG HINIRANG” ay may bahagi ring “nawawala” sa pagsasalin-salin ng wika mula sa orihinal na Español tungo sa English, at bandang huli’y sa Filipino.

Noong 1751 ang Filipinas ay binansagan ng historyador na Jesuitang si Padre Juan J. Delgado bilang Perla del mar de Oriente”; “Perlas ng dagat sa Silangan” o “Pearl of the Orient Sea”. Kapanahunan iyon ng pagbubukas at pag-unlad ng Manila-Acapulco galleon trade (1565-1815).

* * * * * * * *
“PERLAS”: Ang Filipinas ay may 7,107 islands, at daang-libong kilometro kahabaan ng baybay-dagat. Napakasagana sa yamang kalikasan–perlas, yamang dagat, at iba pang depositong mineral. Napakabantog ng Filipinas dahil sa kaniyang geographical, historical, at estadong ekonomiya. Kilalang-kilala ito na pinagkukunan ng mga perlas. Alam-na-alam ito ng mga Badjao na maninisid ng perlas. Naglalayag at namumuhay sila noon pa man sa karagatan ng Sulu-Sulawesi. Nakipagkalakalan sila sa mga Intsik. Ang Palawan ay kabahagi ng sinaunang rutang kalakalan na tinawag nilang “Daang Perlas”.
* * * * * * * *

Ang bayang minahal ni Jose Rizal ay tinawag din niyang “Perla del mar de Oriente”. Nasa titik ito ng kaniyang “Mi Ultimo Adios” (“Huling Paalam”). Bisperas ng pagpatay sa kaniya sa Bagumbayan noong 1896.

“Perla del mar de Oriente”, nasa ikalawang linya ng “Mi Ultimo Adios” ni Jose Rizal 

Samantala, ang ginamit ni Jose Palma sa kaniyang “Filipinas” ay “Hija del sol de Oriente” (Anak ng Araw sa Silangan). Pero ito nama’y naging “Perlas ng Silanganan” sa kasalukuyang translasyon ng ating “Lupang Hinirang”.

Sa kabilang dako, nakakatuwang isipin na ang “The Star-Spangled Banner” ay naging opisyal na pambansang awit ng US noon lamang 1931. Si Francis Scott Key ang sumulat ng liriko nito noong 1814, panahon ng US-Britain War. Pero ang himig nitong “To Anacreon in Heaven” ay noong 1780s pa. ‘Yun nga lang, ito ay awit ng mga naghahapi-haping manginginom 😀

Pero iba tayong mga Filipino. Dibdiban. Taas-noo’t -kamao. Magiting at marangal. Ang ating Pambansang Awit ay maalab na produkto ng isang rebolusyon!

Sa paano’t paano man, ang “BAYAN KO” at ang “LUPANG HINIRANG”, ay kapwa magigiting na nagbabandila ng patriotismo ng lahing Filipino. Humihimok ang mapandigmang Awit sa bawa’t mamamayang may diwang makabayan:

“…Aming ligaya, na pag may mang-aapi
Ang mamatay nang dahil sa iyo!”

Kabataang Filipino, nag-umpisang manindigan sa Scarborough-WPS laban sa imperyalistang China!









Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *