Taytay ni Juan

 

DEVOLUTION, MANDANAS–GARCIA RULING. Noong 2019 ay nagbigay ng final ruling ang Korte Suprema kaugnay ng petisyon nina Gov. Mandanas ng Batangas at Gov. Garcia ng Bataan para sa “makatarungan at dagdag na basehan ng pagkwenta” ng alokasyon ng pondong internal revenue allotment (IRA) para sa mga LGU

Ang isyung ito’y may kaugnayan din sa patakarang devolution ng LGU na itinadhana ng Local Government Code of 1991 (LGC). 2022 ang itinakdang katuparan ng devolution, at ito rin ang unang taon ng implementasyon ng naturang ruling

Kaya ngayong 2022, ang dating parteng IRA na pinamamahagi para sa mga LGU ay madaragdagan ng P263.5-billion at magiging P959.0-billion na ang kabuoan. Ang P193.7-billion nito ay magmumula sa koleksyong buwis ng Bureau of Customs (BOC).

Ang ganap na devolution ng mga programa, gawain, at proyektong pinondohan at pinangangasiwaan ng National Government ay may kinakaharap pang hamon sa aspeto ng pamamahala ng budget at operasyon. Nangangailangan din ito ng pagbabalanse at sapat na panahon. Ang Executive Order No. 138 (series 2021) ay naglabas ng guidelines para makumpleto ang transition hanggang 2024.

NATIONAL AT LOCAL DEVELOPMENT. Ang ruling sa Mandanas-Garcia IRA petition ay naglalatag ng oportunidad sa pagpapalakas ng decentralization ng pamamahala mula sa National Government tungong LGU. Nangangahulugang mas lalakas ang poder ng lokal. Mas marami nang resources o pondo ang dadaloy papunta sa LGU. At kung gayon, makatuwiran lamang na asahan ng bayan, lalo na ng mga maralita, ang mas episyente at malawak na serbisyo-publiko at mga development programs sa kanilang lokalidad. 

Nais ng LGC ang epektibo at episyenteng mekanismo sa paghahatid ng serbisyo sa lokalidad. Ang pagsasalin ng responsibilidad at poder mula sa National tungong LGU ay naglalayong gawing kapartner ng National Government ang mga LGU para sa national development.

Gaya ng tinuran ni Sen. “Nene” Pimentel Jr., ang awtor ng LGC, “Ang tangi nating pag-asa para paunlarin ang bansa ay dalhin ang kapangyarihan, responsibilidad, at resources mula sa sentral patungo sa antas na lokal.”

KULANG ANG 5 BARANGAY SA TAYTAY. Ngunit paano kung kapos ang istruktura at mekanismo ng gobyernong lokal? Panahon pa ng Kastila, ang Taytay ay 5 Barangay na; 5 pa rin hanggang ngayon. Kulelat ang Taytay sa angkop na bilang ng mga Barangay sa buong probinsya ng Rizal at pati sa buong bansa.

Ito’y hindi lamang isang serious oversight kundi isang napakatanda nang anomalyang pulitikal at administratibo. Base sa LGC, kahit pa nga 50 Barangay ay kwalipikado ang Taytay na isang first class municipality.  

Ang Taytay ay nahaharap sa mga hamon kung paano matitiyak ang pagpapatupad at paghahatid ng mga programa at serbisyong nasaklaw ng devolution. Dapat malinaw at matiyak ang mga bago at dagdag na gampanin, responsibilidad at kakayahan ng lahat ng sangkot (stakeholders)National at LGU, lalo na ang civil society at non-government organizations.

ACCOUNTABILITY at TRANSPARENCY. Napakahalagang tuparin ng LGU ang sistemang accountability at transparency lalo pa’t nakataya ang paggamit ng public funds. Sapagkat sangkot ang kapakanan ng taong-bayan sa mga programa at proyektong pangkaunlaran, dapat lamang na sila ay kalahok sa proseso ng public consultation at pagpapasiya (people empowerment) na itinadhana rin naman ng batas (LGC).

Transparent dapat at tapat ang mga namumuno sa LGU. Tungkulin nila iyon. Kailangang tutukan ang LGU para maisapubliko ang mahahalagang detalye ng mga programa at proyekto. Hindi pwedeng sekreto o sila-sila lamang nasa pwesto ang nakakaalam ng dokumento ng Development Plan dahil iyon ang road map ng bayan tungo sa tunay na kaunlaran. 

PEOPLE EMPOWERMENT. Dapat ay binubusisi ng mga mamamayan ang paglalaan ng budget at paraan ng paggastos ng pondong bayan. Sa ganito’y mababawasan kundi man maiiwasan ang malaon nang pagwawaldas sa kaban ng bayan.

Ngayon ay patuloy pa rin nating dinaranas ang dagok ng pandemya at pagbulusok ng kabuhayan. Nahaharap tayo sa marami pang taon para makabangon sa krisis na ating kinasadlakan. Hindi na natin mapapayagan ang kawalang-kakayahan, kapabayaan, at tiwaling pamamahala ng mga kurap na pulitiko. 

Dapat maging handa ang mga organisasyon ng mamamayan–lalo na ng mga maralita–sa paghubog ng mga patakaran, at tuwirang paglahok para sa good governance. Patuloy dapat tayo sa paninindigan, pakikisangkot, at pagkilos–panahon man ng eleksyon o hindi. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *