Taytay ni Juan

 

 

MAPAkinabangan

Ang Carta Hydrografica de las Islas Filipinas ng 1734 ang kauna-unahan at siyentipikong mapa ng Filipinas. Kahit titigan lamang, lalo’t kung bubusisiin pa ang mga detalye nito’y napakaraming matututunan at mapag-aalaman. Mapapakinabangan na namumutiktik ang mapa sa makasaysayan at sinaunang pangalan ng mga lugar, at dito’y nakarehistro na ang bayan ng TAYTAY bilang isang juridical entity.

Ang naturang Carta ay ginawa ni Padre Pedro Murillo Velarde, isang Jesuitang naging rector ng Simbahan ng Antipolo. Siya rin ang unang propesor ng canon at civil law sa dating Colegio de Manila, na naging Colegio de San Ignacio sa Intramuros noon pang 1626. Katuwang niya sa paggawa ng Carta ang mga Filipinong sina Francisco Suarez na tagaguhit, at si Nicolas dela Cruz Bagay na taga-ukit. 

Si Padre Velarde ay isa ring kilalang historyador. Sinulat niya ang Segunda Parte o Historia de la provincia de Philipinas de la Compañia de Jesus, 1616-1716 (Maynila, 1749). Mismong sa aklat na ito inilathala niya ang kaniyang Carta.

Imahe ng Nuestra Señora DE LA ROSA ng San Pedro Macati (kaliwa), at Nuestra Señora DE LA PAZ, Y BUENVIAGE ng Antipolo (kanan).

 

Naitala sa Segunda Parte ang makulay na kasaysayan ng imahe ng Nuestra Señora dela Paz y Buen Viaje at ang dambanang simbahan ng Antipolo. Liban dito, may tampok din siyang mga kuwentong may-kinalaman sa TAYTAY, Cainta, Pasig, Angono, Binangonan, Mariquina, at iba pang kanugnog na bayan na pinagmisyunan nilang mga Jesuita. 

Samantala, ang naturang mapa ay nagsilbing legal at matibay na ebidensiya na inilatag ng Filipinas kaugnay sa kasong hidwaan sa teritoryo sa West Philippine Sea sa pagitan ng Filipinas kontra sa pang-aangkin ng China. 

Ayon sa desisyon ng International Tribunal for the Law of the Sea (ITLOS) noong 2016, “walang batayang legal ang pag-angkin ng China sa Panatag Shoal o Panacot (tinatawag ding itong Scarborough Shoal at Bajo de Masinloc). Filipinas lamang ang may historikal na karapatan dito.”

Mismo sa naturang Carta ay nakarehistro ang Panatag Shoal bilang bahagi ng Filipinas. Tugma ito sa resulta ng survey/mapping, botanical science-political expedition ng Kastilang si Alessandro Malaspina (1789-1794), ang pinakarurok para maimbentaryo ang lahat ng teritoryo at ari-arian ng Hari ng España sa buong Amerika, Asya, Pacifico, kabilang dito ang Guam at Filipinas. Ang ekspedisyong Malaspina ay nakarating din at nakaikot pa sa mismong Panacot/Panatag Shoal noong 1792.

Panacot ang dating tawag sa PANATAG Shoal.

Trivia: Alam n’yo bang out of 50 originals na ginawa noong 1734 ay may isang lumitaw na kopya ng Carta Hydrografica de las Islas Filipinas kamakailan lamang? At ito’y nabili ng Filipinong negosyanteng nagngangalang Mel Velarde (hindi kaano-ano ni Padre Murillo Velarde) sa isang auction sale noong Nobyembre 2014. Ang nagbenta nito sa halagang £170,500 ($260,000) ay si Duke Ralph George Algernon Percy ng Northumberland, England. Siya ang may-ari ng Alnwick Castle, ang napapanood nating Hogwarts Castle sa pelikulang Harry Potter.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *