Taytay ni Juan

NA-POSTPONE ANG PILGRIMAGE ng aking pamilya nitong nagdaang Kuwaresma’t Semana Santa dahil sa pandemya at imposisyon ng lockdown. May TV Mass nga, pero wala namang sakramental na pagdalo sa Banal na Misa. At isa pa, in effect, under house arrest kaming mga seniors. 🙂

Kasi naman, walang anu-ano’y basta na lamang umatake ang Diablo, ang kinoronahang hari ng kamatayan. May mapamuksang virus galing sa China na gawa sa laboratoryo. Pinakalat ito’t lumikha ng pandemyang sumalanta sa buong mundo.

Maraming nasawi, naghikahos at nabigong pangarap. Naunsiyami ang serbisyo-publiko. Natigil ang trabaho at eskwela. Bumagsak ang ekonomiya. Nag-lockdown pati ang Simbahan. Nanganganib na mawalay ang mga dati’y natitipong kawan ng mananampalataya.

May digmaang sangkot ang virus na di-nakikita at makamandag na lason sa pananampalataya.

Nakakalungkot. Nakakakilabot.

 

PILGRIMAGE. Sa wakas ay natuloy din ang pilgrimage namin sa Morong, Baras, Tanay, at Pililla nitong June 28. Araw ng Linggo. Araw ng Panginoon. This is after 105 days of quarantine-lockdown. Basta larga at abante lang tayo. No fear!

Nakakapanibago. Dati rati’y karaniwang dumaragsa ang mga tao sa Simbahan para sumamba. Nag-uunahan ang mga hakbang patungo’t papalapit sa tahanan ng Diyos. Sama-samang umaahon ang mga iika-ika’t uugud-ugod na seniors, paluksu-lukso pa ang mga paslit, nag-iindakan naman ang mga kasibulan, hangos din ang mga magulang na kaligayahan nang akayin ang buong pamilya sa lingguhang pagtitipon sa Banal na Misa. Hindi lang basta obligasyon, kundi tapat na pananampalataya ang gayon.

Ang Banal na Misa, ang pagtitipon ng sambayanan sa pagdiriwang ng Eukaristiya, ang tugatog at pinakamakabuluhang gawain natin sa ating Kristiyanong pamumuhay.

St. Jerome Parish Church, Morong.

MORONG, 1578. Sinapit namin ang Simbahan ng Morong, ang St. Jerome Parish Church. Hindi pa rin sila nagdaraos ng pampublikong Banal na Misa.

Ang patrong si St. Jerome ang nagsalin sa Latin Vulgate mula sa orihinal na Bibliang nasusulat sa Hebrew. Sa Simbahang ito ng Morong ay mayroong nakalagak na dalawang relic ni St. Jerome na mula mismo sa Vatican. Nakamit ito noong 2005 at 2007 sa pamamagitan ng yumaong parish priest nitong si +Fr. Lawrence ‘Larry’ Paz. Si Fr. Larry ay naging assistant parish priest din sa St. John the Baptist Church, Taytay noong 1995.

Ang bayan at Simbahan ng Morong ay kabilang sa mga itinatag ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng Taytay. Sa pamamatnubay ni Padre Plasencia at mga kasamahang misyonerong Franciscano, nagsimula ang pagkakatatag ng Morong na sakop ang Pililla. Mula sa Pililla ay hiniwalay ang Tanay at Baras.

Ang malawak na saklaw ng kapaligiran ng lugar na ito na nasa baybayin ng Laguna de Bay ay tinawag noon na distrito ng Rinconada de Morong. Naging himpilan ito ng misyong Franciscano at sa umpisa’y bahagi ng probinsiyang La Laguna. Kalaunan ay nahiwalay at ngayo’y naging probinsiya ito ng Rizal.

Ang Kristiyanisasyon ng mga lugar na ito—kabilang ang Taytay at iba pang mga bayan-bayan sa Rizal, Laguna, Quezon, Bulacan, at Batangas—ay nagsimula noon pang 1578.

St. Mary Magdalene Diocesan Shrine and Parish Church, Pililla.

PILILLA, 1583. Heto ang isa pang bayan at Simbahang itinatag ni Padre Plasencia—ang Pililla, ang Diocesan Shrine and Parish of St. Mary Magdalene.

Sarado ang Simbahan. Pero ayon sa caretaker, nakakapagpa-Misa na sila sa Simbahan pero may hanggang 10-tao lamang ang kapasidad para sa sambayanan. Ang kura paroko ngayon ay si Fr. Alfredo ‘Jun’ Meneses na naging guest priest sa St. John the Baptist Parish sa Taytay noong 2006.

 

TANAY, 1606. Tinungo rin namin ang San Ildefonso de Toledo Parish Church, sa Tanay. Kahit pa gumamit kami ng Waze, bago kami dumating sa lugar ay 2 beses muna kaming nasuot sa mga iskinitang humantong sa barikadang pang-lockdown. Sarado ang Simbahan bagama’t di-umano’y may limitadong pampublikong Misa nang umagang iyon. Ni hindi man lamang kami nakapasok sa main gate. May police checkpoint na nakapuwesto sa sentrong plaza.

Sayang at hindi man lamang namin napasok ang Simbahang dineklara bilang isang National Cultural Treasure ng National Commission for Culture and the Arts. Naroon pa naman ang relic ni San Ildefonso na galing sa Spain. Nakaluklok iyon sa isang monstrance.

St. Joseph Parish Church, Baras.

BARAS, 1595. Narating namin ang St. Joseph Parish Church sa Baras. Huli akong natuntong sa simbahang ito anim at kalahating taon na ang lumipas; Installation at Mass ni Msgr. Peter Cañonero bilang bagong parish priest noon. Nanggaling siya sa Taytay at naging parish priest ng St. John the Baptist Parish.

Ang Simbahan ng Baras ay wala pa ring pampublikong Misa dahil sa lockdown. Pero dinatnan namin ang mga tagapangalaga roon na abala sa paghahanda para sa nalalapit na muling pagbubukas ng simbahan sa panahong “new normal.” Nagpaunlak at pinapasok kami ng caretaker para makapag-video at pictorial.

Ang kulimlim ng paligid ay may pahiwatig ng panglaw. Bahagya itong naibsan nang buksan ang mga ilaw na nagbigay-liwanag sa Altar. May kung anong kilabot ng hapis akong naramdaman nang gumuhit sa aking gunita ang butihing si San Jose—si San Joseng manggagawa, ang tatay ni Jesus, at siyang patrong tagapangalaga ng Santa Iglesia Catolika.

At si San Jose rin nga pala ang pinagkunan ng aking pangalan sa kabinyagan.

“Hindi tayo pababayaan ni Tatay San Jose sa gitna ng pandemya,” sabi ko sa sarili ko. “Ipanalangin mo po kami…,”  ang bulong ko sa kaniya.

Ah, lubhang makabuluhan ang pilgrimage na ito para sa akin. Inaasam-asam ko ang “panunumbalik” ng pampublikong Banal na Misa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *