Ang CHARITY[1] at JUSTICE ay itinuturing na dalawang paa ng Katuruang Panlipunan (Catholic Social Teaching) ng Simbahang naglalakbay (pilgrim Church).
Tinutugunan ng CHARITY ang kagyat na pangangailangan ng mga indibidwal at pamilya. Nilulunasan nito ang mga sintomas ng panlipunang suliranin. Hinihikayat ang bukas-palad na pagtugon natin sa kapwa sa kanilang partikular na sitwasyon.
Samantala, binabago naman ng JUSTICE ang mga istrukturang panlipunan na yumuyurak sa dignidad ng tao. Sinasalungat nito ang mapang-aping sistema na nagdudulot ng karukhaan sa tao. Nakatutok ito sa mga karapatan ng tao, sa mga sanhi ng suliraning panlipunan, at kumikilos para sa pangmatagalang pagbabago ng lipunan.
“Sa komunidad ng mga mananampalataya ay walang puwang ang pagdarahop na nagkakait ng marangal na pamumuhay… Ang pagsasagawa ng CHARITY sa pangkomunidad na saklaw at sa maayos na pamamaraan, ay bahagi na ng pundamental na istruktura ng Simbahan… isa ito sa mga esensiyal na gawain (at responsibilidad!) ng Simbahan, kabilang sa pamamahala ng mga Sakramento at pagpapahayag ng Salita.” (Pope Benedict XVI, Deus Caritas Est #20, 21, at 22; Dec. 25, 2005)
[1] Charity— Caritas (Greek, orihinal na ginamit sa Biblia), Pag-ibig o wagas na Pag-ibig (Agape), Kristianong kawanggawa.