1892 nang itatag at pamunuan ni Andres Bonifacio ang Katipunan. Pinagtibay nila noong August 24, 1896 ang 3-resolusyon na “nagdeklara ng himagsikan, magtatag ng gobyernong pambansa, at magdaos ng eleksyon ng mga opisyal na mamumuno sa bayan at hukbo” noong August 24, 1896. At iyon ang araw ng pagpunit ng kanilang mga cedula–ang unang Sigaw sa Balintawak.
Sa gitna ng diskontento at pag-aalsa, ang Kastila ay nagdeklara ng Maura Law upang ireistruktura ang gobyerno. Ito ang naging pundasyon sa pagkakatatag ng mga bayan o municipio noong 1895. Ang titulong iginawad sa punong-bayan ay gobernadorcillo o capitan municipal. Hinati-hati sa barrio ang bawa’t bayan at pinamunuan ng teniente del barrio. Ang barangay naman ay pinamunuan ng cabeza de barangay.
Sa kabila nito, idineklara ang independensya ng Filipinas sa Kawit Cavite noong June 12, 1898. Ang Konstitusyong Malolos ay prinoklama noong Jan 23, 1899. Itinatag ang unang Republika ng Filipinas, at si Aguinaldo ang naging unang Presidente. Ang mga bayang kaisa sa Republika ay patuloy na pinamunuan ng kani-kanilang capitan municipal, na ngayo’y presidente municipal na ang tawag. Ang bahay-pamahalaan naman ay tinawag na presidencia o municipio.
Ngunit sumiklab ang digmaang Filipino-Amerikano. Sa kasagsagan ng paglalaban ay inilatag ng Kano ang kolonyal na pamahalaang sibil. Ginawa ang Act No. 82 o Municipal Code noong January 31, 1901 upang maorganisa ang mga pueblo o bayan bilang mga “Municipio”. Sinundan ito ng Act No.83 noong February 6, 1901 upang mabuo naman ang mga “Provincia”.
Nadakip ng Kano si Aguinaldo noong Marso 23, 1901. Ito ang nagsilbing hudyat ng pagkamatay ng Unang Republika. Sa bisa ng Act No. 137 noong June 11, 1901 ay nilikha ang probinsya ng Rizal mula sa pinagsanib na mga bayan ng Distrito de Morong at probinsya ng Maynila. Nakabilang dito ang Taytay.
Samantala, humalili si Gen. Miguel Malvar para ituloy ang laban ng Unang Republika hanggang masukol siya noong April 16, 1902. Si Gen. Macario Sakay naman ang humalili kay Andres Bonifacio at nagpatuloy sa labang inumpisahan ng Katipunan at nagdeklara ng Republikang Tagalog. Siya’y pinagkanulo ng isang lider manggagawa kaya’t naaresto at binitay ng Kano noong 1907.
Mga punong-bayan ng Taytay
Ang mga naging punong bayan ng Taytay na naitala natin mula sa Unang Republika ng Filipinas noong 1899 hanggang sa kasalukuyan ay ang mga sumusunod:
Ang buong bayan ng Taytay ay lubhang natupok ng apoy noong Fil-Am War. Nawasak pati municipio at Simbahan. Matapos ang giyera ay nakapagpatayo ng Primary School. Sa panahon ni Adaucto Ocampo ay pinagsanib ang mga bayan ng Cainta, at Angono sa Taytay alinsunod sa Act No.942. Ang Taytay ang naging luklukan ng pamahalaang-bayan.
Sa panahon ni Ocampo ay giniba ang naturang escuela upang doon itayo ang mas malaking presidencia o municipio. Ito ay pansamantalang inilipat sa bahay mismo ni Ocampo hanggang makapagpagawa ng lalong malaking escuela sa mas malawak na lugar noong 1914 sa termino ni Gonzalo Naval Sr. Ito ang naging Taytay Elementary School.
Sumiklab ang giyerang Hapon noong 1941. Lubhang nasalanta ang Taytay. Nawasak ang gusaling Municipio ngunit nakasalba ang Simbahan. Unang itinindig ang monumento ni Jose Rizal at Inang Bayan sa nasasakupan ng Municipio.
Mula sa P80,000 na war reparation pay ng Japan ay nagpatayo si Manuel Santos ng kongkretong gusaling Municipio noong 1955. Ito ang moog ng pagbangon ng pamahalaang lokal mula sa guho ng digmaan. Ito ang nagisnan nating Lumang Municipio na naglingkod sa salinglahi ng Taytay.
Nagpatayo ng bagong Municipio sa Manila East sa labas ng poblacion noong 2006, termino ni Joric Gacula.
Nang maging Mayor si Janet DL-Mercado, kahit may bagong Municipio na ay nag-opisina pa rin siya sa lumang Municipio nang 2-araw sa loob ng isang linggo. Sa kaniyang administrasyon ay ni-renovate ang lumang gusali at itinalagang Taytayeño Ancestral Home.
Sa pagbalik ni Gacula sa panunungkulan ay giniba ang lumang Municipio at ang monumento ni Rizal at Inang Bayan sa kabila ng mahigpit na pagtutol ng mga Taytayeño. Maging ang cease-and-desist order ng National Historical Commission of the Phil. (NHCP) ay binale-wala. Kaya ngayon ay nahaharap sa reklamong grave misconduct at paglabag sa Heritage Law (RA 10066) ang Mayor, Vice Mayor, lahat ng Konsehal, at Building Official, sa Ombudsman.
Tahasang sinabi ng punong-bayan na “walang historical value ang lumang Municipio.”
Ang sagot ng Taytayeno: “maniningil ang Kasaysayan!”