Ang Stations of the Cross o Via Crucis o Via Dolorosa ay kabilang sa ginagawa nating debosyon tuwing panahon ng Kuwaresma dito sa Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Karaniwang may pag-iistasyon ng mga indibidwal at grupo-grupo. Mayroong umiikot lamang sa patio ng simbahan ng Parokya o kaya’y sa mga Chapel.
Nagkakaroon din tayo ng pag-iistasyon ng mga kani-kaniyang organisasyon, purok, at sama-samang pamparokya at pambayan. ‘Yung iba’y dumadayo pa sa malalayong lugar at probinsiya.
Ang tradisyunal na pagpi-pilgrimage sa 14 na simbahan, magkakalapit man o magkakalayo, ay masidhing pinanunungkapan. Pero para sa mga may-kakayahang pinansiyal ay kay-inam hangaring makapaglakbay sa mismong Holy Land sa Jerusalem, ang dakilang lugar ng Pinangyarihan, at ang pinagmulan ng sinaunang debosyong ito.
(Istorya ng pilgrimage sa Laguna, sa mga bayang itinatag ni Padre Juan de Plasencia)
Si Padre Juan de Plasencia, ang Ordeng Franciscano, ang nagtatag ng Simbahan at bayan ng Taytay. Buong sigasig nilang ipinalaganap ang Via Crucis sa Filipinas simula nang dumating sila noong 1578; gayundin sa China at Japan na nasasaklaw ng kanilang misyon.[1]
Pinasinayaan ng mga Franciscano ang kanilang unang simbahang yari sa nipa at kawayan sa Namayan, Maynila noong 2 Agosto 1578. Inialay nila ito kay Lola Santa Ana, ang banal na ina ni Santa Maria.
Pormal nilang naitatag ang unang balangay ng Ordeng Franciscano sa Filipinas—ang Provincia de San Gregorio Magno—noong 15 Nobyembre 1586. Ipinangalan iyon kay Pope Gregory I (taon 540-604) na kilala bilang Saint Gregory the Great, ang naging inspirasyon sa kauna-unahang pagsulong ng malawakang misyong Katoliko mula sa Roma sa kasagsagan ng “Kilusang Repormismo-Protestante” noong 1517–1648.
Ang pagbibigay-diin sa penance (pagsisisi, bayad-pinsala, penitensiya), mabubuting gawa, at mga sakramento ng Simbahan ay adbokasiya ni Pope Gregory I. Ayon sa kaniya, “ang kabanalan ay nakasalalay sa kababaang-loob”; kaya’t tinawag ang sarili na “lingkod ng mga tagapaglingkod ng Diyos” (English: servant of the servants of God; Latin: servus servorum Dei).
Sa pamamagitan ng Estatutos y Ordenaciones dela Santa Provincia de San Gregorio de Religiosos (1730) ay itinakda kung paano gaganapin ng kanilang sangay ang mga gawaing liturhikal, ministerial, at administratibo. Saklaw nito ang mga pamamaraang extra-liturhikal gaya ng prusisyon, at gawaing-penitential kabilang dito ang Via Crucis.[2]
Itinayo ng mga Franciscano ang kanilang unang simbahang-bato na inalay kay Maria bilang Lady of the Angels, sa Intramuros noong 1723. Isinunod iyon sa ngalan ng punong-simbahan nila sa Assisi, Italy: ang Santa Maria degli Angeli (1569) na ngayo’y isa nang basilika.[3]
Sa mismong kinatitindigan ng basilika ay itinayo ni Saint Francis ang unang simbahan na pinagsimulan ng kaniyang misyon. Doon na rin siya namatay at inilagak ang kanyang banal na labi.
Ang simbahang Lady of the Angels ay isa sa pinakamagarang simbahan noon sa Intramuros. Kasama nito sa plaza ang malaking chapel ng kanilang grupong layko na Venerable Orden Tercera (1734).
Pero sawimpalad na nawasak ang mga iyon kasama ng iba pang mga simbahan at gusali nang puruhang bombahin ng hukbong Amerikano ang Intramuros noong World War II, 1945. Kabilang sa napalis ang Santo Sepulcro na idinambana roon noong ika-18 siglo.
Hindi na muling naitayo pa ang dalawang simbahan. Nagsilikas na lamang at nakisanib ang mga Franciscano sa mga kasamahan nila sa Sampaloc (Manila) at San Francisco del Monte (Quezon City).
Ang dating lokasyon ng simbahang Franciscano ay kinatatayuan ngayon ng Mapua Institute of Technology sa kanto ng San Francisco at Solano Street sa Intramuros.
Si Saint Francis (San Francesco d’ Assisi, 1181-1226) ay ipinanganak sa komunidad ng Assisi, ng probinsyang Perugia, rehiyon ng Umbria, Italy.
“Juan” ang totoong pangalan niya sa kapanganakan at binyag—Giovanni di Pietro di Bernardone. Pinalitan ito ng “Francesco” ng kaniyang ama na isang mangangalakal at magiliw sa “mga bagay na may-kinalaman sa maunlad na bansang Francia.”
Si Francesco ay mula sa pamilyang marangya. Tinalikdan niya ang lahat ng iyon at piniling mamuhay bilang isang “pobre para sa kaharian ng Diyos” (Christian vow of poverty).
Nakanonigong Santo si Francesco. Siya at si Saint Catherine ng Siena ay itinanghal na magkatambal-na-patron ng bansang Italia.
Si St. Francis ang nagtatag ng Ordo Fratrum Minorum-OFM (Order of Friars Minor) para sa kalalakihan noong 1208, ng Order of Saint Claire para sa kababaihan, at ng Custodia Terræ Sanctæ (Custody of the Holy Land) noong 1217.
Ang Custodia Terræ Sanctæ ang inatasang “tagapangalaga ng Holy Land, buong Middle East, at ng mga peregrino (pilgrims) sa Jerusalem sa ngalan ng Simbahang Katolika” sa pamamagitan ng dalawang utos ni Pope Clement VI—ang Gratiam agimus at Nuper charissimae noong 1342.[4]
Pinagyaman ng mga Kristiyano ang mga “sagradong lugar na nilandas ni Jesus hanggang sa Kalbaryo-Golgota”. Sa ganu’n yumabong ang debosyong at nagkaroon ng liturhiya sa pag-iistasyon sa mga naturang lugar na siyang pinagmulan ng Via Crucis o Daang Krus. Tinawag din itong Via Dolorosa o “Landas ng Pagdurusa.”
Kaya sa ating pagdedebosyon sa paraan ng Via Crucis, angkinin natin ang biyayang espirituwal na pakikipagbuklod sa atin ng dakilang Santo na si “Juan” o “Francis ng Assisi.”
[1] Fray Francisco de Santa Ines. Cronica de la provincia de San Gregorio Magno de religiosos descalzos de N.S.P. San Francisco en las islas Filipinas, China, Japon (1676). Fray Juan Francisco de San Antonio. Crónicas de la Apóstolica Provincia de San Gregorio (Vols. 1736, 1741, 1744).
[2] Estatutos y Ordenaciones. De Las Processiones, Chapter VII, No.8
[3] Papal Basilica of Saint Mary of the Angels in Assisi <Wikipedia>
[4] <The Role of the Custos for the Holy Land. Franciscan Custody of the Holy Land>