KUWARESMA: SA GITNA NG PIGHATI AT DUSA,
MAY PALASAP NA LUWALHATI AT PAG-ASA
ANG PASSIONTIDE
Ito ay ang 2 huling linggo ng KUWARESMA. Ito ay simula sa ikalimang Sunday ng KUWARESMA na tinatawag din nating LAZARUS SUNDAY, bilang patuloy na kasunod ng LAZARUS SATURDAY.
Ang ikalawang linggo ng PASSIONTIDE ay HOLY WEEK (MAHAL NA ARAW)—umpisa sa PALM SUNDAY (LINGGO NG PALASPAS)—at ito’y nagtatapos sa BLACK SABBATH o SABADO SANTO.
LAZARUS SATURDAY, SUNDAY
“Anim na araw bago ang PASCUA, ang Panginoon ay pumunta sa Betania na kinaroonan ni LAZARO na namatay; ibinangon Niya siya mula sa mga patay” (Juan 12:1).
Ang “LAZARO” ay isa sa napakahalagang pagdiriwang ng Simbahang Katolika. Ito’y pumasok sa pagitan ng pagsisi sa panahong ng KUWARESMA at pamimighati ng MAHAL NA ARAW.
Pinatatampok ng okasyong “LAZARO” ang diwa ng ligaya at lungkot, tamis at pait, at galak sa muling pagkabuhay sa kabila ng dalamhati sa panahon ng pasyong pasakit.
Sa naturang okasyon ay itinatanghal ang muling pagkabuhay ni LAZARO, kapatid nina Magdalena at Martha. At nahahayag naman ang kalikasan ng PANGINOONG JESUKRISTO: tunay na Diyos, tunay na tao. SIYA ang BUHAY at MULING PAGKABUHAY. Ipinakikita nito na ang makapangyarihang pagkilos ng propesiya bilang panimulang palasap ng muling pagkabuhay ni Kristo at ng lahat ng mga pumanaw pagsapit ng wakas ng panahon (Juan 11:1-45).
Di nga ba’t sinasampalatayanan at pinanunumpaan natin sa CREDO ang katapatan sa katotohanang ito?
Ang “PASSIONTIDE” ay tinanggal ng Simbahang Katolika sa kalendaryong liturhikal ng Novus Ordo noong 1969, bagamat may mga Tradisyunal na Kristianong nagpapatuloy pa rin sa pagdiriwang nito.
MAY PAGDIRIWANG SA TAYTAY
Sa kabilang dako, ang LAZARUS SATURDAY at SUNDAY ay natapat na bisperas at araw ng kapistahan ng STO NIÑO DELA PACION ng Taytay at pati sa Navotas (MetroManila).
Sa panahon ng KUWARESMA sa Taytay ay may ginaganap na ritwal ng “basaan, buhos tubig, sayaw at prusisyon sa tubig” sa mga araw na ito na bago sumapit ang LINGGO NG PALASPAS. Gayunman, ang tulad nito at ang iba pang mga selebrasyon at tradisyong relihiyoso sa Taytay, ay tatlong taon nang pansamantalang nahinto sapul nang magkapandemya at lockdown noong Marso 2020.
Kapag LAZARUS SATURDAY ay may prusisyon ng basaan. Ang prusisyon ay lumalabas nang tanghali at nakakabalik naman nang ikalima ng hapon. May mga nagsasayaw na nagkukunwaring kuba, at mga lalaking nagbibihis-buntis na nasa harapan ng prusisyon habang masigla itong umuusad.
Nag-umpisa ang tradisyong ito noong 1960s. Kamangha-mangha ang ganitong okasyon na ipinuprusisyon ang maraming huling mga isda para sa Pabasa ng Pasyong Mahal sa Chapel ng STO. NIÑO DELA PACION “Tanawan”, sa Baryo Dolores.
Ang masaganang huling isda ay mula sa pagpandaw sa ginawang kulong sa Lawa ng Laguna. Sa pantalan sa bandang Villa Lolita, Banguiad iniaahon ang mga huling isda. Mula roon ay saka inilalakad nang paprusisyon hanggang sa STO. NIÑO Chapel ang pasalubong na huling isda.
Ang pagpandaw ay isang pamamaraan ng panghuhuli ng isda. Ang bahagi ng lawa ay kinukulong ng bunton ng water lily para doon matipon at mamahay ang mga isda na umiiwas sa bilad ng init ng araw. Pagkalipas ng isa o dalawang buwan, ang kulong ng waterlily ay paliligiran ng lambat, aalisin ang water lily, at saka isusulong para matipon papalapit sa pampang. Doon na nila puwedeng limasin ang mga isdang nakulong sa lambat.
Ang ruta ng prusisyon ay nagsisimula sa Chapel papuntang Villa Lolita, saka muling babalik sa Chapel. Sa pagbalik ay nakakalibot din sa gawi ng Kapalaran ang prusisyon ng basaan.
Ang araw ng Linggo (LAZARUS SUNDAY) ang mismong kapistahan ng STO. NIÑO DELA PACION. May solemnong prusisyon pagsapit ng gabing mapanglaw.
(Pasasalamat sa kontribusyon ng Samahang Sto. Niño dela Pacion – Pitt Reignald Crúz, at Ric Dominguez. Lahat ng mga larawan ay mula sa Samahan.)