Naihanda ni Padre Juan de Plasencia ang daraanan ng Misyong Franciscano. Natipon niya ang komunidad ng mga katutubo at naitatag ang Taytay bilang isang pueblo o bayan na sakop ng malawak na Visita Santa Ana de Sapa sa kupkop ng Misyong Franciscano noong 1579.
Si Padre Juan de Plasencia ay naging pinuno ng Misyong Franciscano sa Filipinas. Humalili sa kaniya si Padre Pablo de Jesus. Si Padre de Jesus ang naging kura paroko hanggang lumago ang Simbahan ng Taytay sa antas ng Parokya noong 1583; at doon pormal na itinanghal si San Juan Bautista bilang patron ng Parokya.
Sa ganitong perspektiba natin sisipatin si San Juan Bautista kaugnay sa buhay, tradisyon, at kasaysayan ng pamayanang Taytayeño.
Bakit nga ba may Santong Patron ang Simbahan?
Ang pagtatalaga o pag-aako ng mga Santong Patron ay nagsimula noon pang pagtatayo ng mga unang pampublikong Simbahan sa panahon ng imperyong Romano. Karamihan sa mga iyon ay itinindig sa ibabaw ng libingan ng mga martir, na nag-alay ng buhay dahil sa pananampalatayang Kristiyano.
Bawat Simbahan, kung gayon, ay sadyang inaalay sa kanilang napiling Santo. Ipinapangalan ito sa Santong Patron nila. Inaasam ng mananampalataya na ang Patrong martir ang magiging intercessor nila o tagapamagitan sa Diyos.
Ang mga Santong Patron ay tagapagtaguyod (advocates) ng mga Simbahan. O kaya’y ng mga kongregasyong relihiyoso (tulad ng Ordeng Franciscano ni St. Francis ng Assisi, ng Agustino ni San Agustin ng Hippo, ng Carmelite ng Virgin Mary of Mt. Carmel, atbpa.), kilusan, at samahang Kristiyano. Maaari rin silang maging makalangit na protektor ng bayan, bokasyon (halimbawa ay St. John-Baptiste Mary Vianney ng kaparian, San Pedro Calungsod ng mga kabataang sakristan at katekista), propesyon (St. Thomas More ng mga public servants, pulitiko, abogado, buhay-pamilya), hanapbuhay (San Isidro Labrador), uri at angkan, pamilya (San Jose na protektor ng buong Santa Iglesia Katolika, Santa Ana at San Joaquin ng mga seniors), at maging ng mga indibidwal na tao.
May mga Santong Patron ding inialay para sa mga may sakit, karamdaman, biktima ng salot at epidemya/pandemya, o naghihingalo at malapit-nang-mamatay (gaya nina St. Luke, San Roque, St. Camillus, o ni St. Padre Pio Francesco na isa ring Franciscano, o kaya’y ni San Lazaro na pulubing patron ng ketongin). Karaniwang ginagawa ang ganito kapag ang Santo ay dumanas ng sakit o nangalaga sa mga taong may gayon ding karamdaman.
Mainam din ang nakagawiang pag-ako ng isang tao sa Santo bilang kaniyang pansariling Patron kung ang pangalan niya ay kinuha mismo sa ngalan ng Santong naturan. At kung sa batang binibinyagan naman, ipinapangalan siya sa Santo upang maging huwaran sa paghubog at pagpapalaki sa kaniya sa buhay-Kristiyano.
Kaukulang Rite para sa Pag-aalay ng Simbahan at Altar
Itinuturing ito na kabilang sa pinakasolemneng serbisyong liturhikal. Natitipon sa Simbahan ang Kristiyanong komunidad upang makinig sa Salita ng Diyos, mag-alay, magsakripisyo, sumamba, at higit sa lahat ay ipagdiwang ang mga banal na misteryo sa ganitong lugar kung saan ang banal na sakramento ng Eukaristiya ay iniingatan at pinagsasaluhan. Isa itong imahe ng Templo ng Diyos na gawa mula sa mga batong-buhay.
Sa palibot ng Altar ay nagtitipon ang sambayanan ng Diyos upang makibahagi sa sakripisyo ng Panginoon sa makalangit na salo-salo na nagsisilbing tanda bilang “si Kristo ay pari, siya rin ang sakripisyong alay, at siya ang Altar ng pag-aalay ng Kaniya mismong sarili.” Sa tahasang sabi, “Si Kristo mismo ang Altar.”
Si Kristo ang Altar na Parangal sa mga Martir
Ang Altar ay Hapag ng Panginoon. Hindi ang katawan ng martir ang nagbibigay ng dangal sa Altar; bagkus ay ang Altar ang nagkakaloob ng dangal sa himlayan ng martir.
Marapat lamang na ang pagtatayo ng Altar ay sa ibabaw ng libingan ng mga martir at Santo. Maaaring ilagak ang kanilang mga relikya (relics) sa ilalim ng Altar bilang tanda ng respeto at patotoo na ang sakripisyo ng mga miyembro ng Santa Iglesia ay nagmula sa sakripisyo ng Ulo na dili’t iba ay si Kristo mismo.
Gaya ng saad ng espiritwal na pangitain ni San Juan Ebanghelista: “…nakita ko sa ilalim ng Altar ang kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at sa kanilang pagpapatotoo (Revelation 6:9).”
Si Padre Juan de Plasencia ay bininyagan sa pangalan ni Juan Bautista. Siya ang nagtatag ng Taytay at Liliw bilang mga bayan at Simbahang inalay at ipinangalan sa mabunying Patrong San Juan Bautista.
Nagsimula ang misyon ni Padre de Plasencia sa Taytay at payapa siyang yumao sa hirap at katandaan sa Liliw. Samantala, sa Simbahan ng Liliw ay may nakadambana ngayong relikya ni Cardinal San “Juan” Buenaventura, isa ring Franciscano. Si San “Juan” Buenaventura ang itinuturing na pangalawang patron ng Liliw.
Sa ibang dako, sa St. Jerome Parish, Simbahan ng Morong ay mayroong nakalagak na dalawang relikya ng Patron nilang si St. Jerome na mula mismo sa Vatican noong 2005 at 2007. Nakamit ang mga ito sa pamamagitan ng parish priest nitong si +Fr. Lawrence ‘Larry’ Paz, na naging assistant parish priest muna noong 1995 sa St. John the Baptist Parish-Taytay.
Sa Simbahan ng Tanay ay may relikya rin ng kanilang Patrong si San Ildefonso de Toledo na galing sa Espanya. May mga relikya rin ni Santa Maria Magdalena sa Simbahan ng Pililla (Diocesan Shrine and Parish of St. Mary Magdalene).
Gaya ng Taytay, ang Simbahan ng Morong ay kabilang din sa mga bayang itinatag ni Padre Juan de Plasencia. Ang Simbahan ng Tanay at Pililla ay dating bahagi ng napakalawak na Morong.
Si Kristo ang Sentro ng Altar
Sa Simbahan ng Quiapo, ang Parokya ni San Juan Bautista at Basilika Menor ng Jesus Nazareno, ay mamamalas na ang Kristo Jesus ang sentro ng Altar. Ganito rin sa mga Simbahang Parokya ni San Juan Bautista sa San Juan City (‘Pinaglabanan Church’), sa Tipas, Taguig (Dambanang Kawayan); sa Longos at Calamba Laguna, sa Bautista-Pangasinan, at sa iba pa.
Nadarang sila sa kapangyarihan ng Espiritu, at napukaw sila ng tinig ni San Juan Bautista na naghayag na “Dapat siyang humigit at ako naman ang lumiit (Juan 3:30) …Nagbibinyag ako sa inyo sa tubig pero dumarating na ang isang mas makapangyarihan sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa Espiritu Santo at apoy niya kayo bibinyagan (Lukas 3:16).”