Alin ang naunang simbahang-bato,
Taytay ba o Lumban?
Ang LUMBAN (La Laguna) ang kauna-unahang simbahang-bato sa labas ng Maynila. Naitayo ito ng Misyong Franciscano noong 1600.
PAX ET BONUM (Peace and the good; Kapayapaan at ang mabuti)!
Sa TAYTAY (Rizal) ay naitindig naman ng Misyong Jesuita ang kanilang unang simbahang-bato sa labas ng Intramuros (Walled City), noong 1601-1602.
AD MAJÓREM DEI GLÓRIAM (For the greater Glory of God; Para sa Kaluwalhatian ng Diyos)!
Ang TAYTAY at LUMBAN ay kabilang sa mga bayan at Simbahang itinatag ni Padre JUAN DE PLASENCIA, OFM. Labindalawang taon na nanatili ang TAYTAY sa ilalim ng pamamahalang eklesiyal ng Franciscano, mula sa pagkakatatag nito noong 1579, hanggang sa pagkamatay ni Padre de Plasencia noong 1590. Kasunod nito’y isinalin sa Jesuita ang pamamahala ng TAYTAY noong 1591, nagpatuloy hanggang 1768—umabot ng 177-taon.
LUMBAN, UNANG SIMBAHANG-BATO
SA LABAS NG MAYNILA
Ang LUMBAN ay isang masiglang komunidad bago pa man dumating ang Kastila. Naitatag ang bayang ito at nakapagtayo ng Simbahang yari sa nipa at kawayan. Ito ang naging himpilang pangmisyon ng Franciscano sa La Laguna, simula noong huling bahagi ng 1578.
Ang Laguna Copperplate ay natagpuan sa Ilog Lumban. Maituturing na ito ang pinakamatandang dokumentong historikal ng Filipinas na nakaukit sa tansong metal. Naglalahad ito ng mga impormasyon hinggil sa naging panlipunang pamumuhay sa KaMaynilaan at sa ibayong Southeast Asia sapul pa noong 900 AD.
Ang mga misyonerong Franciscano ay dumating sa Filipinas noong Hulyo 2, 1578. Labinlima silang pinalad makaligtas samantalang walong kasamahan nila ang nasawi sa kanilang isang taong mapanganib na paglalakbay-dagat mula sa España.
Pagkadaong sa Manila Bay ay nakipanuluyan muna sila sa convento ng mga Agustino sa Intramuros. Makalipas ang isang buwan ay nagkaroon na sila ng sariling kanlungan at lumipat sa Namayan (Santa Ana). Pinasinayaan doon ang una nilang simbahang yari sa nipa at kawayan. Ito’y ipinangalan at inialay nila kay Lola Santa Ana, ang banal na ina ng Birheng Maria. Iyon ang naging Visita Santa Ana de Sapa, ang unang himpilang misyong Franciscano.
Bagamat may dikretong pahintulot ang pamahalaang kolonyal na magpagawa ng simbahang-bato ang mga Franciscano noong 1599, saka pa lamang ito nasimulang itayo noong Setyembre 1720. Inialay ito sa Nuestra Señora de los Desamparados (Ina ng mga Walang Mag-Ampon). Dito naglagak si Capitan-Heneral Juan Jose de Obando ng authentic relics ni Lola Santa Ana na laan sa pag-iingat ng Ordeng Franciscano.1Cfr., Fr. Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1855. p.43-45
Sa Intramuros, itinayo ang simbahang-batong Sta. Maria delos Angeles (Our Lady of the Angels) ng Franciscano noong Nobyembre 5, 1739.2[Gutay, J. F. “Long”. Church of Our Lady of the Angels in Intramuros, Manila; OFM Archives–Philippines] Ito ang isa sa pinakamagarang Simbahán sa lumang Intramuros. Kasama nitong nakatayo sa plaza ang malaking chapel ng kanilang grupong layko na Venerable Orden Tercera. Ganap na nawasak sa pambobomba ang kambal na simbahang ito noong 2nd World War, 1945.
Nang dumating na ang iba pa nilang kasamahan noong Nobyembre 15, 1586 ay saka lamang ganap na naitatag ng mga Franciscano ang kanilang unang balangay o provincia sa Filipinas—ang Provincia de San Gregorio Magno (Province of St. Gregory the Great).
Si Padre Juan de Plasencia ay nabansagang “Ama ng Reduccion” at “Apostol ng Laguna at Tayabas.” Siya ay humayo at nagtatag ng mga bayan-bayan at Simbahan sa probinsiyang La Laguna, Tayabas (Quezon), at ilan sa Bulacan. Kabilang sa mga ito ang TAYTAY, Morong, Antipolo, at Pililla [sa Rizal]; LUMBAN, Siniloan, Pangil, Majayjay, Nagcarlan, Lilio (Liliw), Pila, at Santa Cruz [sa La Laguna].
Labindalawang taon na nanatili ang Taytay sa ilalim ng pamamahalang eklesiyal ng Franciscano, mula sa pagkakatatag nito noong 1579, hanggang makalipas pa ang isang taon pagkamatay ni Padre de Plasencia noong 1590.
Si Padre de Plasencia ay pansamantalang naging Custos ng Provincia ng Ordeng Franciscano noong 1579. Muli siyang naging Custos nang mahalal noong Mayo 23, 1584.3[Perez, Origen, pp. 25-26; Cfr. Perez-Plasencia, p. 53]
Nang dumating si (San) Padre Pedro Bautista sa Filipinas ay naatasan siyang maging kura paroko ng LUMBAN noong 1586; habang si Padre de Plasencia’y patuloy na nanunungkulan bilang kanilang Custos.
Ang Lumban ay itinalaga bilang himpilang pangmisyon ng Franciscano at tirahan ng mabunying si Padre de Plasencia4Cfr., Fr. Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865. p.121-122 Inaprobahan naman ni Governor General Santiago de Vera ang pagpapatayo ng bago at unang simbahang gawa-sa-bato sa Lumban noong 1586, datapwa’t hindi ito agad naisakatuparan. Humalili si Padre Bautista kay Padre de Plasencia bilang Custos noong 1588.5[59] Perez-Plasencia. p.53
Matapos ang mahigit labindalawang taong paglilingkod, si Padre de Plasencia ay payapang pumanaw sa katandaang edad na pitumpo sa liblib na lugar ng Liliw sa piling ng mga katutubo, noong 1590.6Huerta. Op. cit., p.444 Sa tawag ng paglilingkod, si Padre Bautista, kasama ang iba pang misyonerong Franciscano, ay nadestinong humayo sa Japan noong 1593 hanggang masawi silang “26 na martir ng Nagasaki,”7Fr. Erwin Schoenstein, OFM. “San Pedro Bautista in the Philippines,” OFM Archives-Philippines noong Pebrero 5, 1597.
Hindi na nasilayan nina Padre de Plasencia at Padre Bautista ang katuparan ng simbahang-bato sa Lumban. Datapwa’t naipundar ng mga Franciscano ang kanilang kauna-unahang “Banal na Templo ng Panginoon”—isang simbahang-bato sa labas ng punong-himpilang Maynila—nasa liblib na lugar ng La Laguna, noong 1600.8Huerta, Op. cit., p.121-123
Oktubre 9, 1600, ginanap sa Lumban ang pinakaunang makasaysayang okasyon ng taimtim na pagpupugay at paglalagak ng Blessed Sacrament sa Tabernakulo na inadornohan ng mahahalagang hiyas mula sa mga simbahan ng Liliw, Majayjay, at Nagcarlan. Apat na Altar ang ginayakan katuwang ang mga taga-Pila, Pangil, at Morong. Nagbuo ng apat na grupong koro ng mga mang-aawit mula sa Sta. Ana de Sapa, Pangil, Nagcarlang, Pila at Lumban. Dumalo ang apatnapu’t apat na misyonerong Agustino at Franciscano mula sa iba’t ibang bayan; may galing din sa Taguig at Pasig. Lumahok sa natatanging okasyong ito ang may-30,000 mamamayan ng Lumban at mga katabing bayang Majayjay, Liliw, at Nagcarlan.9 Huerta, Ibid.
Ito ang unang solemneng prusisyong Eukaristiko. Tinupad ng mga Franciscano ang adhikang selebrasyon ng Eukaristia sa Lumban ay “maging higit at walang katulad sa buong kapuluan ng Filipinas.” 10Huerta, Ibid.
TAYTAY: UNANG SIMBAHANG-BATO
NG JESUITA SA LABAS NG INTRAMUROS
Dumating ang mga Jesuita sa Filipinas noong 1581. Nagtatag sila ng mga himpilang pangmisyon sa Balayan (Batangas), TAYTAY, at sumunod sa Antipolo, noong 1591. Ito ang taon nang isalin ng Franciscano sa Jesuita ang pamamahalang eklesiyal ng Taytay.
Si Padre Pedro Chirino ang naging unang kura parokong Jesuita ng Taytay. Ipinagdiwang niya ang unang Banal na Misa ng kaniyang misyon sa Taytay noong Marso 25, 1591, kapistahan ng Anunciación. Ang dinatnang niyang pamayanan at simbahan ng Taytay sa tabing-Lawa ng Laguna na madalas binabaha ay inilipat sa isang burol.
Kasunod nito’y umahon siya paakyat sa Antipolo at ang unang Misa doon ay ipinagdiwang niya noong Agosto 15, 1591, kapistahan ng Asunción. Iyon ang orihinal na lugar na binansagang “Pinagmisahan.”
Noong 1599 ay sinimulang itindig ni Padre Diego Santiago, SJ ang unang simbahang-bato sa Taytay. Ito ay “isang napakagandang templo na ang sangkatlong (1/3) katumbas na halagang ginugol ay tinustusan ng Hari tulad ng ginagawa niya sa lahat ng simbahan.”11Chirino. Op cit., Capitulo IX, p.34. Gayunman, hindi siya pinalad na makitang matapos iyon dahil tumungo siya sa Maynila nang lumusob ang mga Olandes (Dutch) noong 1600. Naatasan siyang maging chaplain ng punong barkong pandigmang “San Diego” na nasa komando ni Teniente-Heneral Dr. Antonio de Morga, ang ikalawa sa pinakamataas na opisyal ng gobyernong Kastila.
Noong Disyembre 14, 1600 ay lulan si Padre Diego ng papalubog nang barkong “San Diego” sa gitna ng labanan malapit sa Fortune Island sa Nasugbu, Batangas. Kaysa iligtas muna ang sarili tulad ng ibang naunang nagsipaglundagan sa dagat, pinili niyang magpa-iwan at pangumpisalin ang sugatang agaw-buhay na sundalong opisyal. Sinamahan siya ng Jesuitang laykong si Bartolome Calvo. Kapwa sila magiting na namatay sa edad na dalawampu’t siyam.12(Fr. Horacio de la Costa, SJ. The Jesuits in the Philippines 1581-1768.Cambridge, Massachusetts, Harvard University Press, 1961; “Mission Stations”. p. 189-191)
Kaya, tinatayang nakumpleto lamang ang naturang unang simbahang gawa-sa-bato ng Jesuita noong bandang 1601-1602.
Ginawa ni Padre Juan de Salazar, SJ ang bagong ikalawang simbahang-bato ng Taytay noong 1630, at kasunod ang Antipolo noong 1632. Gayunman, ang nakatindig na ngayon sa TAYTAY ay ang ikatlo nitong simbahang-bato na sinimulan sa panahon ng panunungkulan ni Padre Pedro Hilario, Sekular (Arkidiosesis ng Maynila), noong 1962; at inut-inot na nakumpleto hanggang sa kapanahunan ni Msgr. Emilio Bularan, Sekular (Diosesis ng Antipolo), noong 1983.13Cfr., J. Fernandez. Lakbay-Pananampalataya, Parokya ni San Juan Bautista, Taytay, Set., 15, 2013