Taytay ni Juan

BAUTISMO SA APOY AT TUBIG!

Babautismuhan tayo ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Espiritu Santo at apoy. Si Juan Bautista naman ay magbabautismo sa pamamagitan ng tubig (Mateo 3:11).
Ay, kaipala’y tubig ang maghuhugas, apoy ang magdadalisay!

APOY

Ang apoy ay nagsisilbing simbolo at ekspresyon upang isiwalat ng bayan ng Diyos ang kaniyang pagdiriwang ng pananampalataya.

Nawawala ang Diyos kapag ang ating mundo’y nilulukob ng kadilimang espirituwal. Kaya sa iba’t ibang panig ng mundo, karamihan sa Kanluranin (western), ay pinapanatili ng mabubuting Katoliko ang kaugalian at tradisyon ng bonfire o apoy-pagsisiga para pagliwanagin ang kapaligiran at kalangitan sa bisperas (June 23) ng pista ng kapanganakan ni San Juan Bautista (June 24).

Nagsimula ang ganitong kaugalian noong maagang panahon ng Kristiyanismo, nang magwakas ang unang sigwa ng pag-uusig at paninikil sa mga Kristiyano noong ikaapat na siglo (311-312 AD). Sila ang iglesiya (simbahan) na tinutugis; sila ang mga tinawag upang magsilabas mula sa kanilang pagtatago sa mga madidilim na sulok, katakumba, kuweba, kailaliman ng tirahan, at ilang na lugar.

Ang tradisyon ng bonfire ay buhay-na-buhay hanggang ngayon. Isa itong paraan ng paghahayag ng pananalig na “taglay ni Juan Bautista ang liwanag na nagtuturo sa mga tao kay Kristo para lumabas sila mula sa pinagkakanlungang kasalanan at kadiliman.”

Ipinahihiwatig ng bonfire ang historikal at espirituwal na panahon ng pagsilang ni Juan. Iyon din ang panahon noon na inaasam, at hinihintay ang Mesiyas – ang Agnus Dei – ang Siyang ipaghahanda ni Juan ng daraanan. “Hindi baleng si Juan ang bumaba upang si Kristo ang dumakila” (Juan 3:30).

TUBIG

Sa pamamagitan ng tubig ay itinatanghal sa atin ang dakilang pangyayaring “ang Panginoong Jesus ay bininyagan ni Juan ng tubig sa Ilog Jordan, at sa sandaling iyon ay nabuksan ang langit” (Mateo 3:13-16).

Kaya, bukod sa bonfire, may mga sinaunang tradisyon din na tampok ang tampisaw at basaan ng tubig gaya halimbawa sa Puerto Rico sa US, at San Juan del Rio sa Mexico na pawang may heograpikal at malapit na pisikal at tradisyunal na ugnayan sa mga katubigan. 

Ang Puerto Rico na pinakamatandang pamayanan sa US ay isang pulo na nasa Atlantic Ocean. Pormal itong pinangalanang Ciudad de Puerto Rico de San Juan Bautista (“Siyudad ng Mayamang Pantalan ng San Juan Bautista”) ng Kastilang nagpundar nito noong 1521. Ito rin ang taon nang matagpuan ni Ferdinand Magellan ang kapuluan ng Filipinas.

Ang San Juan del Rio (“Ilog ni San Juan”) sa Mexico ay pamayanang itinatag ng Kastila noong 1526. Nasa baybayin ito ng napakalaking ilog.

Sa Filipinas ay may kahalintulad ding selebrasyon ng “basaan- tubigan” sa San Juan City, MM (Watah-wattah, June 24), Calumpit, Bulacan (Libad festival, June 23), Aliaga, N.Ecija (Taong Putik festival, June 24), Balayan, Batangas (Lechon festival, June 24), Cavite City (Regada festival–Basayawan sa Kalye, Caracol, Paulan sa Kalye; buong 1-linggo, June 24), at Taytay, Rizal (San Juan Paligo at Sabata, June 24).

Dito sa Taytay ay malaon nang tradisyon ang simba-prusisyong basaan. Mula’t sapol ay binansagan itong “San Juan Paligo.” Nawarian ng matatandang Taytayeño na nagsimula ito noong 1960s sa panahong ang kura ng Parokya ni San Juan Bautista ay si Fr. Pedro A. Hilario na naglingkod noong 1955-1968. Nilinaw din sa katekesis ng Parokya na ang ginaganap na basaan sa prusisyon ng kapistahan na kasunod matapos ang Banal na Misa ay itinuturing na “Prusisyon ng Pagbibinyag” bilang pag-aalaala’t pagpupugay kay San Juan Bautista.

Noong 1962, inilunsad ni Fr. Hilario at ng Parish Pastoral Council ang isang malawakang Reconstruction Fund Drive para gawin ang ikatlong simbahang-bato ng Taytay na may laki at akmang disenyong mala-basilica at may-kakayahang tumanggap ng isa hanggang dalawang libong magsisimba kada-Misa. Pinagtuwangan ito nina Fr. Hilario bilang honorary chairman, at lider-layko na si Atty. Isidro Sanvictores Sr. bilang chairman of the Board of Trustees. Si Atty. Sanvictores ay naging OIC Mayor ng Taytay noong 1988.

Samantala, ang Sabata festival (“Santong Basaan sa Taytay”) ay inilunsad noong 2018 at natigil nang 3-taon (2020–2022) sa panahon ng pandemyang Covid.

SAN JUAN PALIGO,
PRUSISYON NG PAGBIBINYAG

Bumagyo man o umaraw, ang dalisay na diwang-Bautista ng apoy at tubig ay magpapatuloy ng landasin. Hindi na mabubura ang tradisyong ito sapagkat nakaugit na sa Eternal ang historikal na selebrasyon ng buhay, pananampalataya, at kultura ng sambayanang mananampalataya ng Taytay.

Tulad ni Juan, imbes na maglingkod sa enggrandeng templo bilang pari, siya’y dumako sa ilang, nagbihis ng abang balat ng hayop, at ang kinain ay insektong balang at pulot-pukyutan (Mateo 3:1, 4)

Hinirang siya ng Panginoon sa natatanging misyon: Magpakumbaba para sa kadakilaan ng Diyos, ipangaral ang pagbabalik-loob at magbinyag-sa-tubig, at ipahayag ang paparating na Mesiyas. Ito ang maalab na diwa at mensahe na sadya man o di-sadya, ay natatakpan ng mga garbong kasayahan at galgal na pagdiriwang na karaniwang ginaganap sa mga pistahan.

Hangarin natin kung gayon, ang hibik ng kaibuturan ng loob at hindi ang artipisyal na panlabas. Magpokus tayo sa transendental, huwag sa materyal. Tanawin ang Eternal, iwaksi ang makitid na panandalian. At huwag na huwag lilimot at papalisin ang kasaysayan; makabuluhan ang nakaraan tungo sa paglalakbay natin sa walang-hanggan.

Dinggin natin mula sa ilang ang umaalingawngaw na tinig ng dakilang Prekursor na si Juan.

Viva, Patrong SAN JUAN BAUTISTA!
Mabuhay ang Bayan at Simbahan ng Taytay!

This image has an empty alt attribute; its file name is ICON-END-MARK.png

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *