Taytay ni Juan

(FILIPINAS: Unang Bahagi)

 

BAYAN KO,” awit ng patuloy na Kasaysayan…
Mapupunang ang salitang “anglosajón” (anglo-saxon) na ginamit sa orihinal na tula ay hindi nakaturo sa Kastila. Hindi rin pangkalahatan sa lahat ng “dayuhan”. Ito’y tahasang tumutukoy partikular lamang sa dayong “Amerikano-Briton“.
 

ANG ”BAYAN KO” ay isang awiting romantiko’t patriotiko. Magiting. Mapanghimagsik. 

Parang liyab na lumaganap ang popularidad nito sa hanay ng mga idealistang estudyante’t kabataang aktibista noong dekada ’70. Maraming nag-akala na ang awit na ito’y nag-umpisang sumibol lamang sa kilusan laban sa batas-militar.

Umalingawngaw ang himig mula sa kaibuturan ng kaluluwang Filipino: “Pilipinas kong minumutya, pugad ng luha ko’t dalita. Aking adhika: makita kang sakdal laya!” 

Dumaluyong ang People Power nang paslangin si Ninoy Aquino noong 1986. Ang diktadurang Marcos na nagbunsod ng libu-libong pagyurak sa karapatang pantao, malawakang katiwalian, at nagpalugmok sa ekonomiya ng bansa ay pinabagsak ng nagpupuyos na kumpas ng “BAYAN KO”.

Hudyat ng People Power: “Bayan ko binihag ka, nasadlak sa dusa…”

Pero paano, at saan nga ba nagmula ang “Bayan Ko”?

NOONG 1898, si Gen. JOSE Magdangal ALEJANDRINO ay sumulat ng isang orihinal na tula sa wikang Kastila. May-pamagat itong “NUESTRA PATRIA”.

NUESTRA PATRIA Filipinas,
cuya tierra es de oro y púrpura
tantos tesoros guarda en su lar
que tienen al hurtador.
Y es por eso que el
ANGLOSAJON
con vil traición la subyuga,
patria mía en prisión,
sacúdete del traidor.

Aun el ave libre en su volar,
llora cuando en la jaula está,
cuanto más nuestra patria de amor
al verse sin paz ni dignidad.
Filipinas de mi corazón
tus hijos jamás permitirán
que así te robe
tu bienestar y libertad.

(Click: Ang awiting Nuestra Patria)

Si JOSE ALEJANDRINO ay kabilang sa Kilusang Propaganda laban sa Kastila. Manunulat siya sa La Solidaridad kasama nina Graciano Lopez Jaena. Tinulungan niya si Dr. Jose Rizal sa pag-edit ng kaniyang El Filibusterismo sa Berlin. Isa rin siyang malapit na kaibigan ni Gen. Antonio Luna.

Gen. Alejandrino, ikalawa mula sa kaliwa. Kasama ang iba pa sa pamahalaang Rebolusyonaryo ni Gen. Emilio Aguinaldo.

Si ALEJANDRINO ay isa sa mga heneral ng Rebolusyong Filipino at nagpatuloy hanggang sa Digmaang Filipino-Amerikano.

Noong panahon ng pananakop ng Amerikano, si ALEJANDRINO ay nahalal bilang Senador sa ilalim ng Partido Nacionalista Consolidato noong 1925. Nahalal din siyang Kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga para sa Constitutional Convention noong 1934.

Gen. Jose Magdangal Alejandrino. Naging Senador sa panahon ng Amerikano, 1925.

Ang “NUESTRA PATRIA” ay tulang isinama rin sa dula-dulaang zarzuela na “Walang Sugat” ni Severino Reyes na kilala sa panulat bilang si “Lola Basyang”.

Tulad ng “NUESTRA PATRIA” , ang “Walang Sugat” ay inilathala din noong 1898. Pero naitanghal lamang ito sa unang pagkakataon sa Teatro Libertad noong 1902. 

Ang palabas ay itinuring ng mga Kano na propagandang subersibo. Dahil dito ay ikinulong nila si Severino Reyes.

Pagsapit ng 1928, ang “NUESTRA PATRIA” ay isinalin sa Tagalog ni JOSE CORAZON DE JESUS—kilala sa tawag na “Huseng Batute”. At heto na nga ‘yung makasaysayang bersyong Tagalog na “BAYAN KO”. Ito’y nilapatan ng musika ni Constancio De Guzman; apo siya ni Severino Reyes.

“NUESTRA PATRIA”—isinalin sa Tagalog ni Jose Corazon de Jesus, pinamagatang Bayan Ko.

BAYAN KO

Ang bayan kong Pilipinas,
lupain ng ginto’t bulaklak.
Pag-ibig ang sa kaniyang palad
nag-alay ng ganda’t dilág.
At sa kaniyang yumi at ganda,
DAYUHAN ay nahalina.
Bayan ko, binihag ka,
nasadlak sa dusa.

Ibon mang may layang lumipad,
kulungin mo at umiiyak!
Bayan pa kayang sakdal-dilag,
ang ‘di magnasang makaalpas?
Pilipinas kong minumutya,
pugad ng luha ko’t dalita,
aking adhika:
makita kang sakdal laya!

Si Ruben Tagalog, ang “Ama ng Kundiman” at pundador ng kilala ngayong Mabuhay Singers, ang unang nag-record ng awiting “BAYAN KO” noong dakong pagtatapos ng dekada 1940.

(Click: Ang BAYAN KO ni Ruben Tagalog)

Pero hindi dapat makalampas sa ating mapanuring pansin ang naging translasyon ng liriko nito. May “isang salita” roon ang ginamit na may hatid na ibang interpretasyon at bagong pang-unawa. At makakaapekto ito sa ganap na diwa ng buong katha.

Kung lilimiin, ang “NUESTRA PATRIA” ay katha ni ALEJANDRINO na isang ilustradong nahubog sa edukasyon at sibilisasyong Kastila. Mapupunang ang salitang “anglosajón” (Anglo-Saxon) na ginamit niya sa orihinal na tula ay hindi nakaturo sa Kastila. At hindi rin basta sa lahat ng “dayuhan” sa pangkalahatan. Ito’y tahasang tumutukoy partikular lamang sa lahing “Amerikano-Briton“.  

Masidhing umaalpas ang diwang patriotiko ng kapanahunang iyon sa daloy ng mga titik at himig ng “NUESTRA PATRIA” at “BAYAN KO”. Hindi matatawaran kung iyon sana ang napagpasiyahang pambansang awit* ng ating bagong-silang na bansa.  

Ano’t anuman, walang duda na ang awit na “BAYAN KO” ay nakaukit sa kasaysayan ng mga henerasyon ng pakikibaka para sa kalayaan, kasarinlan at identidad ng lahing Filipino. 

Ang “BAYAN KO” ay pumapailanlang pa rin sa ating kasalukuyang panahon. Muli, pilit itong nagbabalikwas at pumupukaw sa kamalayan sa karimlan ng gabi.    

 

*(LUPANG HINIRANG: Ikalawang Bahagi)







Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *