Taytay ni Juan

DR. GEMINO HENSON ABAD,
National Artist for Literature

Si Dr. GEMINO “Jimmy” HENSON ABAD ay isang malaking karangalan para sa Taytay. Prinoklama siya ng Malacañang bilang isang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan (National Artist for Literature) nito lamang Hunyo 10, 2022.

Walo (8) silang napiling mapabilang sa listahan ng ating mga National Artists. Kasama sina Nora Cabaltera Villamayor na kilala sa pinilakang tabing bilang “Nora Aunor“), si Ricardo “Ricky” Lee na premyado’t batikang scriptwriter, at si Marilou Diaz-Abaya na beteranong director ng pelikula sa kategoryang Film and Broadcast Arts. Kabilang ding itinanghal sina Agnes Locsin sa larangan ng Dance, si Salvacion Lim-Higgins sa Fashion Design, Fides Cuyugan-Asensio sa Music, at Antonio “Tony” Mabesa sa Theater.

Sina Dr. Abad, Sir Ricky, Ms. Fides, Ms. Agnes, Sir Tony ay pawang kabilang sa akademikong komunidad ng University of the Philippines (UP).

Batay sa pinagsanib na rekomendasyon ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Cultural Center of the Phil. (CCP) ay opisyal na inihayag ng Malacañang ang mga bagong National Artists sa pamamagitan ng Proclamation No. 1390

Ang Order of National Artist ay gawad na pinagtibay sa ilalim ng Proclamation No. 1001 noong Abril 27, 1972. Ito ang pinakamataas na pagkilalang iginagawad sa mga Filipinong may natatanging ambag sa pag-unlad at paglinang ng ating sining at kultura. Sa kabuoan ay mayroon nang 86 na National Artists ang ating bansa. 

Si Dr. Abad ay isinilang na Cebuano noong Pebrero 5, 1939, kaya’t 83-anyos na siya sa kasalukuyan. Lumikas sa Santa Ana, Maynila ang kanilang pamilya dahil sa trabahong tinanggap ng kaniya ama bilang propesor ng Far Eastern University (FEU) at University of the Philippines (UP). Siya ay kasalukuyang nananahan sa Beverly Hills Subdivision, Barangay Dolores, Taytay, Rizal mula pa noong 1983.

Si Dr. Abad ay isang makata at literary critic. Nakamit niya ang karangalang magna cum laude ng Bachelor of Arts in English mula sa UP noong 1963. Ang kaniyang Masters of Arts at Ph.D. sa English Literature ay mula sa University of Chicago noong 1966 at 1970. Kalaunan ay naging propesor din siya sa UP.

Siya ay tumanggap din ng maraming awards at gantimpala gaya ng Palanca Awards for Poetry, Philippines Free Press Awards for Literature, Cultural Center of the Philippines (CCP) Award for Poetry, National Book Awards mula sa Manila Critics’ Circle, at Asian Catholic Publishers Inc. Catholic Authors Award. Siya ang kauna-unahang Filipino na tumanggap ng prestihiyosong Premio Feronia mula sa Rome, Italy.

Mapalad ang Taytay. May isa tayong Dr. GEMINO “Jimmy” HENSON ABAD na magsisilbing inspirasyon sa paglinang ng ating Sining at Kultura. Panibagong ugit ito sa ating Kasaysayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *