PADRE FRANCISCO de Santa Maria. Siya ay isa sa 6 na mga misyonerong Franciscano na nagministeryo sa Taytay mula noong 1579 hanggang 1591. Ang iba pa’y sina Padre Juan de Plasencia (ang founder ng Simbahan at bayang Taytay), Diego de Oropesa (katambal ni P. Plasencia), Pedro Alfaro, Juan de Gorrovillas at Pablo de Jesus.
Si Padre de Santa Maria ang pinakabata sa kanilang grupo.
Kasamahan din nila si San Padre Pedro Bautista, na naging martir at founder ng Simbahang Quiapo na ngayo’y isa ring Parokya ni San Juan Bautista. Dito ngayon nakatindig ang Basilika Menor ng Itim na Nazareno.
Sinimulan nilang magpalaganap ng Ebanghelyo at magtatag ng Kristianong pamayanan sa malawak na kaharian ng Namayan na nasa ilalim ni Lakan Tagkan. Tinawag itong Santa Ana de Sapa bilang parangal at isinunod-sa-pangalan ni Santa Ana na ina ng Birheng Maria.
Ang sakop nitong mga teritoryo ay ang Pasay, Malate, Dilao, Pandacan, Quiapo, Sampaloc, San Miguel, San Juan del Monte, San Felipe (Mandaluyong), San Pedro Macati, at TAYTAY.
Sa pagdating ng mga dagdag pang nilang kasamahang Franciscano ay naitatag ang kanilang sangay, ang Provincia de San Gregorio Magno sa Filipinas.
TALAMBUHAY NI PADRE de Santa María. Walang naiulat na lugar ng kaniyang kapanganakan.
Kinilala siyang pinuno ng mga Franciscanong namumuhay ayon sa disiplinang sunod-kay-San Juan Bautista. Kabilang sila sa Provincia de San José ng Ordeng Franciscano, ang misyong nakahimpil noon sa Mexico.
Si Padre de Santa Maria ay naordinahan sa Mexico bilang pari. Siya ang naging punong mang-aawit sa simbahan (cantor). Doon rin niya ipinagdiwang ang unang missa cantata. Saka siya tumungong magmisyon sa Filipinas.
Mula sa Filipinas ay nadestino si Padre de Santa Maria sa Macau. Nang bumalik sa Filipinas, siya ay nagmisyon at namahala sa Balayan (Batangas) at Mindoro hanggang 1581. Siya ang kinilalang tagapagtatag ng sinaunang bayan at Simbahan ng Balayan.
Pumunta siya sa Malacca (Malaysia) at muling bumalik sa Maynila noong 1585. Ito ang taon nang humalili siyang magministeryo sa distrito ng Santa Ana de Sapa [sa Maynila]. Kabilang dito ang Taytay na naging isa nang hiwalay na visita ng malawak na distrito ng Santa Ana de Sapa noong 1579.
Si Padre de Santa María ang pinuno ng kanilang mga baguhang miyembro (novices) hanggang1587. Oktubre 15 nang taon ding iyon, ay tumulak siya sa Espanya upang makipagtalastasan sa kanilang sentrong himpilan.
Kasabayan ng pagdating ng isang grupo ng mga Olandes (Dutch) ay sumapit siya sa Mohala, isang isla ng Borneo. Kasama niya sa destinong ito si Padre Miguel de Talavera na isa ring batambatang pari na hinubog ni Padre de Plasencia na founder ng Taytay.
Napakasigasig ni Padre de Santa María sa pagmumulat at pangangaral sa mga katutubong Borney. Ikinagalit ito ng hari kaya’t siya ay ipinatugis sa mga tao. Si Padre de Santa María ay nasa aktong nakaluhod na nagdarasal ng pasasalamat nang siya’y makuyog. Katatapos niyang magdiriwang ng Banal na Misa.
Pinaslang siya sa pamamagitan ng ulos ng sibat. Kinaladkad habang marahas na saklot ang iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan hanggang sa puwersahang mapugot ang ulo. Ang kaniyang pira-pirasong katawan ay itinapon ng mga salarin sa isang malalim na ilog.
Sa halos sampung taon na pagmimisyon niya sa Provincia, isang angking karangalan para sa Taytay na yumapak dito sa lupain si Padre de Santa María. Kabilang ang Taytay sa nagbunyi nang ituring siya ng kaniyang mga kasamahang Franciscano bilang “bunso ng mga banal na tao at lubos na kinakasiyahan ng Panginoon.”
Pinarangalan si Padre de Santa María bilang “Kapita-pitagang Unang Martir ng Provincia de San Gregorio Magno.”
Mga PINAGBATAYAN:
-
- Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865. p.50-54
- Eusebio Gomez Platero y Fernandez Portillo. Catálogo biográfico de los religiosos franciscanos de la provincia de San Gregorio Magno de Filipinas desde 1577 en que llegaron los primeros a Manila hasta los de nuestros días. p27-28
- Fr. Jose Femilou “Long” D. Gutay, OFM. “Life and Works of Fray Juan de Plasencia,” OFM Archives-Philippines
- Fr. Erwin Schoenstein, OFM. “San Pedro Bautista in the Philippines,” OFM Archives-Philippines
- Jose “Ding” Fernandez. Lakbay-Pananampalataya–Parokya ni San Juan Bautista, Taytay. 15 Sept 2013. p.88