Hinirang na Awit, Bandilang inibig
Sa atas ni Hen. Emilio Aguinaldo ay nilikha ni Julian Felipe na isang maestrong musikero at sundalo ng himagsikan ang isang himno para sa okasyon ng proklamasyon ng kasarinlan ng Republika ng Filipinas. Sa saliw ng tugtuging marcha ay iwinagayway ang opisyal na Bandila ng Filipinas sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.
Ang himno ay pinamagatang Marcha Filipina Magdalo, saka pinalitan sa Marcha Nacional Filipina. Nakilala rin ito bilang Himno Nacional Filipino.
Si Aguinaldo ang naging unang presidente ng Unang Republika. Dinekreto niya ang “Marcha Nacional Filipina” na maging Pambansang Awit/Himig (national anthem).
Inamin ni Felipe na ang komposisyon niya’y “may mga himig na gumugunita sa Marcha Real ng España (1761) upang mapangalagaan ang alaala ng lumang kalunsuran.” Gayunman, may nakapansin ding ilang kritiko na “may mga himig ding inspirado ng tradisyunal na mga musikang pang-prusisyon at kundiman.”
Sa kabilang dako, sinulat naman ni Jose Velasquez Palma—isang makata at sundalo—ang tulang may-pamagat na “Filipinas” noong Agosto 1899. Sadyang inilapat niya ito para maging liriko ng “Marcha Nacional Filipina”. Ang orihinal na bersiyon ni Palma ay nasa wikang Español.
Si Palma ay kabilang sa mga manunulat ng rebolusyonaryong pahayagang La Independencia. Unang inilathala ni Palma ang pinagsanib na liriko ng kaniyang “Filipinas” at ng himig ng “Marcha” ni Felipe sa unang anibersaryo ng pahayagang La Independencia noong 3 Setyembre 1899. At iyon ang naging Pambansang Awit ng Rebolusyonaryong Pamahalaan.
Ang Act 1696 (Flag Act) ng gobyernong kolonyal ng Kano ay nagbabawal sa Bandila ng Filipinas, at Pambansang Awit hanggang noong 1919. Dahil sa pagtugtog ng Pambansang Awit sa isang pistahan sa Quiapo, isang buong banda-musiko ang kinalaboso noong 1909.
Ang Kastilang liriko ng “Filipinas” ay ipinasalin ng pamahalaang kolonyal ng Kano sa wikang English ng noong dekada 1920. Ang titulo nito’y “Land of the Morning”. Si Camilo Osias, isang Filipinong manunulat, na kalaunan ay naging Senador, at ang Kanong si Mary A.L. Lane ang gumawa nito. Pero ang opisyal na bersyong ginamit ng Gobyernong Commonwealth mula 1934 hanggang 1946 ay ang himno ni Julian Felipe alinsunod sa Commonwealth Act 382 noong 1938.
Ang Pambansang Awit at Bandila ng Filipinas ay dineklara ng Kano bilang mga opisyal na Simbolo noong 23 Setyembre 1943. Nilakipan ito ng palamuting “pangako ng ganap na kasarinlan para sa Filipinas”.
Nagkaroon din ng bersyong Diwa ng Bayan noong panahon ng Hapon. Nagkaroon din ng O Sintang Lupa (1948) nina Ildefonso Santos, Julian Cruz Balmaceda, at Francisco Caballo; ito’y nirebisa at inawit lamang bilang opisyal na bersyong Filipino sa panahon ni Pres. Ramon Magsaysay noong 26 May 1956.
Ang kasalukuyang bersyong Lupang Hinirang ang tanging kinikilalang opisyal na Pambansang Awit batay sa RA 8491 o Flag and Heraldic Code (12 Feb. 1998). Basically, ang Bandila natin ay ‘yun pa ring orihinal na Bandila ng Unang Republika ng 1898; ang pagkakaiba lamang nito’y nasa parteng itaas ang kulay pula na simbolo ng patriotismo at kagitingan.