Ang Unang Republika at Unang Presidente
Pinagtibay ang Malolos Constitution at itinatag ang Unang Republika noong Enero 1899. Si Hen. Emilio Aguinaldo ang naging unang Presidente nito. Kinilala ang institusyon iyon at taglay pa rin nito ang opisyal na pagkilala hanggang sa kasalukuyang panahon.
Gayunman, kung isasalang ang usaping ito sa kritikal na pagbusisi ng kasaysayan ay may lulutang na basehan ang paniniwalang may ibang nauna.
SI BONIFACIO AT ANG KATIPUNAN (1892).
Makatuwirang suriin ang kasaysayan ni Andres Bonifacio at ng Katipunan (KKK). Alalahanin natin na sa simula pa’y si Bonifacio ang namuno ng himagsikan laban sa Kastila sa kabila ng di-pagsang-ayon ng iniidolo niyang si Dr. Jose Rizal. Inspirasyon ni Bonifacio ang nabasa niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Rizal, kaya’t isinabuhay niya ito at hinugis sa layon ng rebolusyon.
Itinatag at pinamunuan ni Bonifacio ang Katipunan noong 1892. Pinagtibay sa Kumbensyon ng Kataas-taasang Kapulungan ng Katipunan ang 3-resolusyon na “nagdeklara ng himagsikan, magtatag ng gobyernong pambansa, at magdaos ng eleksyon ng mga opisyal na mamumuno sa bayan at hukbo”, noong Agosto 24, 1896.
Ang Katipunan na dating samahang-lihim ay naging hayag na rebolusyonaryong gobyerno. May pinaiiral itong mga sariling batas at istrukturang burukratiko.
Iginawad kay Bonifacio ang iba’t ibang titulo gaya ng “Supremo Presidente, Pangulo ng Nagsasariling Bayan ng Katagalugan, Pasimuno ng Himagsikan, Presidente de la Republica Tagala,” gayundin ng “Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan” (Sovereign Tagalog Nation“), at iba pa. Maliwanag na kumpleto ang mga sangkap: may uminog na gobyernong Republika, may Pangulo, may Batas, at may armadong hukbo.
Ginamit nila ang terminong “Tagalog“ o “Katagalugan,” na parehong tumutukoy sa pangkat etno-lingguwistiko sa buong kapuluan ng Pilipinas at sa kanilang wika.
Para sa Katipunan, ang tinutukoy nilang “Tagalog ay ang lahat ng isinilang sa buong kapuluan ng Filipinas, at hindi lamang bilang isang etnikong grupo…” Ayon sa dokumentong sinulat ni Bonifacio na may titulong Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog (March 1896), ang kahulugan ng salitang “Tagalog” ay “lahat ng tumubò sa Sangkapuluan natin; samakatuwid, Bisaya man, Iloco man, Kapampangan man, at iba pa, ay Tagalog din.”
May batayan, kung gayon, na kilalanin ang Katipunan bilang “Unang Republika ng Filipinas at si Bonifacio ang Unang Presidente.” Kaso nga, hindi gayon ang nangyari. Bakit tila baga’y lumihis ang kasaysayan?
MAY HIDWAAN SA PAGITAN NG MGA REBOLUSYONARYO. Naganap ang Tejeros Convention sa Cavite noong Marso 22, 1897 na namalas ang hidwaan ng paksyong Magdalo (na kinabibilangan ni Aguinaldo) at Magdiwang ng Katipunan. Nagresulta ang Convention sa paglikha ng bagong rebolusyonaryong gobyerno, at si Hen. Emilio Aguinaldo ang nahalal na Presidente kahit absent siya sa Kapulungan. Hindi nito naresolba ang mga alingasngas; at lumala pa.
Nasundan iyon ng marahas na pag-aresto at pagpaslang kay Andres Bonifacio at sa 2 kapatid niyang sina Ciriaco at Procopio. Si Gregoria de Jesus, ang asawa ng Supremo, ay ginahasa ni Col. Agapito Bonzon, isang loyalista ni Aguinaldo. Hindi man lang siya inimbistigahan at pinarusahan ni Aguinaldo kaugnay ng nakasusuklam na pangyayari.
Sa pamumuno ni Aguinaldo ay idineklara ang Independensya sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898. Winagayway ang bandila ng Filipinas sa saliw ng tugtog ng Marcha Filipina Magdalo (kalauna’y naging Marcha Nacional Filipina).
Ang Konstitusyong Malolos (Constitución Política de 1899) ang pinakamahalagang dokumentong pinagpasiyahan ng mga kinatawan ng rebolusyonaryong gobyerno. Pinagtibay nito ang pagtatatag ng “Unang Republika ng Filipinas“. Si Aguinaldo ang inihalal at pormal na nanumpa bilang “Unang Presidente ng Republika.” Prinoklama ang Konstitusyong Malolos noong Enero 23, 1899.
Naigupo ang kolonyalistang Kastila, pero hindi kinilala ng Kano ang gobyerno ni Aguinaldo. Trinato lamang iyon na “nasa ilalim ng makalingang pagtanggap (benevolent assimilation) ng Amerika.”
Noong Hunyo 2, 1899 ay opisyal na nagdeklara ng giyera ang Republika ng Filipinas (ni Aguinaldo) laban sa imperyalistang Amerika. Nguni’t si Aguinaldo ay nadakip ng Kano sa Isabela noong Marso 23, 1901, at pormal siyang nagdeklara ng pagsuko noong Abril 19, 1901. Humalili sa kaniya si Hen. Miguel Malvar at ipinagpatuloy ang Republika hanggang siya naman ang nadakip noong Abril 16, 1902. Doon nagwakas ang maikling buhay ng “Unang Konstitusyon at Republika ng Filipinas“ sa pamumuno ni Aguinaldo.
ANG NAUNA, SIYANG NAGPATULOY SA HULI.
Sa kabilang dako, ipinagpatuloy ni Macario Sakay ang simulain ng Katipunan. Si Sakay ay isinilang at laking-Tundo. Katropa niya si Bonifacio sa mga labanan.
Pormal na muling prinoklama ni Sakay ang Republikang Tagalog at isinulat ang Konstitusyon nito. May sariling bandila, sistema ng pagkolekta ng buwis, at regular na hukbo. Ibinilang niya sa Republikang Tagalog ang buong kapuluan ng Filipinas.
Si Sakay ang tumindig na Presidente ng Republikang Tagalog. Nagkanlong sila sa paanan ng Bundok Banahaw. Aktuwal na pinamunuan ni Sakay ang mga rebolusyonaryong himpilan mula sa Morong hanggang Nueva Ecija. Nagtalaga siya ng kanyang mga opisyal sa iba pang rehiyong Tagalog—Bulakan, Pampanga, Cavite, La Laguna, at Batangas.
Isang kabayang lider-manggagawa, si Dominador Gomez, ang nagkanulo kay Sakay sa pangakong “kalayaan ng Filipinas sa paraang konstitusyonal mula sa Amerika.” Inimbita si Sakay para sa isang payapang pag-uusap ngunit iyon pala ay bitag. Sa pagbaba niya mula sa himpilang bundok ng Tanay-Morong ay pataksil siyang inaresto sa isang piging sa Cavite. Binitay siya ng mga Kano sa bintang na “pagiging bandido” noong Setyembre 13, 1907.
Nagwakas ang Republikang Tagalog ni Bonifacio at Sakay sanhi na rin ng kataksilan ng ilang kababayan.