Taytay ni Juan

Historya at ‘marites’
sa likod ng kampana (1880)

Ang Campana de Santiago Apostol ng Simbahang Sto. Niño de Pandacan, ipinagawa ni Muy Reverendo Padre Fray Serafin Terren noong 1880.

Makasaysayan ang kampana ng Simbahan. Nagbibigay ito ng hudyat mula sa mataas na kinalalagyan nitong tore. Tanda ito ng pamamahala’t paggabay ng Simbahang nasa gitna ng kaniyang sambayanang nasasakupan.

Ganito ang kaayusang temporal at espirituwal na kung tawagin ay bajo la campana; ang kahulugan ay “nasa lilim tayo ng kampana, kaya’t nasa layong dinig natin ang alingawngaw nito.

Sa pasimula’y tinipon ng mga misyonero ang kalat-kalat at hiwa-hiwalay na mga katutubo. Inorganisa sila bilang komunidad hanggang sa mahubog at maging pueblo o bayan. Iyon ang sistemang reduccion. Imbes na “hagilapin kung saan-saan ang mga lagalag na kaluluwa ay tinitipon na lamang sila para maaralan sa pananampalatayang Kristiano at mapamahalaan para sa bagong kaayusan at sibilisasyon sa lilim ng kampana.”

Sa Simbahan ng Taytay, ang Campana de Santiago Apostol na nakatanghal sa patio ay isa-sa-anim na naisalbang kampana ng Basilika Menor at Parokya ni San Juan Bautista. Ito ang pangalawa-sa-laki sa mga sinaunang kampanang nasa pag-iingat ng Parokya. Ang inskripsyong nakaukit dito ay nagsasabing ipinagawa ito ni M.R.P. Fray Serafin Terren, OFM (Order of Friars Minor; tinatawag ding Franciscano) ng Parokya ng Sto. Niño de Pandacan noong 1880. Ang naturang kampana, kung gayo’y, pag-aari ng Simbahan ng Pandacan.

Ang marker na inilagay para sa kampana, nakatanghal sa patio ng Simbahan ng Taytay.

Ang Pandacan ay nahiwalay sa dating kinasasakupan nitong Simbahan ng Loreto (Sampaloc) noong 1712. Gaya ng Taytay, pareho silang sakop ng orihinal na malawak na Santa Ana de Sapa ng Misyong Franciscano umpisa pa noong 1578. Ang pamayanang Taytay ay bukod-tanging nahiwalay mula sa Santa Ana de Sapa at maagang nagsarili ito bilang isa sa mga bayang itinatag ng mabunying punong-Franciscano na si Fray Juan de Plasencia noong 1579.

Pero, papaano nga kayang napasakamay ng Taytay ang naturang batingaw? Umalingawngaw din kaya ito mula sa kampanaryo tulad ng tinig ni San Juan Bautista sa ilang? O, biktima itong nakasiksik lamang sa isang sulok at piping saksi sa marahas na kasaysayan mula pa sa Pandacan hanggang dito sa Taytay?

Naligalig ang Simbahan ng Pandacan. Ang itaas na bahagi at ang buong kumbento nito’y sinira ng lindol noong 1852. Dalawang taon ding pinagsumikapang matapos ang rekonstruksyon ng kumbento at bubong ng simbahan.

Muling lumindol nang napakalakas noong Hulyo 14–25,1880. Isa iyon sa pinakamapamuksa sa kasaysayan ng bansa, 7.0–7.6 magnitude. Nawasak ang buong simbahan at ang pinakamalaking bahagi ng kumbento nito. Malubhang pinsala rin ang tinamo ng Simbahan ng Loreto, ng kumbento, at ng katambal nitong kapilya ng kanilang grupong laykong Franciscano na Venerable Orden Tercera (VOT).  

Si Fray Serafin Terren at iba pang mga paring Franciscano na kasunod na humalili sa kaniya ay nagpursiging itindig muli ang simbahan at kumbento ng Pandacan hanggang ganap na makumpleto noong 1892. Sa kabilang banda, ang konstruksyon ng sementeryo sa Pandacan sa pangangasiwa ni Fray Saturnino Sanchez noong 1886 ay hindi na natapos dahil sa kakapusan ng pondo. 

Kaya, marahil ay ipinagkaloob o ipinagkatiwala ang Campana de Santiago Apostol sa Simbahan ng Taytay sa pagitan ng panahon ng kagipitan noong 1880–1896. Kung sinuman ang sangkot at anuman ang sirkumstansiyang bumabalot, at kasunduan sa likod nito, kung mayroon man, ay hindi pa natin alam. 

At kung sakaling sa panahon ngang iyon isinagawa ang sinasabing pagkakaloob, bakit sa panahon pa na ang Taytay ay nasa eklesiyal na pamamahala ng Ordeng Agustino Recoletos? Inspirado kaya sila sa napabalitang pagkakatagpo ng imaheng bato ng milagrosang Birheng Dolorosa sa Taytay noong 1875, sa panahong ang kurang Recoletos ay si Padre Esteban Martinez [de San Antonio de Padua]?

Sa kaniyang pangalan pa lamang ay mapagtatantong si Padre Martinez ay isang personal na deboto ni San Antonio de Padua. Si San Antonio de Padua (1195–1231) ay isa ring paring Franciscano (OFM).

Posible rin namang may kaugnayan ang pangyayaring ito sa Himagsikan (1896–1899) at Digmaang Filipino-Amerikano (1899–1902). Sa kaigtingan ng pag-aaklas ng bayan, ang mga Franciscano ay umatras at nagkanlong sa Intramuros. Inabandona nila ang karamihan sa kanilang mga Simbahan at ipinabahala na lamang sa mga paring Sekular. 

Ang Pandacan ay naging bantad na tagpuan ng mga rebolusyonaryo noong 1896. Dudurugin sana ng pwersang Kastila ang buong bayan kung hindi lamang naunsiyami ng batang naglalaro sa ibabaw ng kanilang mga kanyon. Kinilala ng mga tao na himala iyon at ang bata ay ang kanila mismong Sto. Niño de Pandacan.

Sa maligalig na panahong iyon, ang pinuno ng Simbahan at Municipio ng Taytay ay kapanalig o direktang sangkot sa simulaing nasyonalismo at panghihimagsik. Kaya ba inakalang mas may-kaseguruhan kung sa Taytay dalhin o itago ang kampana? Subali’t naisaalang-alang kaya na 1,000 inosenteng sibilyan—matanda’t bata, lalaki’t babae—ang minasaker nang walang kalaban-laban ng mga tropang Kano noong Marso 19, 1899, araw ng kapistahan ni San Jose, ang butihing tatay ng Poong Sto. Niño? Na ang buong Taytay ay natupok sa apoy, at nawasak pati ang gusaling Municipio at Simbahan dahil sa walang-pakundangang pambobomba ng Kano noong Hunyo 3, 1899?  

Sa kasagsagan ng Digmaang Filipino-Amerikano, ang mga kampana ay karaniwang kinukumpiska ng mga kaaway upang hindi na magamit bilang komunikasyon sa pagbibigay ng mensahe, hudyat, at babala. Nagagawa kasing tunawin ang batingaw na bakal para maging armas at bala. 

May pangyayari ring ang mga kampana’y napabilang sa mga kinamkam ng mga tropang Kano bilang kanilang pakinabang na mga yaman, pagkain, gamit, at souvenir sa giyera. O kaya’y binadyang tropeo sa kanilang giyerang pananalakay gaya ng tatlong kampana (1853, 1889, at 1895) sa Balangiga, Samar (Simbahan ng San Lorenzo de Martir), at isang kampana (1883) sa Bauang, La Union (Simbahan ng San Pedro at San Pablo). 

Makalipas ang higit isandaang taon, tulad ng lumayang ibon, ang apat na kampanang ito na tinangay ng mga mananalakay na Kano sa kanilang bansa ay saka lamang naibalik sa mga tunay na nagmamay-aring Simbahan ng Balangiga at Bauang

Pero ngayon, paano naman ang Campana de Santiago Apostol ng Simbahang Sto. Niño de Pandacan, makatarungan at may dahilan ba para hindi ito maibalik sa kanila? 

Samantala, nakalulungkot isiping muli na namang nasalanta ang Simbahan ng Pandacan nang matupok ng apoy kamakailan lamang noong Hulyo 10, 2020. Pero, milagro! Ang ciborium na kinalalagyan ng Blessed Sacrament ay natagpuan sa bunton ng mga guho at abo—nakasalba nang walang galos, selyado pa, at ganap na buo at maayos ang Banal na Eukaristiya! Oh..! “Panginoon ko, at Diyos ko!” 

Taglay ang panibagong pag-asa, lubos ang sampalataya ng sambayanan ng Pandacan na muli nilang maititindig ang kanilang Simbahang Sto. Niño de Pandacan. Kasalukuyan nilang proyekto ang isang malawakang rekonstruksyon ng kanilang Simbahan. Sa bajo la campana, adhika nilang patuloy na mamumuhay nang may lubos na pananalig.

******

Simbahang Sto. Niño de Pandacan, 1910.

May historical facts at “marites” din sa likod ng kampana.

Si Fray Serafin Terren ay kapalagayang-loob at malapít na kaibigan ni Don Mariano dela Paz Garchitorena (1835–1890), isang kilalang mangangalakal na ang angkanan ay iniuugnay sa mapangahas na Cavite Mutiny noong Enero 20, 1872.

Makalipas ang 3-linggo, Pebrero 17, 1872, ang pangyayaring iyon sa Cavite ay humantong sa pagbitay sa 3-paring Sekular na sina Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora (GomBurZa).

Ilang taon lamang bago sumiklab ang pag-aaklas sa Cavite, ang Pandacan na kung saan nakadestino si Fray Terren ay isa sa mga lugar na madalas na tagpuan ng mga liberal at intelektuwal na sirkulong kinauugnayan ng mga Garchitorena. Ang mga Garchitorena ay kasapi sa Comite de Reformadores ng kilusang reporma at sekularismo. Kasapi rin sa kilusan si Paciano, ang kuya ni Pepe Rizal.

Aba, nagkakaalaman ang magkaibigang pari at liberal tungkol dito. Bistado nila ang isa’t isa. Katunayan, makalipas ang 2-araw nang garotehin ang GomBurZa sa Bagumbayan (Luneta) ay sumulat si Fray Terren kay Don Mariano. Iglap lang ang pagkabanggit ni Fray Terren sa GomBurZa, walang dagdag na detalye. Kasi nga, alam na this

Sa naturang liham ni Fray Terren ay siya pang pari ang nangumpisal sa kaniyang kaibigan. Inamin niyang “meron siyang bawal na love affair, at nagbunga ito ng anak na babae na inasawa naman ng kapwa niya paring Franciscano na pumalit sa kaniya sa Parokya ng Sagñay, Camarines Sur…Ipapanalangin niya ang pagtutuwid sa kasamaang nagaganap sa personal na buhay niya, at may himig pamamaalam na inihabilin pa sa kaibigan ang pagkandili sa kaniyang Titay at anak na si Elisa.”

Sa paglipas ng panahon, naging “marites” ang kuwentong ito na hinihinalang pinaghugutan ng eksena para sa nobelang Noli me tangere (“Huwag mo akong salingin”). Kawangki nito ang mga haka-hakang karakter na tulad ng kinamumuhiang si Padre Damaso; at ang kabigha-bighaning anak niyang si Maria Clara na pinagnanasaang manyakin ni Padre Salvi. Inilarawan ang karakter na Damaso at Salvi, at ikinahon sila bilang mga salbaheng Franciscano.

I-chinika ba ni Don Mariano ang sikreto ng bff niya sa ibang ilustrado hanggang masagap ng batang paslit pa noong si Pepe Rizal; at nang magbinata siya’y isinatitik niya ito sa Noli me tangere (1887)? 

Fiction nga ang kategorya nguni’t may historical na pinagbatayan naman. Malikhain at matalas ang pagkakasulat. Mahusay mag-tweak ang awtor nitong si alyas-Dimasalang. At ang ikalawang nobela niyang El Filibusterismo (1891) ay inialay niya sa GomBurZa. Kaya ba sa lugar ding iyon ng Bagumbayan na pinaggarotehan sa 3-paring martir siya binaril?

Anak ni Don Mariano si Andres Garchitorena del Buenviaje de la Estrada (1876–1919) na kalaunan ay naging kabilang sa rebolusyonaryong grupo ni Gen. Emilio Aguinaldo na nakadistiyero (exile) sa Hongkong noong Spanish-American War (1898). Si Don Andres ay nahalal na Gobernador ng Camarines Sur noong 1919. (Sina Anjo at Jomari Yllana naman ay mga “apo sa talampakan” ng ninunong si Don Mariano.)

This image has an empty alt attribute; its file name is ICON-END-MARK.png

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *