BIRHENG DOLORES, MAHAL NAMING INA
ANG INANG DOLOROSA ng Pitong Hapis, Inang Nagdadalamhati, o Birheng Dolores ay mga titulong pangalang inilalapat sa Mahal na Birheng Maria, ang Ina ng Panginoong Jesus, kaugnay ng mga pagdurusa sa buhay.
Sa eklesiyal na historya, ang kapistahan ng Pitong Hapis ni Maria ay tuwing ikatlong Linggo ng Setyembre. Pinasimulan ito ng grupong Servants of Mary noong 1668. Binago ni Pope Innocent XII ang ngalan ng pistang ito bilang Mater Dolorosa o Inang Dolorosa noong 1692.
Ang kapistahang ito’y inilipat sa araw ng Viernes Dolores, ang huling araw ng Viernes bago mag-Semana Santa, noong 1714. Pinalawak ni Pope Pius VII ang pagdiriwang na ito sa buong Simbahang Katolika; itinala ito sa liturgical calendar noong 1814.
Pagsapit ng 1913, pirmihang itinakda ni Pope Pius X ang kapistahan ng Mahal na Inang Dolores tuwing ika-15 ng Setyembre bilang pagtatanghal sa partisipasyon ng Birheng Maria sa pagpapakasakit ng Panginoong Jesucristo. Kasunod ito ng pistang araw ng Triumph of the Cross o Pagtatagumpay ng Krus tuwing ika-14 ng Setyembre.
Ang debosyon sa Birheng Dolores ay masigasig na ipinalaganap ng mga misyonerong relihiyoso sa kapuluan ng Filipinas. At dito sa Taytay ay may salaysay si Padre Pedro Chirino, ang unang Jesuitang kura paroko noong 1591.
Aniya sa kaniyang aklat na Relacion de las Islas Filipinas,1Relacion de las Islas Filipinas. Roma, 1604. Capitolo LXIX, p.212 “inaawit ng pamayanan ang Salve Regina bilang parangal sa Mahal na Birheng Maria na Ina ng Diyos tuwing araw ng Viernes sa panahon ng Kuwaresma. May ginaganap pang pagsesermon sa simbahan ng Parokya. Minsang araw ng Viernes pagtunog ng kampana ng simbahan ay nagsiahon ang mga taong naliligo sa ilog para magsimba. May isang nagpaiwan at pakutya pang nangantiyaw na ‘uwian naman ninyo ako (‘acoi ouian’)! Habang papalayong nagsisiawit ng Salve Regina ang kaniyang mga kasamahan, siya’y sinakmal ng buwaya at iniwang isang malamig na bangkay na lulutang-lutang sa tubig.”2Cf., Francisco Vaez. “Annual letters from the Philippine Islands,” in The Philippine Islands, 1493-1803: Explorations by Early Navigators, Descriptions of the Islands and their Peoples, their History and Records of the Catholic Missions, as Related in Contemporaneous Books and Manuscripts, ed. Emma Helen Blair and James Alexander Robertson (Cleveland, OH: The A.H. Clark Company, 1903), 11:222.
ANG PAGKAKATAGPO SA IMAHEN NG DOLOROSA, 1875
NOONG 1875 ay may natagpuang imahen ng Dolores sa isang sapang nagmumula sa buról ng Sitio Libed, sa pook ng Magandang Lahi na malapit sa kinatitindigan ng kasalukuyang Taytay Elementary School (T.E.S.). Ang Sitio Bukal ang kanugnog nitong lugar; may pananda itong “Spring” batay sa isang mapa ng Taytay noong 1909. Makikitang ang naturang sapa ay dumadaloy pababa malapit sa paanan ng simbahan.31909 Taytay Map. The Medical Survey of the town of Taytay. The Philippine Journal of Science.
Nang matagpuan ang imahen, ang kura paroko noon [mula 1874 hanggang 1879] ay si Padre Esteban Martinez de San Antonio de Padua. Nakatala ito sa Catalogo de los Religiosos Agustinos Recoletos de la Provincia de San Nicolas Tolentino de Filipinas (1606–).
Ang naturang sapa ay karugtong ng malaking Ilog Taytay na humahantong sa Ilog Tapayan sa dakong embarcadero sa Lupang Arenda. Naglalagos ito hanggang sa malawak na Laguna de Bai. Nakapaglalayag dito ang casco o malaking bangka. Malinis at napaglalabahan pa noon ang daluyang-tubig.
May malaking tipak ng bato sa sapa na pinagtutuktukan sa paglalaba ng isang mangangalakal na Tsino-Cantones na nakatira sa naturang lugar. Sa tuwing humahataw ng palu-palo ay may naririnig siyang dumaraing ng “Aray! Araaaay!”
Nangamba siya. Tumawag ng mga kalalakihan upang magsiyasat at iangat ang bato na tila likod ng pawikan. Iniahon iyon mula sa tubig. Ang tumambad sa kanila’y isang imahen ng Birheng Dolorosa na sinlaki ng tao. May nakaukit sa likod nito: “Ang nagPagaua Ang Padre Pe.º Ð Silva”.
Si Padre Pedro de Silva 4Si Padre Pedro de Silva, o Petrus de Sylva (Latin) na nagpagawa ng imahen ay misyonerong Jesuitang natalaga sa San Mateo noong 1701, ay Jesuitang natalaga sa San Mateo noong 1701, tugma ito sa kanilang Catalogus Brevis Personarum Provinciae Philippinarum. Gayunma’y walang makapagsabi kung paano at kailan napunta ang imahen sa Taytay mula San Mateo, sapul nang pagkakagawa noong 1701 hanggang sa pagkakatagpo noong 1875.
May 174-taon ang panahong pagitan. Sa loob ng panahong iyon, ang Ordeng Jesuita ay in-expel at pinatalsik sa Filipinas noong 1768. Ang kanilang hurisdiksyon, simbahan at mga ari-arian, kasama ang sakop na misyon ng Antipolo, ay ipinasa sa mga Augustino Recoletos. At natalaga naman sa Taytay ang Recoletos noong 1864 hanggang 1897. Samantalang naibalik ang Ordeng Jesuita sa Filipinas noon lamang 1859.
MATAPOS NILANG LINISIN ang natagpuang imahen ng Dolorosa ay pinagtulungan nilang dalhin sa simbahan. Sa pagkandili ni Padre Esteban ay binihisan siya at maringal na ginayakan. Saka masintahin nilang inilagak sa Altar.
May gabing misteryosong nagliliwanag sa loob ng simbahan. Napuna ring nag-iiba-iba ng posisyon sa kinatatayuan ang imahen. Wari’y nagpaparamdam na “gustong umalis.” Dahil dito, pinagpasiyahan ng kinauukulan na ibalik na lamang siya sa tabing-sapa kung saan siya unang natagpuan. Idinambana doon sa isang payak na kubol. Pinagyaman ng mga tao ang kubol hanggang lumaon, iyon ay naipagawang kapilya.
Patuloy na yumabong ang pagdedebosyon sa Birhen ng Dolores. Ang kapilya ay binibisita ng maraming taga-Taytay at maging ng mga taga-kalapit-bayan. Nang likhain ang isang bagong baryo na nakasasakop sa Kapilya noong 1934, ito’y ipinangalan sa Mahal na Inang Dolorosa bilang parangal sa kaniya.
NASA CAMINO REAL ang orihinal na lokasyon ng Kapilya ng Dolores, sa may tabing-sapa. Ito ang Rizal Avenue at kanto ng kalye Adhika ngayon na nasa Gitnang Bayan, sa may-bungad ng lumang pamilihang bayan. Ang kapilya ay eksaktong katapat ng bahay ng taal na Taytayeñong si Espiridion Suallo.
Ang debotong si Lola Charing Francisco ay 91-anyos na ngayong 2024. Siya’y apo ni Espiridion Suallo. Ikinuwento sa kaniya ng kaniyang Lolo Espiridion na “may isang babaeng naggala noon sa Maynila para maghanap ng pabango para sa kaniyang bahay na di-umano’y may nangangamoy-palikuran.” Natagpuan ng babae ang Botica Boie na nakapwesto sa Escolta mula pa noong 1880. Nakipagkasundo sa may-ari nito na pupuntahan siya kapag mayroon na ng pabangong hinahangad niya.
Dala ang pabangong katas ng bulaklak ng ilang-ilang at sampagita—ang uri ng pabangong ipinagwagi ng botica ng gold medal sa nilahukan nitong eksposisyon sa Madrid noong 1887, at sa St. Louis, US noong 1904—sinusog ng may-ari ang tirahan ng babae sa Taytay. Pero, ang natagpuan niya’y ang mismong dambanang kapilya. Saka napagtanto na ang babae palang nakilala niya’y dili’t iba ang Mahal na Birheng Dolorosa ng Taytay!
ANG DEBOSYON AT TRADISYON
NAMIMINTUHO ANG sambayanan at nagdiriwang sa kapistahan ng Birheng Dolorosa. Inaalala ang malalim na pagbubuklod ng puso na namamagitan sa Ina ng Manunubos at sa kaniyang Anak na Tagapagligtas. Sa pamamagitan nito’y naranasan ng Ina ang di-malirip na mga sákit na dulot ng misyong pagliligtas ng Anak sa buong sansinukob, sa pamamagitan ng pasyon at kamatayan sa krus.
Gaya ng nasasaad sa propesiya ni Simeon, dinanas ng Inang Dolores ang mga dusa’t pasakit na nagsilbing balaraw na tumarak sa kaniyang puso’t kaluluwa. Gayunman, ipinahihiwatig ng anyong-kilos ng natagpuang imahen na “humakbang siyang paahon mula sa pagkakalubog sa tubig ng pighati. Ang hakbang ding iyon ang “magsisilbing yapak na dudurog sa ulo ng Diablo sa Kalbaryo—ang dakong bungo na pinagtarakan ng Krus.”
Mauunawang ang pasyon ng Kristong manunubos ay siya ring dusa ng Inang Dolorosa. Magkayakap ang Viernes Dolores at Viernes Santo.
MULA NOONG 1950s hanggang 1990, naging tradisyon na sa Taytay na ang Sto. Niño de la Pasion na nakadambana sa kalapit na buról ng Tanawan sa Baryo Dolores, ay palaging sinusundo sa mga natatanging okasyon para pumisan sa Inang Dolorosa na nasa dambanang kapilya sa poblacion, sa bungad ng lumang pamilihang bayan.
Sinusundo rin ang sinaunang imahen nina San Josef at San Roque sa magiliw na saliw at indak ng mga tugtog ng Banda Uno Malaya. Kalauna’y nagka-dalawang pangkat at tinawag silang Banda Makabayan at Banda Makapare—ang Banda Uno at Banda Dos.
Parehong taong 1875 natagpuan ang imaheng Dolorosa at ang pagkakatatag ng Banda Uno Malaya. Hanggang ngayon ay naging ritwal na at kinagigiliwan ang pag-akampanya ng bandang musiko sa pagdiriwang para sa patron ng Simbahan at maging sa hatiran sa mga hermano at hermana ng mga “santong alaga” ng mga samahang deboto.
PISTA AT PAGDIRIWANG SA KAPILYA NG DOLORES
SA ILANG PILI at natatanging okasyon lamang nagdaraos ng Banal na Misa sa Kapilya ng Dolores noong dekada ‘60. Karaniwang nagmi-Misa lamang doon tuwing Viernes Santo, Viernes Dolores, araw ng Kapanganakan ni Maria kapag Setyembre 8, at Inmaculada Concepcion sa Disyembre 8. Dahil sa kahilingan ng mga deboto, kalaunan ay ipinagkaloob ang regular na serbisyo ng pagmi-Misa tuwing araw ng Viernes.
Gayunman, minarapat na ang Viernes Santo ay ilaan na lamang para sa lahatang pagmimisa sa Parokya ng San Juan Bautista. Ang araw ring ito’y laan para sa prusisyon ng paglilibing ng Mahal na AMBA, ang Santo Entierro.
May dalawang okasyon ng pagpaparangal sa Inang Maria sa titulong “Dolores”—ang Viernes Dolores sa panahon ng Kuwaresma, at pistang liturhikal ng Inang Dolorosa tuwing Setyembre 15.
Dati-rati, ang ipinagdiriwang na araw ng kapistahan ng Kapilya ng Dolores ay ang Viernes Dolores, ang huling Viernes bago mag-Semana Santa. Gayunma’y iniiwasang matulad sa karaniwang pistahan na may maglahok ng karne sa pagkaing inihahanda dahil ang Viernes ay takdang araw ng abstinensiya sa buong panahon ng Kuwaresma. Minabuting isaalang-alang ang ganito sa panahon ni Fr. Bienvenido “Ben” Guevara, ang kura paroko noong 1997–2006. At ipinatupad din ang obserbasyon ng pagdiriwang ng kapistahan ng Dolores ay tuwing Setyembre 15, alinsunod sa liturgical calendar.
ANG MGA KAUKULANG pagbabago sa pagdiriwang sa Kapilya ng Birheng Dolores ay niyakap rin ng komunidad at pamahalaang-sibil ng Baryo Dolores at maging ng Municipio. Lumaganap ang taimtim at masugid na debosyon ng Taytayeño at pati ng mga taga-ibang bayan sa Mahal na Birheng Dolores. Nakaukit na ito sa kasaysayan, at lalo’t higit sa puso’t kaluluwa ng mga deboto at ng tanang mananampalataya.
Viva la VIRGEN DOLOROSA!
TAYTAY, pueblo amante de MARIA!