Salamat po, Padre LUPO S. DUMANDAN!
Bigyang-pugay natin at pag-alaala si Padre LUPO S. DUMANDAN. Siya’y isinilang noong Hulyo 29, 1877. Sumakabilang-buhay noong Agosto 31, 1949.
Si Padre Dumandan ay hinubog na maging pari sa San Carlos Seminary. Inordinahan siya noong Disyembre 1905, isang paring Sekular sa ilalim ng eklesiyal na pamamahala ng Arkidiosesis ng Maynila.
Siya’y isang taal na Pasigueño, mula sa Baryo Santolan. Nagmula sa isang makabayan at maykayang pamilya sa bayan ng Pasig. Ang kaniyang nakatatandang kapatid na si Don Patricio Dumandan ay naging gobernadorcillo (punong-bayan) ng Pasig noong 1890–1892, panahon ng paghaharing Kastila. Pagkatapos ay naging konsehal naman siya ng unang pamahalaang municipal sa ilalim ng kolonyalitang Kano noong 1902.
Nauna rito, si Don Patricio ay ipinatapon (exiled) ng pamahalaang Kastila sa Marianas noong 1897–1898 dahil sa pagkakasangkot sa matagumpay na pag-aalsang-Nagsabado (Agosto 29,—tatlong araw sapul nang sumiklab ang “unang Sigaw sa Pugad Lawin). May 2,000 taongbayan ang nagmartsang palusob noon sa Plaza. Iyon ang unang labanan ng Himagsikan sa Pasig na kung saan ay nagapi at nakuha ng mga Pasigueño ang Tribunal de Naturales at Cuartel de la Guardia Civil.
Makalipas ang dalawang taon ay ginawaran ng amnestiya si Don Patricio nang magawa ang Pact of Biak-na-Bato sa pagitan ng pamahalaang Kastila at Rebolusyonaryong Gobyerno sa pamumuno ni Hen. Emilio Aguinaldo.
Ang “Bahay-na-Bato” na pag-aari ni Padre Dumandan ay ginawa noong 1870 at ito’y kinikilalang isa sa napakahalagang landmark sa Santolan. Katangi-tangi ang pagkakaloob niya sa Parokya ng Santolan, Pasig ng minanang malawak na lupain mula sa mga ninuno. Bahagi nito ang 2,200 sq. meters na kinatatayuan ngayon ng Sto. Tomas de Villanueva Parochial School.
Malapit sa entrada sa bakuran ng Simbahan ng Parokya ay naroon ang isang monumento ng imahen ng Sagrado Corazon de Jesus at sa dakong ibaba ay nakapaskel ang mga markers ng pagkilala ukol sa angkan ng Dumandan. At sa pinakapusod ng komunidad ng Santolan ay may kalsadang pinangalanang “Rev. Dumandan” at “Padre Lupo”.
Naging katuwang-na-pari (coadjutor) ng Pasig si Padre Dumandan noong 1901 hanggang circa 1910. Nakapaglingkod siya sa bayan ng San Mateo noong Mayo 8, 1905 hanggang lampas 1910. Kabilang siya sa 122-delegadong diocesan priests sa makasaysayang Ikalawang Sinodo ng Maynila noong April 19–20, 1911 bilang Kura Paroko ng San Mateo. Kasama niyang dumalo si Padre Juan L. Dizon ng Simbahan ng Cainta.
Si Padre Dumandan ay natalaga rin sa Angono noong Enero 15 hanggang Setyembre 14, 1927.
SA TAYTAY. Si Padre Lupo Dumandan ay naging Kura Paroko ng Parokya ni San Juan Bautista mula 1924 hanggang 1931. Siya ay isang personal na deboto ng Sagrado Corazon de Hesus (Sacred Heart). Naglingkod siya ayon sa kaayusan ng bajo la campana. Makikitang nakamarka ang pangalan niya sa dalawang kampana na nasa pag-iingat pa rin ng Parokya.
Ang Campana de San Juan Bautista ay ipinagawa niya noong Agosto 30, 1926. Kabilang sa nag-ambagan sa pagpapagawa nito ang Samahang Sagrado Corazon de Hesus, Hermanos at Hermanas ng San Francisco at Cofradia ng Nuestra Señora Anunciata. Natigil ang serbisyo ng naturang kampana dahil sa malubhang kapinsalaang tinamo nito noong World War 2.
Ang isa pa sa ipinagawa ni Padre Dumandan ay ang Campana de Nuestra Señora de Dolores at Sta. Ana noong Disyembre 8, 1925. Nakasalba sa karahasan ng World War 2 at nagpatuloy ang sagradong serbisyo ng alingawngaw ng batingaw na ito hanggang 2021 sa panahon ng pananalanta ng Covid-19 pandemic.
Nakakalungkot dahil tuluyan nang naisantabi ang kampana kasabayan ng pagkakatigil ng serbisyo ng Banal na Misa habang nagsasagawa ng “pagpapaganda, rekonstruksyon, at pagbabago” ng mga istruktura ng Simbahan sa kasagsagan ng pandemiya.
Mga Reperensiya:
* Estado general del Apostolado de la Oracion en Filipinas, 1911
* P.J. Kennedy. The Official Catholic Directory for the Year of Our Lord 1916
* Leo A. Cullum, SJ. San Carlos Seminary and the Jesuits – Philippine Studies – Vol. 18, No. 3 (1970)
* Pasig City Hall Library
* Ligaya Tiamson-Rubin. Mga Talang Pangwika at Pangkasaysayan, 2003