National Heritage Month ngayong Mayo 2022. Batay ito sa Presidential Proclamation No. 439. Ang pagdiriwang ay may layong likhain sa kamalayan ng mga Filipino ang respeto at pagmamahal sa legasiya sa kasaysayang kultural ng ating bayan.
Buong dangal na itinatanghal ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at ng Ahensiya nitong National Historical Commission of the Phil. (NHCP) ang temang: “PAMANANG LOKAL: BINHI NG KULTURANG PILIPINO”.
Isinusulong ang kahalagahan ng pangangalaga at pagtataguyod ng pamanang lokal (local heritage) sa mga komunidad. Partikular para sa atin, mabisa ang ganitong sikap para mahubog ang pagkakakilanlan ng Taytayeño, at sa pangkalahatan, ng kulturang Filipino.
Ang kultura ay pamana sa bayan. Itinatampok ito at pinagdarangal. Dapat pangalagaan at ipagtanggol. Ipinapasa sa sali’t salinlahi. At hindi dapat mapatid ang ugnay at talastasan sa pagitan ng mga henerasyon.
Nakalulungkot ang kaganapan sa Taytay ngayon. Ang mismong lokal na pamahalaan na dapat sanang mangalaga sa pamanang kultural ng bayan ang siya pa mismong lumalapastangan nito.
Nasalaula ang maituturing na heritage zone ng Taytay na nasa sentro ng kabayanan. Nasa lokasyong ito ang itinuturing ng Batas na mga important cultural properties (ICP) ng Taytay: ang umiiral pang sinaunang Simbahan (1591), lumang Municipio-Ancestral Home (1901-1955), Monumento ni Rizal at Inang Bayan (1950s) na ilegal na dinemolis; Plaza Libertad (1901) na ngayo’y San Juan Gym at Mayor June V. Zapanta Emergency Hospital, at iba pa. Pinakamatao at aktibo ang makasaysayang lugar na ito sa mga tradisyong lokal, aktibidad na sosyal, sibil, komersyal, pulitikal, at relihiyoso.
Pero sa kabila ng kaukulang Notice at Cease-and-Desist Order mula sa NHCP, pangahas pa ring giniba ng Pamahalaang Bayan ng Taytay ang lumang Municipio-Ancestral Home, at ang Monumento ni Jose Rizal at Inang Bayan. Para bang wala nang ibang bakanteng lugar sa malawak na sakop ng Taytay kung kaya’t dito pinilit pinuwesto ang P311.9-M “development project” ng Capitolio. Pinagmatigasan pa ang balikong katwiran na umano’y “mas maraming makikinabang sa itatayong hospital kaysa sa lumang Municipio na wala namang historical value.”
Ang naturang project ay maanomalya. Tahasang ilegal. Walang konsultasyon sa publiko. Walang iprinisentang Demolition Permit. Walang maipakitang rekisitong Project Feasibility Studies. Walang inilitaw na Site Development at Engineering/Building Plans para sa karampatang ebalwasyon at aprubal ng NHCP alinsunod sa itinatadhana ng National Cultural Heritage Law (RA 10066).
Patuloy pa rin ang paggawa ng hospital sa guho ng lumang Municipio. Ayaw nilang paawat. Kahit may inilitaw pang “Permit to Construct a Hospital” (PTC) ang Municipio at Capitolio na mula sa DOH-Calabarzon ay batbat naman ito ng “misrepresentation and distorted facts”. Siguradong ang “178-bed capacity hospital” na ito na nasa gitna ng Bayan ay magdudulot lamang ng malalang toxic waste disaster sa bayan ng Taytay na hindi malutas-lutas ang malaon nang problema sa drainange system at matinding pagbaha.
Noong Okt 1, 2021 ang NHCP (na sinang-ayunan ng NCCA) ay naghain sa Ombudsman ng kasong “grave misconduct and violation of RA 10066” laban sa kasalukuyang Mayor, Vice Mayor, lahat ng 8 Councilors, at Local Building Official ng Taytay.
Hinihingi ng katuwiran na dapat silang mapananagot sa Batas. Kung hindi, magpapatuloy ang pagkasira at tuluyang paglaho ng mga nalalabi pang lokal na pamana at kultura ng Taytayeño sa ngalan ng taliwas na “development”.
Ang yugtong ito sa kasaysayan ng Taytay ay humahamon kung may umiiral pang katarungan. May kabuluhan pa ba ang mga institusyon ng Gobyerno na may obligasyong sumunod at magpatupad ng Batas?