Taytay ni Juan

 

 

“Konting bato, konting semento. Ay, walang kuwenta ang monumento.”

Dalawang ulit tinangka ng nasa poder na dispatsahin ang lumang gusaling Municipio sa pamamagitan ng build-operate-transfer scheme (BOT) noon pang 2009 at 2012; hindi nga lamang ito naisakatuparan sa kung anumang kadahilanan. Sa BOT scheme, magde-demolish saka magtatayo ng panibagong proyekto na kursunada ng pribadong interes.

Nov 17, 2022 — Halos 2-taong lumipas nang i-demolish ang Monumento, biglang inilitaw ang estatwa ng Inang Bayan (itinindig na!) at Jose Rizal (nasa kabaong pa!) dito sa construction site ng hospital. Paumanhin, ayaw nating ipakita ang masagwang hitsura ni Rizal sa loob ng kabaong—out of respect sa ating dakilang bayani. 🙁

Desidido silang i-demolish ang gusaling Municipio at Monumento. Itinaon sa panahon ng pandemic. Gumawa ng Appraisal Review Report ang Municipio sa COA (June 9, 2020). Pinalilitaw na ang estatwa ni Rizal, Babae, at Flagpole ay mga walang presyo dahil kinategoryang miscellaneous lamang. Ang kabuoan ng gusali naman ay may presyong P13,306.32 bilang scrap-junks. Gayunman, ang pinaabot sa kanila na reklamo laban sa anomalyang ito ay itinuring ni COA Director Mario G. Lipana bilang “information of fraud” (April 22, 2021). 

Ang naaayon sa Batas at mga Reglamento: Pangalagaan, huwag sirain ang heritage, panatilihin ang kaayusang balangkas ng sona, pagyamanin ang kasaysayan ng lugar, mga tradisyon, sosyo-sibiko, serbisyo-publiko, at pulitikal na paninilbihan, at alaala ng mga kaganapan.

Tinamaan ng kulog! Dito sa Taytay, ganyan ang naging trato kay Gat Jose Rizal at kay Inang Bayan nang gibain ang kanilang Monumento, kasama ng dating Gusaling Municipio, noong Disyembre 10, 2020, mismong araw pa ng pagdiriwang ng International Human Rights Day. Hindi sana umabot sa ganito kung sumunod sa cease-and-desist order ng Nat’l. Historical Commission of the Phil. (NHCP), at nakaroon muna ng in-good-faith na pag-uusap at konsultasyon.

MONUMENTO. Sadya itong itinindig ng mga ninuno at ng mga nauna-sa-atin bilang parangal at alaalang pangkasaysayan. Ito ang centerpiece ng sonang pamanang-lahi (heritage) na matatagpuan sa ating nagisnang kaayusan ng Gitnang Bayan.

Katangi-tangi sa buong bansa ang ganitong Monumentong magkasama sina Gat Jose Rizal at Inang Filipinas. At taglay ang diwa ng himagsikang nagtatag ng Unang Konstitusyon at Republika.

Ang naturang Monumento ay focal point at dakilang palatandaan sa ating bayan. Isa itong pag-alaala sa pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na sa kaniya ipinangalan ang ating Probinsiya (US Phil. Commission Act No.137, June 11, 1901). Itinatanghal din ang Inang Filipinas na dinamitan ng Watawat at tangan niya ang Konstitusyong Malolos ng Unang Republika (Enero 21, 1899) ng ating bansa, at siya namang kauna-unahan sa buong Asya.

MAKASAYSAYAN. Tumayo sa lugar na ito ang isang gusaling Municipio (1903) matapos ang Fil-Am War noong 1899-1901, panahong isinanib ang Cainta at Angono sa Taytay, at noon ay dating sakop pa ng Taytay pati ang Sitio Mayamot at Bulao ng Antipolo; at ang Taytay ang naging luklukan ng gobyernong Municipal (Act No.942, Oct. 12, 1903).

Una munang nagtayo ng Monumento. Pagkatapos, ay muling itinindig ang Gusaling Municipio noong 1955 mula sa guho ng World War 2, sa pamamagitan ng ₱80,000.00 war reparation pay mula sa Japan. Nakahulma sa patsada ng gusali ang coat-of-arms ng Republika noong araw ng Independensiya, mula sa dating Commonwealth tungong Republikanong gobyerno (July 4, 1946). Kaya nakaugit sa diwa ng Municipiong ito ang marangal na pangalan at alaala ng nanungkulan at nanilbihang mga lingkod-bayan, boluntaryo, at nakidigmang beterano.

Ang ayos ng gusaling Municipio at Monumento ay paharap sa Flagpole ng Watawat ng Filipinas, at sa maluwang na open space ng orihinal na Plaza Libertad na ngayon ay naging bahagi ng Juan Sumulong Street, multi-purpose San Juan Gym, at June V. Zapanta Emergency Hospital. Sadyang tugma ang ganitong kaayusan para sa mga okasyong sosyo-sibiko, pulitikal, tradisyon, at sa pangkalahatang pampublikong kilos na maluwag, bukas, hayag, at malayang galawan. 

WASTONG PAGPUPUGAY. Ang Monumento ay marapat lamang na itratong sagrado’t banal gaya ng gusaling Municipio at Watawat [at Flagpole bilang integral na bahagi nito]. Ang gayong pangkasaysayan at makabayang pagpapahalaga ay nakatadhana sa National Heritage Law of 2009 (RA 10066) at inilatag sa NHCP Guidelines on Monuments Honoring National Heroes, Illustrious Filipinos, and Other Personages (2012).

Wow na wow! Angkop ang orihinal na konseptong kaayusan ng Monumento ni Gat Jose Rizal at Inang Bayan sa dating gusaling Municipio na nakaharap sa Watawat ng Filipinas. Sukat ba namang gibain ng mga tampalasan at ang bayad-pamalit ay isang alien na hospital na walang toxic waste treatment facility. Labag sa umiiral na mga Batas at Regulasyon.

Ang sabi ng dating mayor, “walang historical value ang dinemolis.” Ang tugon ng Taytayeño, “Maniningil ang Kasaysayan.” 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *