Taytay ni Juan

 

Napakalawak ang sakop ng Lupang Arenda. Ito ay tanimang agrikultura na umiral noon pang panahon ng Kastila. Ang Lupang Arenda ay matatagpuan sa bandang Hilaga ng baybayin ng Laguna de Bay. Pinakamalaking bahagi nito ay nasa teritoryo ng Barangay Santa Ana, Taytay.

Pinaniniwalaang ang sinaunang orihinal na lawak ng Arenda ay sumasaklaw hanggang sa ilang bahagi ng Taguig, Pasig at Angono.

Saysay ng Lupang Arenda. Sa lugar na iyon mismo unang natipon ang komunidad ng mga katutubo hanggang maorganisa ng Misyong Franciscano ang Taytay bilang isang pamayanan noong 1579. Mula sa lugar na madalas na binabaha ay inilikas ang pamayanang ito sa mas mataas na lugar noong 1591. Ito ang nakikilala natin ngayong poblacion o Gitnang Bayan.

Encomienda ang sistemang inilatag ng Kastila. Ang encomienda ng Taguig at ang Taytay noon ay parehong nasa ilalim ng distrito ng Visita Santa Ana de Sapa. Kadikit nila ang Pasig sa bandang Hilaga-pataas.

Ang salitang pinagmulan ng encomienda ay “ipagkatiwala” o “entrust” (English). Isa itong legal na sistemang pampulitika at pang-ekonomiya ng España “para ipagkatiwala ang pangangalaga ng mga tinipong katutubo laban sa pang-aabuso sa kanila at ng mga kalabang tribu, gayundin ang maturuan sila ng wikang Español, at aralan ng Kristiyanismo.” Pinalitan ng encomienda ang sistemang alipin (slavery) na umiiral noon. 

Ang encomienda ng Taytay ay may 500-katutubo noong 1582. Mayroong 400 na kabahayan sa Taytay, samantalang 100 lamang sa Antipolo noong 1591. Sa taon ding ito, ang Taytay ay may nakatalang 600 na tributante at 2,400 hanggang 3,000 na naninirahan. Ang encomienda ng Taytay at Antipolo ay parehong naipagkaloob kay Capitan Juan Pacheco de Maldonado. 

Ang arenda ay tuwirang kaugnay ng sistemang encomienda. Isa itong konseptong legal ng pamamahalang Kastila. Ito ay pagtatalaga ng mga ari-ariang di-natitinag (fixed assets) gaya ng lupain, at natatanging karapatan tulad ng paglahok sa agrikultura o pagsasaka, pagmimina, pagpapataw at pangungulekta ng buwis. 

Ayon sa dating Alcalde ng Taytay na si Felix M. Sanvictores (1925-1931), “ang Lupang Arenda ay dinonasyon ni Don Juan Valerio Gonzales at Don Cristobal Paramdam sa municipio ng Taytay noon pang 1740 (panahon ng panunungkulan ni Gobernadorcillo Andres Javier). Kaya maliban sa sariling sakahan, ang mga magsasakang Taytayeño ay nakikinabang pa rin noon sa pagsasaka sa Arenda, at sa pangingisda sa malalaking ilog na dumadaloy pababa sa lawa, at sa napakalawak na bukiring binabaha tuwing tag-ulan.” 

Ang Lupang Arenda ay binansagan ding Lupang Mitra. Naabandona lamang ang pag-a-arenda nang matapos ang himagsikan laban sa Kastila noong 1898. Ano’t anuman, ang Lupang Arenda ay historikal na sakop at pag-aaring publiko ng bayang Taytay. 

Matapos ang People Power Revolution noong 1986, ang 200-hektaryang bahagi ng Lupang Arenda ay na-convert bilang resettlement area. Kaya, ang maralitang Taytayeño dapat ang prayoridad na benepisyaryo ng anumang programang relokasyon at abot-kayang pabahay sa sarili nitong teritoryo. Gayunman, libu-libong maralita mula sa Rizal at karatig na Kamaynilaan ang napirmi na sa Lupang Arenda mula pa noon.  

Batas, Patakaran para sa informal settlers. Maraming mga Batas at Kautusang naideklara hinggil sa usapin ng maralitang-lungsod. Ang RA 7279 (24 Marso 1992) o Urban Development and Housing Act (UDHA) ang maituturing na komprehensibo. Inilatag nito ang mekanismo para sa patuloy na implementasyon ng mga development programs

Noong 28 Nov. 1995 ay naglabas si Pres. Fidel Ramos ng Proclamation No. 704. Nireserba para sa socialized housing ang 80-hektaryang bahagi sa Sitio Tapayan, Brgy. Santa Ana at inilipat sa National Housing Authority (NHA) ang pagmamay-ari nito para ilaan sa mga pamilyang apektado ng Pasig River Rehabilitation Program at informal settlers sa Taytay.

Makalipas ang 14-taon ay nanalasa ang bagyong Ondoy. Pinawalang-bisa ng Executive Order 854 (4 Dec. 2009) ni Pres. Gloria Arroyo ang Proclamation No. 704 (1995). Ang bagong utos ay “magsagawa ng komprehensibong rehabilitasyon ng Napindan Channel, Lupang Arenda at Manggahan Floodway.” Hindi na raw feasible ang socialized housing sa lugar dahil mababa sa 12.5 Mean Low Water Elevation na itinakda ng Laguna Lake Development Authority (LLDA). Di-umano’y mapanganib ang gayon sa harap ng malalang pagbaha kapag tag-ulan.

Nagkaroon tuloy ng palusot ang mga ahensiya ng gobyerno, lalo na ang local government units, sa kanilang kapabayaan at hindi pagtupad sa tungkulin sa loob ng mahabang panahon. Napakabagal ng implementasyon bagamat naisabatas na ang mga programang palupa at pabahay para sa maralita. Walang political will.

Pagkakaisa’t pagkilos ng maralita. Sa pangunguna ng Samahang Masigasig Tapayan Homeowners Association, Inc. (SAMATHOA) ay patuloy pa ring isinusulong ng maralitang taga-Arenda ang pagproseso ng patent title ng kanilang lote. Malaon na nilang ipinaglalaban ang 50,300-square meter lot na kinasasakupan nila. Ang 20,100-square meter lot na bahagi niyon ay sertipikado na ng LLDA na mataas sa 12.5-meter water elevation at labas sa linya ng baybaying gilid ng Laguna de Bay.

Ang SAMATHOA ay kabilang sa mga pederasyong sanib sa ilalim ng Alliance of People’s Organizations in Lupang Arenda (APOLA). Ang iba pa ay ang Lupang Arenda Homeowners Federation, Inc. (LAHOFI) at Arenda Urban Poor Federation, Inc. (AUPFI), at Koalisyon ng Pagbabago sa Lupang Arenda Council of Leaders, Inc. (KOALISYON). Tinatayang higit 19,000 pamilya sila sa 7-purok na nasa 80-hektaryang lupain.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy ang demand ng libu-libong maralitang setttlers na ideklara ng gobyerno na “angkop sa pabahay at paninirahan” ang napakalawak na bakanteng lupain ng Lupang Arenda upang magkaroon sila ng security of tenure at pirmihang paninirahan doon.

Pero, hindi lamang sa Lupang Arenda. Napakarami pang informal settlers sa iba’t ibang lugar ng Taytay. Matatagpuan sila sa mga publiko at maging pribadong espasyo, sa mga suluk-sulok at likuran, easement ng mga daluyang tubig, kalsada, gilid ng mga subdivision, at iba pa.

Gayunman, protektado ng ating Konstitusyon at mga Batas ang kanilang mga karapatang pantao–sa seguridad sa paninirahan (security of tenure), abot-kayang pabahay (socialized housing), at makataong pagtrato at ukol na due process sa banta ng demolisyon, relocation at panggigipit. 

May paalala sa atin ang panuntunang katarungan ni Pres. Ramon Magsaysay: “They who have less in life must have more in law.”

 

 

https://youtu.be/TZjk6IvJu54

Panoorin: May nakaambang ‘DEVELOPMENT PROJECT sa ‘LUPANG ARENDA at LAGUNA LAKE — malaking DISASTER sa TAYTAY at probinsya ng Rizal.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *