Ang komunidad ng TAYTAY ay unang naging isang bayan noong 1579.1Ang pueblo o bayan ng Taytay ay pormal na itinatag nang maitayo ang unang simbahang yari sa mahihinang materyales noong 1579. Naitala ito bilang isang visita ng Santa Ana de Sapa. Nagkaroon ng juridical entity at tukoy na teritoryo. Ito ang pagkakalikha (inception) ng bayan at Simbahan ng Taytay sa isang mataong lugar na malapit sa gilid ng Laguna de Bay. Itinatag ito ng mga misyonerong Franciscano. At siempre, wala pang probinsyang Rizal na umiiral noon.
Lumipas ang napakahabang panahon. Sa dakong huli ng pananakop ng Kastila, ang mga pueblo o bayan ng Taytay, Caintâ, Antipolo, at Bosobosó ay napabilang sa provincia ng Tundo. Kalauna’y isinanib sila sa iba pang mga bayan ng Morong, Añgono, Binañgonan, Barás, Tanáy, Pililla, at Jalajalá, na pawang bahagi naman ng provincia ng La Laguna.
Sila ang bumuo ng bagong Distrito delos Montes de San Mateo noong 1853. Ang hurisdiksyong pulitikal na ito ay naging Distrito Politico-Militar de Morong pagsapit ng 1857.
Nang sumiklab ang himagsikan laban sa Kastila, ang bayang Mariquina ang naging cabisera ng provincia ng Maynila sa ilalim ng rebolusyonaryong gobyerno ni Gen. Emilio Aguinaldo noong 1898-1900. Samantala, naging cabicera naman ng Distrito de Morong ang bayang Antipolo (1898-1899), at ang Tanay (1899-1900).
Ang Distrito de Morong (pinagsanib na mga bahagi ng Maynila at La Laguna) ay tahasang kinilala at itinuring na kadaop bilang “isa sa mga walong Provincia na unang lumahok sa himagsikan.”2 Maynila, La Laguna, Cavite, Batangas, Pampanga, Bulakan, Tarlac, at Nueva Ecija (ref., Presidente Emilio Aguinaldo, Acta de la Proclamacion de la Independencia del Pueblo Filipino, Kawit, Cavite: June 12, 1898) Ito ang sumagisag sa 8-sinag ng araw sa naging opisyal na bandila ng naghimagsik na unang Republika ng Filipinas.
Matapos ang digmaang Filipino-Amerikano ay napailalim ang bansa sa pamamahalang kolonyal ng Kano sa pamamagitan ng Second Philippine Commission. Pinamunuan ito ni Governor-General William Howard Taft simula noong March 16, 1900. At mula September 1900 hanggang August 1902 ay nakapag-isyu ng 499 na batas ang Commission.
Pinagtibay ang Act No. 82 na tinawag ding ‘Municipal Code’ noong January 31, 1901. Layon nitong maorganisa ang mga gobyernong Municipio mula sa mga dati nang umiiral na bayan o pueblo (de facto), at mga kuwalipikadong mabubuo pa (de jure).
Ilang araw lamang ay agad isinunod ang Act No. 83 noong February 6, 1901 upang maitatag ang Pamahalaang Sibil ng Filipinas. Sa bisa nito’y binuo ang mga Gobyernong Probinsiyal sa buong kapuluan.
Noong June 5, 1901 ay ginanap ang makasaysayang pulong ng mga 221-delegado mula sa mga bayan o municipalidad na sakop ng provincia ng Maynila at Distrito de Morong. Napakahalaga ng naging papel nina Dr. Hermenegildo Trinidad Pardo de Tavera, 3 Si Dr. Pardo de Tavera ay isang manggagamot, historyador, lingguwista, manunulat, pulitiko, at kanang-kamay na Commissioner ni Gov-Gen Taft. ng magkatunggaling sina Juan Sumulong4 Si Juan Sumulong ay tubong Antipolo. Siya’y nabibilang sa kawan ng mga rebolusyonaryong Filipino. Isang bihasang edukador, mamamahayag, abugado. Naging pangulo siya ng oposisyong pulitikal sa panahon ng administrasyon ni Manuel L. Quezon. na kinatawan ng Antipolo at Jose Tupas5 Si Jose Gragera Tupaz, na mas kilala bilang Don Jose. Siya ay laking Morong. Naging Gobernador ng Rizal (1907-1909) at Assemblyman (1910-1912) ng Rizal. Naging mahistrado din ng Korte Suprema. ng Morong sa paksang-layon ng kumperensiya.
Matapos ang mahigpit nilang pagtatalong kontrobersyal, pinagkasunduan ng kapulungan ang paglikha ng isang bagong Provincia. Sa gayo’y naisabatas ang Act No. 137 noong June 11, 1901 at nalikha ang bagong Provincia na ipinangalan sa dakilang bayani nating si Dr. Jose Rizal.
Ang provincia ng Rizal noon ay binuo ng 34 bayan o municipalidad. Ang mula sa Maynila ay 20 — Kaloocan, Novaliches, San José de Navotas, Tambobong (Malabón), Las Piñas, Muntinlupà, Parañaque, Pineda (Pásay), Malibay, San Pedro Macati, Pandacan, Santa Ana [de Sapà], Taguig, Pateros, Pasig, San Felipe Neri (Mandalúyong), San Juan del Monte, Mariquina, Montalbán, at San Mateo.
Mula naman sa Distrito de Morong ay 14 — Taytáy, Caintâ, Antipolo, at Bosobosó (sila ang mga dating kabilang sa Maynila); idinagdag ang Añgono, Binañgonan, Cardona, Morong, Barás, Teresa, Tanáy, Pililla, San Diego Quisao, at Jalajalá (pawang kabilang sa La Laguna).
Ang Pasig ang naging cabicera ng bagong tatag na Provincia ng Rizal. Si Jose Tupas ng Morong ang naging ikatlong gobernador (1906-1909). Siya ang nagpatayo ng unang gusaling Capitolio ng Rizal.
Samantala, nagpatuloy ang bayang Taytay sa pagiging isa sa nangungunang municipalidad ng provincia: makabayan, marangal, at matatag. Muli itong nagtayo ng casa municipal (gusaling municipio) sa mismong lugar na tinupok ng digmaang Kano. Tumuray iyon hanggang sa sawimpalad na muling mawasak ng dahas ng digmaang Hapon.
At bago makapagtayong muli ang Taytay noong 1955 — na sa pagkakataong iyon ng isang kongkretong gusali — ay itinindig muna ang monumento ng bayani nating si Jose Rizal sa pwestong harapan ng gusaling municipio.
Sa larangan ng gobyernong sibil, ito ang pamanang lahi (heritage) ng tunay na marangal na Taytayeño, ng butihing Rizaleño.
(Postscript: Ang mga pulitiko noon ay nasasangkot sa mga kontrobersya ngunit sa aspeto ng makabuluhang prinsipyo at adhikain. Sa panahon ngayon, ang kontrobersyang kinasasangkutan ng mga pulitiko ay kadalasang sa mga isyu ng kurapsyon at imoralidad. Masyadong malaki ang agwat ng pagkakaiba. Matuto tayo sa kasaysayan–darating ang panahong maniningil ang Kasaysayan. TnJ)