Pilgrimage at landas ng historya
KUWARESMA. PILGRIMAGE. DAANG-KRUS. Makasaysayan ang paglalakbay namin ng aking pamilya ang probinsiya ng Laguna noong Marso 27, 2018. Pinili namin ang ilan sa mga Simbahang itinatag ni Padre Juan de Plasencia, ang founder ng Simbahan at bayang Taytay. Kabilang din sa binisita namin ang ilang kalapit na Simbahang pinagmisyunan ng mga kasamahan niyang Franciscano.
Lakbay, panata, at pag-alaala kay Padre Juan de Plasencia, ang dakilang tagapagtatag ng mga Kristianong pamayanan.
Mula sa aming tahanan sa Taytay, tinunton namin—ayon sa pagkakasunud-sunod—ang mga bayan ng Siniloan, Pangil, Pakil, Paete, Loñgos-Kalayaan, Lumban, Pagsanjan, Magdalena, Majayjay, Liliw, at Nagcarlan.
Ginamit namin ang mga Estasyon ng tradisyunal na Via Dolorosa (Way of Sorrow) na gaya ng nasa Holy Land, gamit ang isang prayer book ng Birheng Guadalupe.
SAINTS PETER AND PAUL PARISH CHURCH, SINILOAN
(Station #1, “Jesus condemned to death”)
ANG KOMUNIDAD ng Guilinguiling ay sinimulang tipunin nina Padre de Plasencia at Padre Diego de Oropesa noong 1579. Pormal itong naging isang pueblo o bayan at kinilala noong 1583. Saka lamang ito pinangalanang Siniloan noong 1604.
Ang unang Simbahang itinayo ay yari sa mahihinang materyales. Inialay ito sa Purificacion de Nuestra Señora. Sinimulang gawin ang simbahang-bato noong 1599. Noong 1604 ay ipinatangkilik ito sa ngalan ni San Pedro, ang Prinsipe ng mga Apostol.
Ang nakatindig na solidong simbahan ay ginawa sa pagitan ng 1733 hanggang 1739 sa ilalim ng pamamahala ni Padre Melchor de San Antonio na isa ring Franciscano. Sa kasawiang-palad ay nasira ito ng lindol noong 1880. Maging ang sumunod na ipinatayo noong 1890 hanggang 1896 ay sinalanta rin ng lindol.
Ang naisalbang simbahan ngayon ay nakaalay at ipinangalan sa tambalang Apostol San Pedro at San Pablo.
NUESTRA SEÑORA DE LA NATIVIDAD PARISH CHURCH, PAÑGIL
(Station #2, “Jesus receives the Cross”)
KINIKILALA NG MGA Pangileño na ang tagapagtatag ng kanilang bayan noong 1579 ay ang tambalang Padre Juan de Plasencia at Padre Diego de Oropesa. Dahil sa kakulangan ng mga misyonerong magmiministro noon, ang Pangil ay napasailalim muna sa Lumbang.
Tila magkatulad ang taon ng pagkakatatag ng Pangil at ng Taytay bagama’t napakalayo ng pisikal na distansiya ng isa’t isa. Pero parehong wala sa kani-kaniyang Historical Marker ang kaukulang pagkilala sa founder ng kanilang bayan at Simbahan.
Ginawa ang unang simbahang-bato at convento ng Pangil noong 1611 sa pamamahala ni Padre Gonzalo del Roble. Iyon ang pinakamalaking simbahan sa Laguna nang panahong iyon. Samantala, inihandog ni Prinsipe Carlos, na kalauna’y siyang naging Haring Carlos III ng España, ang ipinagawa niyang estatuwa ng Nuestra Señora de la O at Santo Niño dela O para sa Pangil.
Pinagkakagiliwan ng mga tao ang mga nakagisnan nilang alamat ng “Panguil, Paguilagan at Gat Pangil.” Pero ang higit na mahalaga ay pinagpapala sila sa pamimintuho sa kanilang Patronang Nuestra Señora de la O! Napatunayan nila ito sa panahon ng matitinding krisis at epidemyang sumapit sa kanilang bayan.
ST. PETER OF ALCANTARA PARISH CHURCH, PAKIL
(Station #3, “Jesus falls the first time”)
ANG UNANG KOMUNIDAD ng Pakil ay inorganisa ni (Santo) Padre Pedro Bautista—ang founder ng Simbahang Quiapo—bilang isang visita sa ilalim ng Paete noong 1588. Nahiwalay ito sa Paete noong 1676. Si Padre Francisco de Barajas na nagmula pa sa Santa Ana de Sapa sa Maynila ang naging unang Kura Paroko noong May 12, 1676.
Ang unang simbahang yari sa nipa at kawayan ay ipinakandili kay Santo Pedro Alcantara. Ilang ulit na itong nasira ng sunog at lindol. Muli’t muli itong ipinakumpuni at ipinagawa.
Ang imahen ng Birheng Dolores ng Turumba (Nuestra Señora de los Dolores de Turumba) ay pinasinayaan noong 1788. Ang Simbahan ng Pakil ay isa na ngayong Diocesan Shrine ng Our Lady of Sorrows de Turumba. Isa na rin siyang “kapatid” ng tanyag na Papal Basilica of Santa Maria Maggiore(Saint Mary Major) sa Roma sa pamamagitan ng iginawad sa kaniya na “Special Spiritual Bond of Affinity”.
Ang mga mananampalatayang nagpi-pilgrimage sa Pakil, laluna sa mga okasyon ng solemnidad ng Mahal na Birhen, ay magkakamit ng indulhensiya at prebilehiyong katulad ng nagmula sa Papal Basilica.
SAINT JAMES THE APOSTLE PARISH CHURCH, PAETE
(Station #4, “Jesus Meets His Mother”)
IKINARARANGAL NG PAETEÑO na mapabilang sa listahan ng mga bayang itinatag ni Padre de Plasencia.
“Ang Paete noong 1580 ay isang barangay pa lamang. Nanatili ito sa ilalim ng pangangalaga ng himpilan ng Lumbang hanggang noong Oktubre 1600 dahil sa kakulangan pa ng mga misyonerong humahayo.
Nasanib ito sa Pangil hanggang 1602 bago tuluyang nagsarili bilang isang bayan sa ilalim ng pangangalaga ni Padre Pedro de San Buenaventura. Si Padre San Buenaventura ay nakilala bilang isa ring awtor ng Vocabulario na kasunod ni Padre de Plasencia.”
Naitayo ang unang simbahang-bato sa lilim ng Patrong Apostol Santiago (St. James) noong 1646. Nasira ito kaya’t muling nagpagawa ng mas matibay si Padre Francisco dela Fuente at ang mga humalili sa kaniya noong 1717. Halos muling binago ni Padre Luis de Nambroca ang kabuoan ng simbahan noong 1840. Gayunman, ito’y sinira ng lindol noong 1880. Muli naman itong itinayo ni Padre Pedro Galiano noong 1884, ngunit muling pininsala ng lindol noong 1937.
ST. JOHN THE BAPTIST PARISH CHURCH, LOÑGOS
(Station #5, “Simon Cyrene helps Jesus carry the Cross”)
ANG KRISTIANONG komunidad ay naitatag ni (Santo) Padre Pedro Bautista noong 1587. Naitatag ang bayang Loñgos na binubuo ng San Antonio, Abacao, at Babaye noong 1609. Ang unang natalagang Ministro ay si Padre Lucas Sarro.
Ang Simbahan ng Loñgos, sa ilalim ng patronahe ni San Juan Bautista, ay mayroon ding partikular na debosyon sa isang imahen ng ating Ina ng Kapayapaan (Nuestra Señora de la Paz). Ayon sa mga katutubo ay mapaghimala ito.
Ang munisipalidad ng Loñgos ay nanatili hanggang 1956. Ang pangalan nito ay napalitan na ngayon ng Kalayaan sa bisa ng Republic Act No. 1417 noong 17 May 1956.
SAN SEBASTIAN PARISH CHURCH, LUMBAN
(Station #6, “Veronica wipes the face of Jesus”)
ANG UNANG SIMBAHAN ay nasa ilalim ng pagtataguyod ni San Francisco ng Assisi, ang Patron ng Ordeng Franciscano. Ito ay yari sa buho at nipa. Nasunog ito noong 1586.
Ang Lumban ay minsang naging sentro ng misyonaryong gawain sa probinsiya ng Laguna. Nagministro at humimpil dito si Padre Juan de Plasencia, gayundin si (Santo) Padre Pedro Bautistana humalili rin sa kaniya sa himpilang Simbahan ng Lumbang noong 1586.
Ayon sa historyador na si Padre Felix Huerta na isa ring Franciscano, “ang pagkatatag ng bayang Lumbang sa ganang espirituwal, ay noon pang 1578, sa kapanahunan ng mga Venerable at Apostolikong sina Juan de Plasencia at Diego de Oropesa, na nagtanim ng banal na puno ng Krus sa mga komunidad sa mga baybayin at bundok sa malawak na Laguna de Bay, hanggang sa mga bundok ng Majayjay at probinsiya ng Calilaya, na ngayon ay Tayabas, at ang bayang ito ang pagtutularan ng lahat at magiging pangunahing tahanan ng ipinagbubunying si Padre Juan de Plasencia; pero ang estadong sibil nito ay naipormal lamang noong ika-22 ng Setyembre 1590…”
Naipundar dito ng mga Franciscano ang kanilang kauna-unahang “banal na templo ng Panginoon”—isang simbahang-bato—sa labas ng punong-himpilang Maynila noong 1600. Dito unang inilagak nang buong pagpupugay ang Blessed Sacrament na inadornohan ng mahahalagang hiyas. Oktubre 9 nang taon ding iyon, naganap ang unang solemnong prusisyong Eukaristiko. Inadhika nila na ang selebrasyon ng Eukaristia sa Lumban ay “maging higit at walang katulad sa buong kapuluan ng Filipinas”.
Dito ay may pagamutang kanlungan ng mga maysakit at matatandang misyonerong Franciscano mula noong 1606. Dati nasa Majayjay ang pasilidad na ito, pero inilipat ito sa Pila noong 1616.
Tinipon ni Padre Juan de Santa Maria sa convento ang 400 bata na tinuruan niya ng pag-awit na pangliturhiya, at pagtugtog ng iba’t ibang klaseng instrumento.
Samantala, may isang banal na tirahan na inialay kay San Sebastian. Ang imahen ng Santo ay ipinuprusisyong lulan ng mararangyang bangka sa malaking ilog na bumabagtas sa Lumban. Kalaunan ay kay San Sebastian na ipinatangkilik at ipinangalan ang Simbahan ng Lumban.
OUR LADY OF GUADALUPE PARISH CHURCH, PAGSANJAN
(Station #7, “Jesus falls the second time”)
ANG PAGSANHAN AY dating visita na sakop ng Lumban. Itinatag ng Franciscanong si Padre Agustin dela Magdalena ang Simbahan ng Pagsanhan noong 1688. Ito’y unang niyari sa buho at nipa, at saka ipinakandili sa Birheng Guadalupe. Sumunod ay ginawang adobe at nakumpleto noong 1690.
Ang Our Lady of Guadalupe Parish Church ay itinalagang Diocesan Shrine of Our Lady of Guadalupe ng San Pablo. Ito lamang ang Simbahang Katoliko sa Pagsanjan, Laguna. Ito ang pinakamatandang Simbahan sa bansa sa ilalim ng patronahe ng Birheng Guadalupe.
Ang imahen ng Birhen sa main altar ay isang regalo kay Padre de la Magdalena mula sa mayayamang pamilyang Mexicano na deboto. Idinambana iyon bilang pasinaya noong Disyembre 12, 1688, araw ng kapistahan ng Birheng Guadalupe.
Lubhang nasalanta ang istruktura ng simbahan noong World War II. Ang orihinal na imahen ng Birheng Guadalupe ay nadamay sa pambobomba ng mga Amerikano noong 1945.
Noong 1958, ang mga Mexicano ay nagkaloob ng life-sized na imahen ng Birheng Guadalupe na inukit ni Ramon Toluca. Matatagpuan ito ngayon sa naturang Simbahan. At may isa namang nakadambana sa main altar na iskultura ng bantog na si Maximo Vicente Sr. ng Maynila, ang pinakamatagumpay nating santero o talleres ng sali’t saling panahon.
Nagsagawa ng restorasyon ng simbahan noong 1965, at napunan hanggang 1969.
SANTA MARIA MAGDALENA PARISH CHURCH, MAGDALENA
(Station #8-9, “Jesus consoles women of Jerusalem”, “Jesus falls the third time”)
ANG “AMBLING” ay isang visita na binubuo ng apat na Kristianong komunidad na mula sa bayang Majayjay. Nahiwalay ito at naging bayan ng Magdalena noong 1821. Sa una’y pinangalanan itong “Magdalena de Ambling” at iprinoklama ni Gobernador-Heneral Mariano Fernández de Folgueras. Ang unang naging kura paroko ay si Padre Antonio Moreno. [Huerta p. 170]
Gaya ng nakasulat sa historical Marker sa patsada, “Ang Simbahang ito’y alay sa bayani ng pag-ibig, kaySanta Maria Magdalena. Gawa mula sa matibay na kagamitan at nakatayo sa taluktok ng burol na bato. Ang pagtatatag nito ay sinimulan sa pangangasiwa nina Padre Maximo Rico, Padre Jose Cuesta, Padre Joaquin de Coria, at Padre Francisco de Paula Gonzales. Tinapos at pinaganda noong 1854 ni Padre Jose Urbina de Esparragosa, ang masigasig na kura.”
ST. GREGORY THE GREAT PARISH CHURCH, MAJAYJAY
(Station #10-11, “Jesus stripped of his garments”,
“Jesus nailed to the Cross”)
ANG MAJAYJAY AY maagap rin sa pagdeklara na ang foundation nito ay noong 1571 dahil “naging isang encomienda ang lugar at may ipinatayong simbahan ang mga paring Agustino matapos ang pamamayapa ni Salcedo; nguni’t iyon ay nasira. Kaagad ay muling nagtayo ng panibagong simbahan nang dumating ang mga Franciscano sa panahon ni Padre de Plasencia noong 1578.”
Tulad ng iba pang mga unang simbahang itinayo ng mga misyonero, ang Majayjay ay gawa mula sa mahihinang materyales, bago naging yari sa bato. Pero, pawang lahat ay natupok sa abo. Sa kabila ng mga iyon ay milagrong naisalba ang imahen ng Patrong San Gregorio Papa Magno. Kay San Gregorioipinangalan ang Provincia ng unang grupo ng Ordeng Franciscano na kinabibilangan nina Padre de Plasencia na nagmisyon sa Filipinas.
Sa pagsisikap ni Padre José de Puertollano, mga kontribusyon ng pamayanan, at sapilitang-paggawa ng mga katutubo sa loob ng 19-taon, ay naitayo ang malaking simbahan ng Majayjay noong 1730. Isa ito sa pinaka-elegante sa probinsiya ng Laguna. Kinikilala ito ng National Museum of the Philippines bilang National Cultural Treasure (Level 1)
ST. JOHN THE BAPTIST PARISH CHURCH, LILIW
(Station #12-13, “Jesus dies on the Cross”,
“Jesus taken down from the Cross”)
NAITATAG ANG NAG-IISANG Simbahan sa Liliw. Ito ang lugar na kinamatayan ni Padre de Plasencia. Isa rin itong Parokya na inihandog at ipinangalan kay San Juan Bautista.
1578 hanggang 1590 ang buong panahon ng pagmimisyon sa Filipinas ng tambalang Padre de Plasencia at Padre de Oropesa. Kinilala sila bilang mga Apostol ng Laguna-Tayabas. Kapwa sila namatay noong 1590. Si Padre de Plasencia sa Liliw—dala na rin marahil sa pagal sa katandaan. Si Padre de Oropesa naman sa gitna ng mapanganib na karagatan patungong Mexico.
Napakarilag ng pagkakalarawan ni Padre Eusebio Gomez Platero sa kaniyang aklat ng historya hinggil kay Padre de Plasencia. Tinuran niya na si Padre de Plasencia ay “isang ganap na apostol, bihasang manunulat, ama ng mga reduccion, tagapagtatag ng mga bayan at eskuwelahan, walang kapagurang Ministro ni JesuCristo, mapagkumbabang relihiyoso, matiising Franciscano, pobre, mabanayad at maginoo, madasalin at perpekto sa lahat-ng-bagay, inihatid sa Panginoon ang kaniyang espiritu noong 1590 sa bayan ng Lilio, na kung saan ang kaniyang pinagpipitaganang labi ay inihimlay…”
Sa kaniyang panalangin at luksang-parangal, ang sambit naman ni Obispo Domingo de Salazar, ang unang Obispo ng Filipinas: “Ang iyong kamatayan ay napakalaking kawalan sa Simbahan dahil isa kang haligi ng pagtuturo ng Kristianismo (Ecclesiam Dei illius morte magnam incurruisse jacturam, quia cecidit columna christianitas).”
ST. BARTHOLOMEW THE APOSTLE PARISH CHURCH, NAGCARLAN
(Station #14, “Jesus laid in the tomb”,
“Resurrection”)
“ANG NAGCARLAN AY NAIMULAT nina Padre de Plasencia at de Oropesa sa Kristianismo noong 1578… Pero si Padre Tomas de Miranda—ang misyonerong nagpakilala at nagtanim ng mga unang butil ng trigo (wheat) sa bansa—ang siyang naitalang opisyal na nagtatag ng pueblo o bayan bilang isang ‘misyon’ o ‘doktrina’ ng Franciscano noong 1583… At naging nagsasariling municipalidad noong 1595 sa pamamahala ni gobernadorcillo Don Gaspar Cahupa… Gayunpaman, si Padre Cristobal Torres na ang nagpangalan nito ng Nagcarlan noong 1752.”
Sa Nagcarlan natapos sulatin ni Padre de Plasencia ang Relacion de las costumbres delos tagalos noong Oktubre 1589. Naisabatas ang Relacion de las Costumbres at napangalagaan ang mga pamanang kaugalian, tradisyon at paniniwala ng mga katutubo.
Ang aklat na ito ang ginamit ng pamahalaang-sibil bilang batayan ng mga alcaldes-mayores (gobernador) sa kanilang sistemang pangkatarungan. Sumaklaw ito sa pamamahalang sibil, pangkatarungan, kalayaan ng mga alipin (slavery), usapin ng mga ari-arian at mana, at kasalan.
Pinanatili at pinahusay ng Relacion ang batayang istruktura ng sinaunang barangay na dinatnan ng mga Kastila. Sa kalaunan, ang Relacion ay tinawag ding Codigo civil y codigo penal consuetudinarios de los filipinos. Ito ang naging kauna-unahang anyo ng civil at penal code ng Filipinas.
Nagcarlan Underground Cemetery
Sinaglit namin ang Nagcarlan Underground Cemetery. Ito ay isang national historical landmark at museum na nasa pangangasiwa ng National Historical Commission. Matatagpuan ito sa Barangay Bambang,Nagcarlan. Nasa paanan ito ng Bundok ng San Cristobal, katabi ng Bundok Banahaw.
Ang Libingan ay ginawa sa superbisyon ni Padre Vicente Velloc noong 1845. Ito ay libingang pampubliko at ang crypt o himlayang silid-sisidlan sa ilalim ng lupa ay laan para sa mga prayleng Kastila at mga prominenteng tao noong 1845.
Ang pinakamatandang puntod ay may petsang 1886. Ang pinakahuling paglilibing ay noong 1982 nang ito’y ideklara bilang National Historical Landmark sa bisa ng Presidential Decree 260, may-petsang 1 Agosto 1973.
WOW, MALUWALHATI KAMING nakaraos. Papuri sa Diyos! Taglay namin sa aming gunita ang biyayang INDULHENSIYA na nakamit namin sa pag-STATION OF THE CROSS.
At payapang kumaway ang namamaalam na takip-silim sa pagtatapos ng aming pilgrimage. May paalala sa amin na “ang tao ay mula sa alabok, babalik sa alabok… Ngunit sa paglalakbay sa Daang Krus ni Kristo, sa hantungan nito’y may sumilay na liwanag ng pag-asa ng muling pagkabuhay—buhay na walang hanggan, kaluwalhatian para sa mga may sampalataya sa Diyos ng Kaligtasan.”
AMEN.
References:
-
-
- Felix de Huerta, OFM. Estado Geografico, Tofografico, Estodestico, Historico Religioso, de la Santa y Apostolica Provincia de San Gregorio Magno, de religiosos menores de scalzos de la regular y más estrecha observancia de N.S.P.S. Francisco, en las islas Filipinas. Imprenta de M. Sánchez y Cía, Manila, 1865
- Eusebio Gomez Platero y Fernandez Portillo. Catálogo biográfico de los religiosos franciscanos de la provincia de San Gregorio Magno de Filipinas desde 1577 en que llegaron los primeros a Manila hasta los de nuestros días
- Blair and Robertson. History of the Philippine Islands. Vol. VII (1588–1591)
- Perez-Plasencia, p. 54; Cfr., Fernando Cid Lucas. Nagasaki: Ciudad (ibérica) del comercio y de las artes durante los siglos XVI y XVII, A Expansão: quando o mundo foi portugués (Farias de Assis, Levi y Beites edts.). Braga, Viçosa y Washington, FAPEMIG, 2014
- National Historical Institute, 1993
- Zaide, Gregorio. Chapter 1: Pagsanjan, A Mini-Town of Global Fame.” (1975)
-