Taytay ni Juan

 

 
 
Inihanda ni Juan Bautista ang daraanan ng Santo Cristo, ang Korderong alay sa Krus ng Kaligtasan.
“Inihanda ni Juan Bautista ang daraanan ng
Santo Cristo, ang Korderong alay sa Krus ng Kaligtasan” (photo: Amyflor Cruz Calvento)

Ang ‘AMBA’ sa Huling Pitong Wika:
“Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 

ANG BAYAN at Simbahan ng Taytay ay itinatag noong 1579, at naging Parokya ni San Juan Bautista noong 1583. Inilipat ang simbahan at pamayanan sa mataas na burol noong 1591, at pinasinayaan ito bilang “San Juan del Monte.” Pero nanatiling “Taytay” ang pangalang tawag sa bayang ito magpahanggang ngayon.(Taytay founded)

May isa pang San Juan del Monte na naging baryo naman ng Santa Ana de Sapa (Maynila-Tundo) noong 1590 na kilala na ngayon bilang San Juan City. Ito’y naging Parokya ni San Juan Bautista noon lamang 1892 at napabantog sa kanilang imahen at pagsamba sa “Santo Cristong nakapako sa krus.”(Taytay legends and history)

Ang Quiapo, ang “pinaghugutang-tadyang” at kapangalan din ng Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay (Rizal), ay mas kilala bilang “Basilika at Dambana ng Poong Nazareno.” Milyun-milyon ang deboto ng Black Nazarene, at maraming kabilang sa kanila na mga taga-Taytay (Rizal).

Sa kapwa naturang Parokya ni San Juan Bautista [sa Taytay (Rizal) at Quiapo] ay naging malaganap at marubdob ang pagsamba sa Santo Cristo. Sa gayon, natupad ang salita ni Juan Bautista, ang naghanda ng daraanan ng Panginoon: “Kinakailangang Siya ang maging dakila at ako naman ay maging mababa”(Juan 3:30).

Ang Santo Cristo

Ang orihinal na Santo Cristo del Tesoro ay isang “itim na Kristong nakapako sa Krus.” Ito ay gawa at nanggaling sa Acapulco, Mexico at maringal na inilagak sa Fort Santiago-Intramuros noong 1631.

Itinatag din sa Intramuros ang Real Colegio de Santa Isabel (Sta. Isabel College) noong 1632. Dumating sa Pilipinas ang mga madre ng Daughters of Charity ng St. Vincent de Paul mula sa España noong July 22, 1862 at idinambana nila ang “Tesoro” sa kanilang chapel.

Ang Intramuros ang sentro ng “pamanang Kastila” at kinaroroonan ng mga gusali, istruktura, mga simbahan, convento at mga antigong gamit at bagay na relihiyoso ng mga misyonero. Nang puruhang bombahin ng mga Amerikano ang Intramuros noong “liberation” sa pananakop ng Hapon ay nasunog ang College.

Lumikas ang mga madre sa Sta. Rita College sa Quiapo. Sa tulong ni Msgr. Vicente Reyes, kura Paroko noon ng Parokya ng San Miguel (Maynila) ay nakapagpatuloy sila sa pamumuhay at pagtuturo hanggang mapasa-kanila na ang naturang College.

Ang “Tesoro” naman ay naitabi sa Simbahan ng San Agustin sa Intramuros at kalaunan ay inilipat sa Colegio de Sta. Rita sa dating Calumpang (ngayo’y Plaza del Carmen sa Quiapo). Bandang huli’y muling nailagak ang imahen sa luklukan nito sa Colegio de Santa Isabel sa Ermita.

Samantala, ang kampana ng Sto. Cristo Del Tesoro ng 1878” na kapanahunan ng pagkakatatag (o muling pagbuhay) ng Cofradia de Annunciata, ay isang yamang pangkasaysayan na napunta sa Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Iniingatan ito sa kampanaryo ng simbahan. At sa wari’y ang Cofradia  ang itinadhanang magtataguyod ng tradisyon ng pagsamba sa Santo Cristo.

Higit 100-taon--pinakaantigong replica ng Poong Nazareno, nasa pag-iingat ng Cofradia
Higit 100-taon na ang pinakaantigong replica ng Poong Nazareno; nasa pangangalaga ng Cofradia ng Taytay (Rizal).
Ang kampana ng Santo Cristo del Tesoro, 1878--sintanda ng muling binuhay na Cofradia
Nasa kampanaryo ng Parokya ang kampana ng Santo Cristo del Tesoro (1878) – kasintanda ng muling binuhay na Cofradia de Anunciata.

Ang Cofradia ay may iniingatang imahen ng Poong Nazareno na mahigit isandaang taon na ang gulang. Mas antigo pa ito kaysa alinman at sa lahat ng mga kinikilalang replica sa kasalukuyan na nasa sirkulo ng mga namamanata sa Quiapo at mamamasan ng Poong Nazareno.

Inilalabas lamang ng Cofradia ang imahen ng Poong Nazareno nang ilang araw at sa piling-piling okasyon sa panahon ng Kuwaresma at Semana Santa.

May isa pang Santo Entierro

Sa kabilang dako, may isang imahen ng kauna-unahang “Santo Entierro” ang nasa Taytay (Rizal) noong panahon pa ng mga Kano. Ito’y napasa-kamay ng yumaong Macario “Panday” Villanueva.

Ayon sa mga kaanak ni “Macario Panday”, nakuha niya ito sa isang maliit na yungib sa Tanay noong 1919. Ang gayon ay bunsod ng himatong ng kaniyang mahiwagang panaginip.

Hanggang ngayo’y nasa pag-iingat ito ng angkanan ni “Panday”. Masuyo at tahimik itong binibisita ng mga deboto at matatandang mananampalataya nang malayo sa pampublikong paglalantad. Gayunman, pinananatili ang pangangalaga sa imahen at ang tradisyon ng pagpapabasa ng “Pasyon” sa kanilang tahanan tuwing Martes Santo. Ang naturang imahen ay ibinibilang na “honorary member” ng Cofradia .

Ang Santo Sepulcro ni "Kario Panday"
Ang Santo Sepulcro ni “Kario Panday”
Ang Santo Sepulcro ni "Kario Panday", nakuha sa Tanay noong 1912. Nakalagak ngayon sa tahanan sa Brgy. San Isidro, bandang likuran ng "Vilmar".
Nakuha sa Tanay noong 1919. Nakalagak ngayon sa isang tahanan sa Brgy. San Isidro, bandang likuran ng “Vilmar”.

Ang Mahal na “Amba” sa Taytay

Ayon kay Joselito dela Rosa, ang kasalukuyang pangulo ng Cofradia, ang kapatiran ay nagkaroon ng imaheng Santo Cristo noong 1930s sa kabutihang-loob ni Beatrice Amagsila. Ito ang popular at pinakabubunying Mahal na “Amba” na siyang ginagamit pa rin hanggang ngayon sa mga pagdiriwang sa Parokya ni San Juan Bautista tuwing Semana Santa.

Mula’t sapul pa’y ang “Amba” na ang ginagamit na Santo Entierro na nakahimlay sa simbahan ng Taytay sa loob ng buong taon. Kinukuha lamang Siya at nananahan sa piniling Hermano ng Cofradia  mula sa Ash Wednesday hanggang umaga ng Biyernes Santo. Siya rin ang tinatanghal sa tradisyunal na ritwal at pagninilay sa “Huling Pitong Wika” at “Prusisyon ng Paglilibing” sa Biyernes Santo na pangunahing nilalahukan ng mga piniling apostoles ng Cofradia .

Marso 25, kapistahan ngCofradia Banner
Annunciation sa Birheng Maria

Pagbati sa ika-137 anibersaryo ng pagkakatatag ng Cofradia de Annunciata de Taytay (1878)

Liban sa prusisyon sa kapistahan ng Poong Nazareno sa Quiapo, wala pang napapabalitang hihigit sa prusisyon ng Mahal na “Amba” ng Taytay. Halos buong bayan ng Taytay (Rizal) ay sumasama at nakasubaybay sa tampok na kaganapang ito. Sa dalawa’t kalahating kilometrong ruta ay nagpapang-abot ang unahan at dulo ng siksikang prusisyon na tumatagal nang mahigit apat na oras sa dami ng deboto at haba ng prusisyon.

Ang “Amba” ay masidhing pinag-aabangan ng madla. Lahat ay nais makasilay. Kung hindi man makalapit ay umuusal ng panalangin, bumulong na lang ng habag at kahilingan. May mga naghahagis at umaabot ng “panlunas na tuwalya” na idinampi’t ipinahid sa pausad-usad na karo ng “Amba.” At siyempre, naroon at di-magkamayaw ang pagbi-video at picture-picture.

Prusisyon ng Mahal na Amba
Prusisyon ng Mahal na Amba, Biernes Santo (A.C. Calvento)

Ang AMBA ay itinatanghal sa tradisyon at pagninilay sa
“Huling Pitong Wika” at “Prusisyon ng Paglilibing”

Tunay ngang may kakaibang lakas ang hatak at bighani ng Mahal na “Amba” sa mga mananampalataya at maging sa mga karaniwang nag-uusyoso lamang. Taun-taon ay patuloy ang pagdami ng mga pumapasan at humahawak sa lubid ng karo ng “Amba.” Mababakas sa mga nakayapak na deboto ang marubdob nilang debosyon, panata’t pagsamba sa Mahal na “Amba”—ang Poong JesuCristo.

Biyernes Santo, 3 April 2015 (photo by: Reniel Dueños Zapanta)
Biyernes Santo, 3 April 2015 (photo by: Reniel Dueños Zapanta)

Posted on 24 March 2015 as Santo Cristo, Cofradia sa historya ng Taytay (part 2); Current post edited

 

This image has an empty alt attribute; its file name is ICON-END-MARK.png

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *