Taytay ni Juan

May ligalig sa kapaligiran, may krisis sa ating lipunan. Sa harap nito’y hindi tayo pwedeng manahimik at magbulag-bulagan. Nagsasalita ang ating Simbahan sa kabila ng mga banta, pang-aalimura, pananakot at pamamaslang. Kung bakit ay dapat nating maunawaan. Dahil sa mga ganitong pagkakataon ay kadalasan nating nagririnig ang tugon ng nasa poder: “nakikialam ang Simbahan sa pulitika.”

Pero bakit, ang mga taga-Simbahan ba’y hindi kabilang sa lipunan, hindi apektadong mamamayan, hindi taong nakakaramdam? Walang pakialam sa kapwa-tao?

Ang totoo, patuloy tayong ginagabayan ng Simbahan sa pamumuhay bilang mga mamamayan. Ang hangad ng Simbahan ay ang katotohanan, ang katarungan, para sa ganap na kaunlaran ng tao. Kabilang ang PULITIKA.

Ang pulitika ay mahalagang bahagi sa pamumuhay natin bilang mga nilalang sa lipunan. Magkakaiba ang paniniwala, hangarin, kabuhayan, kamulatan at pamantayan ng mga tao. Gayunman, KATARUNGAN ang layon at panuntunan ng pulitika. MORALIDAD (ethics) ang katuturan nito.

Ang mga katuruang panlipunan ng Simbahan ay nangungusap ayon sa KATUWIRAN at BATAS NG KALIKASAN (natural law) at KALIKASAN NG TAO (human nature).

Hindi responsibilidad ng Simbahan na mangibabaw ang mga katuruan nito. May free will o sariling pagpapasiya ang bawa’t isa, at iyon ay ipinaubaya ng Diyos. Kaya ang layon ng Simbahan ay maghubog ng konsiensiya, at mag-ambag sa PULITIKA para sa COMMON GOOD. Hindi para pumalit sa Estado o Gobyerno. Nagsasalita tayo kapag may pang-aapi, pang-aabuso, kasakiman, at katiwalian sa pulitika. Gayunman, ang pagkakamit ng makatarungang lipunan ay trabaho ng pulitika, hinding-hindi ng Simbahan.

Marahil, higit kailan man, sa panahong ito ng mapamuksang pandemyang Covid ay matatambad sa atin kung papaano tumutugon ang Simbahan, pamayanan, at gobyerno. Timbangin natin sa pamamagitan ng pilosopiya’t prinsipyong sinasandigan ng Simbahan.

Tunghayan natin ang CARITAS IN VERITATE (CV), na encyclical ni Pope Benedict XVI noong 2009. Ito ay tungkol sa INTEGRAL HUMAN DEVELOPMENT o GANAP NA KAUNLARAN NG TAO, ayon sa PAG-IBIG at KATOTOHANAN.

Pag-ibig ang hangad ng doktrinang panlipunan ng Simbahan. Ito’y hindi hiwalay sa ating moral na pamumuhay. Ang Kristiyanong Pag-ibig ay naaayon sa Katotohahanan. Lahat ng Kristiyano ay tinawag para ibahagi ang Pag-ibig na ito sa pamumuhay sa lipunan.

May dalawang pamantayang moral para isakatuparan ito: ang katarungan (JUSTICE) at kapakanan ng madla (COMMON GOOD).

CV Chapter 1
Nakapokus sa mensahe ng Populorum Progressio (Kaunlaran ng mga Tao) ni Pope Paul VI, 1967
.
Mahalaga ang Ebanghelyo sa pagtatatag ng lipunang nakabatay sa kalayaan at katarungan. Ang pananampalataya nati’y nakasandig sa Panginoong JesuKristo mismo; hindi sa prebilehiyo at posisyon ng kapangyarihan. Ang pangunahing sanhi ng karukhaan (under-development) ay wala sa kaayusang materyal, bagkus ay nasa puso at isip, lalo’t higit sa kakulangan ng kapatiran at malasakit sa isa’t isa ng mga bansa at kapwa-tao.

Chapter 2
“Kaunlaran ng Tao sa Ating Panahon.”
Kung ganansiya (profit) lamang ang tanging layunin, lalo pa’t tiwali ang pamamaraan at walang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng nakararami, may panganib na sirain nito ang yaman ng mundo at lumikha pa ng pagdarahop.

Maraming “sablay” sa “kaunlaran”: sa ugnayan sa pananalapi, ala-swerte at palipat-lipat ang daloy, walang patumanggang nalulustay ang kalikasan. Bagama’t lumalago ang yaman ng mundo, taliwas namang napagkakaitan ng pakinabang ang mga tao. May malawak at di-pantay na pagbabahagi ng kaunlaran. Sumusulpot ang mga bagong anyo ng karukhaan, at ang kagutuman ay maituturing na isang napakalaking iskandalo. Inaasam-asam na nawa ay magkaroon ng makatarungang agrarian reform sa mga mahihirap na bansa [gaya ng Pilipinas].

Ang pagpapahalaga sa Buhay ay hindi maihihiwalay sa usapin ng kaunlaran ng mga mamamayan. Kapag ang lipunan ay nagkait o sinupil ang Buhay, maliligaw ito ng layunin at mawawalan ng lakas at sigla para makamit ang tunay na ikabubuti ng tao.

Kaugnay din ng kaunlaran ang karapatan sa kalayaan sa pananampalataya. Ang karahasan gaya ng terorismo na may udyok ng fundamentalism at pagiging panatiko ay sagka sa tunay na kaunlaran. Walang kaunlaran kung sa ating lipunan ay may hidwaan, ligalig, gulo, at digmaan, lalo pa’t talamak ang pagpatay at katiwalian sa pamahalaang dapat sanang kumalinga sa pamayanan.

Chapter 3
“Kapatiran, Kaunlarang Pangkabuhayan at Lipunang Sibil.”
Pinupuri ang mga nararanasang biyaya na kadalasang di-pinahahalagahan sanhi ng makitid na materyalistang pang-unawa sa buhay (consumerist at utilitarian). Upang tunay na maging makatao ang kaunlaran, kailangang ito’y marunong magpasalamat. Ang pilosopiya ng kalakalan (market) ay dapat na patungo sa kapakanang pangkalahatan (common good), na dito’y may responsibilidad ang mga nasa-pulitika. Pinansin ang Centesimus Annus (Ika-Isandaang Taon) na encyclical ni Pope John Paul II. Dito’y binigyang-diin ang kahalagahan ng mga anyo ng ekonomiya batay sa pagtutulungan (solidarity). Tinukoy din kung paanong ang “kalakalan at pulitika ay nangangailangan ng mga tao na bukas-puso sa pagbibigayan ng biyaya (reciprocal gift).”

Hindi dapat lamang tingnan ang globalisasyon bilang isang prosesong panlipunan at pangkabuhayan. Kailangan din ang prosesong pangkultura na batay-sa-tao at pangkomunidad; isang pandaigdigang pang-unawang transcendental o espirituwal na lampas sa makitid na materyalistang pananaw ng mundo. Sa ganito natin maitutuwid ang pagkapalyado ng sistemang umiiral sa kasalukuyan.

Chapter 4
“Kaunlaran ng Tao, mga Karapatan at Tungkulin, Kapaligiran.”
Dapat makapanaig ang hindi matatawarang mga karapatan ng tao, maging sa harap ng mga suliraning may kaugnayan sa pagdami ng populasyon (population growth).

Ang pagiging lalaki o babae (sexuality) ng tao ay hindi dapat mayurakan. Huwag itong gawing pagpaparaos lamang ng pagnanasa at maging makamundong libangan (object of pleasure and entertainment). Tungkulin ng gobyerno na gumawa ng mga patakarang magtataguyod ng kahalagahan at dangal ng Pamilya.

Ang ekonomiya ay nangangailangan ng pamantayang moral (ethics) na nakasentro sa kapakanan ng Tao. Para sa Tao dapat ang mga programang pangkaunlaran at pandaigdigang kooperasyon. Pansinin ang problema sa energy na kontrolado ng ilang gobyerno, makapangyarihang grupo at kumpanya na humahadlang sa kaunlaran ng mga atrasadong bansa. Hikayatin ang mga maunlad sa teknolohiya na magbawas ng kanilang konsumo sa enerhiya at magsaliksik ng iba pang alternatibo.

Chapter 5
“Kooperasyon ng Pamilya ng Tao.”
Ang kaunlaran ng tao ay nakasalalay, higit sa lahat, sa pagkilala na ang sangkatauhan ay iisang Pamilya lamang. Ang Kristianismo at iba pang relihiyon ay makapag-aambag lamang sa kaunlaran kung ang Diyos ay ipupuwesto natin sa usaping pampubliko.

Tinalakay ang prinsipyo ng pagkakaroon ng subsidiarity o kapangyarihan ng maliliit. Ito ang pinakamabisang lunas laban sa anumang anyo ng pamamahalang may malawak na sakop (welfare state), partikular sa panahon ng globalisasyon na nais nating tumungo sa tunay na kaunlaran ng Tao. Hinihikayat din ang mayayamang bansa na maglaan sila ng tulong pangkaunlaran (development aid) mula sa kanilang naipundar (gross domestic product-GDP). Umaaasa na maaabot ang mas malawak na edukasyon para sa paghubog ng kamalayan ng mga tao, hindi ang paglutang ng salaulang kulturang sex tourism na kadalasan ay suportado ng mga lokal na gobyerno.

Pinansin ang malawakang pangingibang-bansa (migration). Bawat migrante ay tao na may pundamental at di-matatawarang karapatan. Dapat silang igalang sa lahat ng pagkakataon at saan mang dayong pook.

Tinuran na kailangan ang reporma sa United Nations at sa mga institusyong pangkabuhayan at pandaigdigang pananalapi. Lubhang kailangan ang isang tunay na pandaigdigang pamamahalang pulitikal na may mabisang kapangyarihan ayon sa hangarin ng tunay na kaunlaran.

Chapter 6
“Kaunlaran ng Mamamayan at Teknolohiya.”
Mapanganib ang paniniwalang ‘muling lilikhain’ ng sangkatauhan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng nakamamanghang teknolohiya. Ang pangangatwiran na walang pananampalataya ay pabulusok sa pagsamba sa sariling kapangyarihan. Anupa’t may mapagpasiyang labanan ngayon ng pangingibabaw sa pagitan ng teknolohiya at moralidad.

Sa usaping panlipunan ay sangkot ang lahat ng aspeto ng kasaysayan, kaunlaran, kultura’t pananampalataya (anthropology) ng sangkatauhan. Ang pananaliksik hinggil sa mga binhi at simula ng Buhay ng tao (embryo) at paglikha ng tao sa pamamaraang eksperimento sa laboratoryo (human cloning) ay nagpapakita ng kahibangan ng isip at kultura. Nakakabahala ang posibilidad ng mapamuksa at manipuladong pag-aanak (eugenic birth control program).

Kongklusyon
“Para makamit ang kaunlaran, kailangang taas-kamay ang mga Kristiyano sa pananalangin sa Diyos, katulad din ng pangangailangan ng pag-ibig at kapatawaran, pagsasakripisyo, pagtanggap sa kapwa, katarungan at kapayapaan.”

Diyos ang sandigan para sa ganap na kaunlaran. Ang kalawakang espirituwal, ang ating pananampalataya, ay hindi basta karagdagan; ito mismo ang nilalaman at katuturan.

Pagnilayan natin na “si Jesus ay gumawang gamit ang mga kamay ng tao, nag-isip sa paraan ng isip ng tao, at umibig sa pamamagitan ng puso ng tao” (Gaudium et Spes, Vatican II, 1965).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *