Taytay ni Juan

 

 

 

 

 

 

Sa pagsabog ng bulkang Taal, sa umpisa’y may pumukaw na magkahalong takot at habag sa aking diwa. Paglipas ng ilang araw ay may tradisyong pabigkas o oral tradition na gumuhit-pabalik sa aking alaala. May kaugnayan ito sa sinaunang kaharian ng Namayan na sumasakop noon sa komunidad ng Taytay.

Isinasaysay na “ang anak na babae ni Kalangitan umano ay napangasawa ni Balagtas (o Bagtas) na hari ng Balayan at Taal. Pinaniniwalan na si Balagtas ang ninuno ng mga Kapampangan. Ipinakikita rin ng ganitong kaganapan na noong sinaunang panahon pa’y mayroon nang pagkakaugnayan ang mga naghaharing elit ng Katagalugan.”1Grace Odal-Devora, 2000. Reynaldo Gamboa Alejandro; Alfred A. Yuson (eds.). The River DwellersPasig : The River of Life. Unilever Philippines. pp. 43–66.

Ayon kay Nicomedes ‘Nick’ Joaquin (1917-2004), isa nating historyador at National Artist for Literature: “may alamat na nagsasabing si Sultana Kalangitan ay malaong namayani sa sinaunang kaharian ng Pasig-Namayan noong siglo-1300.”2Manila My Manila: A History for the Young. City Government of Manila. Manila: 1990

Unang dumating ang mga Kastila sa ating kapuluan noong 1521. Mula sa Cebu ay tumungo ang mga Kastila sa Luzon sa pamumuno ni Miguel Lopez de Legazpi noong 1571. Kasama niya ang mga misyonerong Padreng Agustino.

Ang mga Padreng Agustino ang nagtatag ng bayang Taal noong 1572. Si Padre Diego Espinar ang nagtayo ng unang simbahan yari sa mahihinang materyales. Ang pamayanan ay matatagpuan noong una sa tabing-lawa, ang lokasyon ng nakikilala nating bayan ngayon ng San Nicolas, Batangas.

Ang Ilog Pansipit ang nagdurugtong ng Lawa ng Taal at Dagat sa Balayan. Bahagi ng Carta Hydrographica y Chorographica de las Islas Filipinas (1734), mapa ni Padre Pedro Murillo Velarde.

Dating tubig-alat ang Lawa ng Taal. Dinatnan ng mga Kastila na ang Lawa ng Taal at Karagatan ng Balayan ay pinagdurugtong ng siyam na kilometrong Ilog Pansipit. Noo’y napagyayautan pa ito ng kanilang mga barkong pangangalakal na galleon. Naglalayag din doon ang mga barkong pangalakal ng mga Intsik.3 Albert Herre, 1927. The Fiheries of Taal Lake and Lake Naujan, pp. 288-289. Philippine Journal of Science. At maaari ring makapagkanlong ang mga barko sa loob ng lawa ng Taal kung may matinding bagyo’t daluyong sa karagatan ng Balayan.; hindi gaya sa Naujan Lake sa Mindoro na walang mapapasukang ilog na magdurugtong patungong lawa.

Sa Ilog Pansipit, sa bahaging nasasakupan ng Barangay Caysasay ng Taal, ay natagpuan ng mangingisdang si Juan Maningcad ang isang milagrosang imahen ng Inmaculada Concepcionang Birhen ng Caysasay—noong 1603.

Larawang nasa simbahan ng Caysasay. Si Juan Maningcad nakakuha ng imahen ng Birhen sa Ilog Pansipit.

Ang Birhen ng Caysasay o Nuestra Señora de Caysasay ay kinoronahang canonigo noong Disyembre 8, 1954. Ginawaran ito ng titulong “Reyna ng Arkidiosesis ng Lipa”. Ang Birhen ay nakadambana sa Archdiocesan Shrine of Our Lady of Caysasay na nasasakupan ng Arkidiosesis ng Lipa.

Birhen ng Caysasay: Ano ang misteryo sa likod ng imaheng naisalba mula sa ilog, sa lugar ng mapanganib na bulkan?

Mayroon nang 34 na naitalang pagputok ang Bulkang Taal—kabilang ngayong Enero 2020—mula nang maitatag ng mga misyonerong Agustino ang bayang Taal noong 1572.

Ang pinamalakas at mapaminsalang pagsabog ng mga bulkan sa Taal ay tumagal nang may halos pitong buwan mula Mayo 15 hanggang Disyembre 1, 1754.

Pagputok ng Volcán de Taal, 1749-50—drowing ni Manuel Magno de Valenzuela (Archivo Franciscano Ibero-Oriental, Madrid AFIO 50/21; Fr. Cayetano Sánchez Fuentes OFM)

Sanhi nito’y lubhang nabago ang pigura ng kalupaan at kapaligiran ng mga pamayanang nakapalibot malapit sa bulkan. Lumubog at napalis ang limang pamayanan ng Taal, Tanauan, Lipa, Bauan at Sala. Umatras palayo sa lawa at muling nagtatag ng mga panibagong pamayanan ang mga Batangueño; maliban sa Sala na tuluyan nang naglaho bilang isang bayan at naging isa na lamang barangay.

Habang sinusulat ang blog na ito’y nakataas pa rin ang Alert level 4 sa mga bayang nakapalibot sa bulkang Taal. Ibig sabihin, hindi pa tapos ang pag-aalburuto ng kalikasan. Patuloy pa ring nagbabanta ang nakapangingilabot na peligro, lalo na sa saklaw ng 14-kilometer radius danger zone.

Barako sa tatag ang Taal. Kahit nabuwag ay agad tumindig. Muling nalugmok, muling bumangon. Nawasak, muling tumatag. Walang tinag sa pagsulong hanggang sa mabunying tinanghal na isang Heritage Town. Isang pamana at dangal ng lahing Batangan.

Ang blogger nasa tabi ng Historical marker sa bungad ng Minor Basilica ng San Martin de Tours sa Taal. Ito ang pinakamalaking simbahan sa Filipinas at Asia. May taas na 88.6 metro (291 ft) at 48 metro (157 ft) lapad.

Pero tulad ng dati, sa mahigit na tatlong siglong historya ng Taal, patuloy pa rin ang misteryo ng buhay sa kabila ng hagupit ng panahon.

Patuloy pa ring bumubukal ang likas na kabutihan ng Filipino sa pagtugon sa kasalukuyang kalamidad sa Taal. Nagbabayanihan ang mga Kristiyanong kababayan natin sa pagtulong sa mga nasalanta na pansamantalang nasa iba’t ibang evacuation centers, simbahan, eskuwelahan, sports complex, at iba pang lugar sa mga kalapit-bayan ng Batangas at Cavite.

Nakakabagabag. Sa kabila ng malaking panganib ay may mga pilit pa ring pumupuslit at nakikipagsapalarang bumalik sa kanilang komunidad upang isalba ang nalalabi pa nilang ari-arian, kung mayroon pa.

Samantala, nailikas na ang imahen ng Birhen ng Caysasay sa Lipa. Nasa direktang pangangalaga muna ito ng Arkidiosesis.

Sa kaniyang Liham Pastoral, sinabi ni Arsobispo Gilbert Garcera ng Diosesis ng Lipa: “Muli nating itinataas ang ating mga mata at ang ating puso kay Santa Maria na ating Mahal na Ina, ang Birhen ng Caysasay na lagi nating kasama at tagapagtangkilik sa ating paglalakbay, at kay San Jose na tumayong ama ni Hesus at nag-aruga nag-alaga sa Kanya. Sa tulong ng kanilang halimbawa at panalangin, patuloy nawa tayong magalak dahil sa ating pag-asa, magtiyaga sa kapighatian, at palaging manalangin. Sama-sama tayong babangon sa pagpagpala ng Diyos!”

Ah, nananalig ako. Muli’t muling makakabangon ang Taal. Astig ang pusong Batangan! Patuloy na aalingawngaw ang kaniyang awit

“Batangas, bukal ng kadakilaan
Ang pinakapuso ay Bulkang Taal…”

 

 

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *