Taytay ni Juan

Proklamasyon ng Lungsod ng Maynila, Estado ng Filipinas, at Bayan ng TAYTAY

 

Author: Fr. Manuel Buzeta / F. Bravo Publisher: Colegio de Valladolid and José C. de la Pena , Madrid (1851)

MALIIT NA TRIBUNG komunidad pa lamang noon ang TAYTAY. Nasasakupan ito ng kaharian ng Namayan na naging Visita Santa Ana de Sapa bago naitatag ni Miguel Lopez de Legazpi ang Maynila noong 24 Hunyo 1571. Araw rin iyon ng dakilang kapistahan ng Patrong SAN JUAN BAUTISTA.

Ang MAYNILA ang ginawang ciudad-cabicera at luklukan ng punong-pamahalaang Kastila (la capitanía general de Filipinas). Idineklara ang Maynila bilang “Marangal at Matapat na Lungsod” (Ciudad Insigne y Siempre Leal o Distinguished and Ever Loyal City), 21 Hunyo 1574.

Iyon din ang opisyal na proklamasyon ng FILIPINAS bilang Estado ng buong kapuluan (el Estado Filipino). Tinawag itong LAS ISLAS FILIPINAS.

“Marangal at Matapat na Lungsod” (Ciudad Insigne y Siempre Leal o Distinguished and Ever Loyal City), 21 Hunyo 1574.

Kaya taliwas sa intindi ng karamihan, ang FILIPINAS ay hindi isang kolonya ng España; isa itong probinsiya sa malawak na ibayong dagat (provincia de Ultramar) ng Viceroyalty o Virreynato ng Nueva España (Mexico). Kabilang pa nga sa teritoryo ng Filipinas ang Guam, Marianas, at Carolines na nasa Pacific Ocean.

Bilang Simbahan naman, ang buong kapuluan ng FILIPINAS ay napapailalim sa Diosesis ng Mexico. Nang maging nagsasariling Diosesis ang Filipinas ay itinalaga si Padre Domingo de Salazar—isang Dominikano—bilang unang Obispo noong 6 Pebrero 1579. Kapanahunan na ito nina PADRE JUAN DE PLASENCIA, ang mabunying founder ng bayang TAYTAY at mga bayan-bayan sa mga probinsiya ng La Laguna, Tayabas (Quezon), at ilang lugar sa Bulacan.

Samantala, si Padre Pedro Chirino ang naging unang Kura Parokong Jesuita ng TAYTAY kasunod ng mga Franciscano. Ipinagdiwang niya ang unang Banal na Misa ng kaniyang misyon sa TAYTAY sa baybayin ng Lawa noong 25 Marso 1591, araw ng kapistahan ng Anunciacion. Ang kaniyang kauna-unahang Homiliya ng Misa sa wikang Tagalog ay noong Agosto 15, 1591, kapistahan ng “Asuncion o Pag-akyat sa Langit ng Birheng Maria,” sa lugar na tinawag na “Pinagmisahan” sa bundok ng Antipolo.

Si Padre Chirino ang awtor ng Relación de las Islas Filipinas, ang itinuturing na kauna-unahang aklat ng historya ng Filipinas (1604). Mas nauna pa ito sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Dr. Antonio de Morga na sinuri ni Dr. JOSE RIZAL (1609). (Kay Antonio de Morga unang ipinangalan ang kalsadang nasa gilid ng Lumang Municipio na huli nating natunghayan bilang M.C. Ison Street bago buwagin kasama ng gusaling Municipio, Nob. 2020–patuloy.)

Naitala sa aklat ni Padre Chirino na nagsimulang tawaging “Filipino” ang mga “katutubong mamamayan” ng ating arkipelago. Siyam na Kabanata nito—Capitolo 8, 9, 12, 16, 17, 20, 21, 22 at 30—ang naglalaman ng mga salaysay hinggil sa bayang TAYTAY. Maliwanag na sa mga unang aklat ng historya ng Filipinas ay naroon nang nakaukit ang pangalang TAYTAY.

(Si San PEDRO CALUNGSOD, ang misyonerong sakristan ay natungtong sa TAYTAY noong 1666-1688. Ang kaniyang naging guro ay ang Kura Parokong si Beato DIEGO LUIS DE SANVITORES na pinakamatagal naglingkod sa TAYTAY noong 1662-1688. Magkasama silang nadestino at naging martir sa Guam noong 2 Abril 1672.)

Ang TAYTAY ay nasa gitna at napalilibutan ng mga bayang Taguig, Pasig, Cainta, Antipolo at Angono. Nasa bungad ito patungo sa gawing-Silangan ng lawa. Itinadhana ang TAYTAY bilang “daraanan, lagusan, at TULAY” sa gawing Silangan ng ibayo ng malawak na Laguna de Bay. Pasulong sa itaas ay naroon ang paanan ng mga bundok ng Sierra Madre, paikot sa San Cristobal at Banahaw sa probinsiya ng La Laguna at Tayabas (Quezon).

Ang MORONG ang ginawang cabicera ng RINCONADA sa malawak na Lawa. Naging DISTRITO DE LOS MONTES DE SAN MATEO ito noong 1853. Pagkatapos ay naging DISTRITO POLITICO-MILITAR DE MORONG naman noong 1857. Ang naturang DISTRITO, at dagdag pa rito ang 17-municipalidad mula sa lumang probinsiya ng MAYNILA ang siyang naging probinsiya ng RIZAL simula noong 11 Hunyo 1903.

Pinagsanib ang mga municipalidad ng TAYTAY, CAINTA at ANGONO noong 1903. Ang luklukan ng pamahalaang-sibil ay nasa TAYTAY. Makalipas ang 5-buwan ay hiniwalay agad ang ANGONO at isinanib sa BINANGONAN. Noong 1913 ay hiniwalay naman ang sitio ng BULAO at MAYAMUT mula sa bayan ng TAYTAY at naging sakop na iyon ng ANTIPOLO. Hiniwalay din ang CAINTA mula sa TAYTAY kaya’t ito ay naging isang nagsasariling municipalidad.

Makasaysayan ang MAYNILA, ang cabicera ng FILIPINAS.
Sumasabay ang TAYTAY, ang “TULAY” sa dakong Silangan.
Kasamang naglalakbay sa kasaysayan ang Patrong SAN JUAN BAUTISTA.

MABUHAY ANG TAYTAY, 1579-2021! œ

 

 

 
* Pinagbatayan:   Juan de Plasencia, OFM — Tatay ng Taytay ni Juan25 Marso 2018; pahina 28-29

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *