Panahong 1890-1900s. Mataas ang moral sa paglilingkod sa pamahalaang bayan. Maituturing na dakila at karangalan ang maging lider man o opisyal ng bayan.
Kung may kontrobersiya at hidwaan sa kanilang pagitan, prinsipyo at paninindigan ang dahilan. Mataas na pamantayan at kaisipan ang sukatan. At Kasaysayan ang patuloy na titimbang.
Ay! Ano nga ba ang sentimyento’t kamulatan lalo pa’t kung langhap ang usok ng himagsikan laban sa Kastila at digmaan laban sa Kano? Nagliliyab ang nasyonalismo ng bansang may adhika ng kalayaan at gobyernong nagsasarili!
Umaalingawngaw ang sigaw:
Mabuhay ang Filipinas!
Itinatag at pinamunuan ni Andres Bonifacio ang Katipunan (KKK) noong 1892. Pinagtibay sa Kumbensyon ng Kataas-taasang Kapulungan ng Katipunan ang 3-resolusyon na “nagdeklara ng himagsikan, magtatag ng gobyernong pambansa, at magdaos ng eleksyon ng mga opisyal na mamumuno sa bayan at hukbo”, noong August 24, 1896.
Ang Katipunan na dating samahang-lihim ay naging lantarang rebolusyonaryong gobyerno na may mga pinaiiral na sariling batas at istrukturang burukratiko. Si Bonifacio ay ginawaran ng iba’t ibang titulo gaya ng “Supremo Presidente, Pangulo ng Nagsasariling Bayan ng Katagalugan, Pasimuno ng Himagsikan, Presidente de la Republica Tagala,” gayundin ng “Pangulo ng Haring Bayang Katagalugan” (Sovereign Tagalog Nation”), atbpa. Pansinin: noon ay tinutukoy nila ang “Tagalog ay lahat ng isinilang sa buong kapuluan ng Filipinas, at hindi lamang bilang isang etnikong grupo.”
May batayan, kung gayon, na kilalanin ang Katipunan bilang “Unang Republika ng Filipinas at si Bonifacio ang Unang Presidente.” Kaso nga, hindi gayon ang nangyari. Tila lumihis ang Kasaysayan?
Naganap ang Tejeros Convention sa Cavite noong March 22, 1897 na namalas ang hidwaan ng paksyong Magdalo at Magdiwang ng Katipunan. Nagresulta ang Convention sa paglikha ng bagong rebolusyonaryong gobyerno, at si Gen. Emilio Aguinaldo ang nahalal na presidente kahit absent siya sa Kapulungan.
Kasunod niyon ang marahas na pag-aresto at pagpaslang kay Andres Bonifacio at sa 2 kapatid niyang sina Ciriaco at Procopio. Si Gregoria de Jesus, ang asawa ng Supremo, ay ginahasa ni Col. Agapito Bonzon, isang loyalista ni Aguinaldo. Hindi man lang siya inimbistigahan at pinarusahan ni Aguinaldo kaugnay ng pangyayari.
Sa pamumuno ni Aguinaldo ay idineklara ang Independensya sa Kawit, Cavite noong June 12, 1898. Winagayway ang bandila ng Filipinas sa saliw ng tugtog ng Marcha Filipina Magdalo (kalauna’y naging Marcha Nacional Filipina).
Ang Konstitusyong Malolos (Constitución Política de 1899) ang pinakamahalagang dokumentong pinagpasiyahan ng mga kinatawan ng rebolusyonaryong gobyerno. Pinagtibay nito ang pagtatatag ng “Unang Republika ng Filipinas”. Si Aguinaldo ang inihalal at pormal na nanumpa bilang “Unang Presidente ng Republika.” Prinoklama ang Konstitusyong Malolos noong Jan 23, 1899.
Kahit naigupo na ang pamamahala ng Espanya, hindi pa rin kinilala ng Estados Unidos ang nagsasariling gobyernong Aguinaldo. Trinato lamang iyon ng Kano na “nasa ilalim ng makalingang pagtanggap” (benevolent assimilation) ng Amerika. Kaya’t noong June 2, 1899 ay opisyal na nagdeklara ng giyera ang Republika ng Filipinas laban sa imperyalistang Amerika.
Sa kabilang dako, habang patuloy pa rin ang digmaang Fil-Am ay inilatag naman ng Kano ang kolonyal na pamahalaang sibil sa bansa. Ginawa ang Act No.82 (Municipal Code, January 31, 1901) upang maorganisa ang mga pueblo o bayan bilang mga “Municipio”. Sinundan ito ng Act No.83 noong February 6, 1901 upang mabuo naman ang mga “Provincia”.
Nguni’t si Aguinaldo ay nadakip ng mga Kano sa Isabela noong March 23, 1901, at pormal na nagdeklara ng pagsuko noong Abril 19, 1901. Saka pa lamang nilikha ang Probinsyang Rizal (mga pinagsanib na bayan ng Morong at Maynila) sa bisa ng Act No. 137 noong June 11, 1901. At kabilang ang bayan ng Taytay sa bagong likhang probinsyang Rizal.
Ang pagsuko ni Aguinaldo ang hudyat ng wakas ng maikling buhay ng “Unang Konstitusyon at Republika ng Filipinas“. Gayunman, humalili si Gen. Miguel Malvar at ipinagpatuloy ang Republika hanggang siya ang nadakip noong April 16, 1902. Batay rito, maaari siyang kilalanin bilang “Ikalawang Presidente ng Republika“.
Samantala, binalikat ng beteranong si Macario Sakay ang inisyatiba upang ipagpatuloy ang simulain ng Katipunan. Prinoklama niya ang Republikang Tagalog at isinulat ang Konstitusyon nito. May sariling bandila, sistema ng pagkolekta ng buwis, at regular na hukbo. Idineklara ring kabilang sa Republikamg Tagalog ang buong kapuluan ng Filipinas.
Si Sakay ang tumayong “Presidente ng Republikang Tagalog”. Nagkanlong sila sa paanan ng Bundok Banahaw. Aktuwal na pinamunuan ni Macario Sakay ang rebolusyonaryong himpilan sa Morong–Nueva Ecija. Itinalaga naman niya ang kanyang mga opisyal sa iba pang rehiyong Tagalog (Bulakan, Pampanga, Cavite, La Laguna, at Batangas).
Si Sakay ay isinilang at laking-Tundo. Kasa-kasama rin siya ni Bonifacio sa mga labanan. Subalit isang kabayang lider-manggagawa, si Dominador Gomez, ang nagkanulo kay Sakay na napalinlang sa pangakong “kalayaan ng Filipinas sa paraang konstitusyonal mula sa Amerika.”
Ang imbitasyon kay Sakay para sa isang payapang pag-uusap ay nagsilbing isang bitag. Sa pagbaba niya mula sa himpilang bundok ng Tanay-Morong ay pataksil na inaresto sa isang piging sa Cavite. Binitay siya ng mga Kano sa kasong “pagiging bandido” noong Sept. 13, 1907.
Sa kabilang dako, sumumpa ng katapatan si Aguinaldo sa mananakop na Amerika. Sa kabiguang sinapit ng “Unang Republika” mula nang siya’y madakip ay namanatang habambuhay na magsusuot ng itim na laso-sa-kwelyo kapag nasa publiko bilang pagluluksa.
Noong 1934 ay ginawa ang Tydings-McDuffie Act o Philippine Commonwealth and Independence Act. Kasunod nito ang Commonwealth Constitution, 1935. Naitatag ang gobyernong Commonwealth at si Manuel L. Quezon ang nahalal na presidente noong 1936. Ito ang nagsilbing transisyon at paghahanda sa “pagkakaloob ng ganap na independencia pagsapit ng itinakdang 10-taon—July 4, 1946”.
Ngunit sumalakay sa atin ang Japan at sumiklab ang World War 2 noong 1941. Muling nasakop tayo ng dayuhan at nagkaroon ng bagong Konstitusyon noong 1943. Nagdeklara ng “Ikalawang Republika ng Filipinas” at si Jose P. Laurel ang naging presidenteng papet.
Sina Quezon, Sergio Osmeña Sr., at mga kasama, ay nagkanlong sa US. Gayundin ang mga punong militar ng Kano sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Douglas MacArthur sa panahon ng tiyak na pagkatalo ng allied forces sa Bataan at Corregidor. Tinupad ni MacArthur ang pangakong “I shall return” hanggang sa natapos ang giyera laban sa Hapon noong 1944.
Ipinagkaloob ng US ang kasarinlan ng Filipinas noong July 4, 1946. Ang seremonyas ng makasaysayang Independence Day ay ginanap sa Luneta, Maynila.
Itinaas ang bandila ng Filipinas habang ibinababa naman ang bandila ng US sa tinaguriang “Independence Flagpole” na nasa harapan ng Monumento ni Jose Rizal. Sa okasyong iyon ay muling pumailanlang ang rebolusyonaryong Himno Nacional Filipino o Pambansang Awit ng Filipinas (National Anthem). Noon din ay tinapos ni Aguinaldo ang higit-40-taong panata ng luksang-itim na laso.
Noong 1964 ay prinoklama ni Pres. Diosdado Macapagal ang Republic Act No. 4166. Ang dating “July 4 Independence Day” ay ginawang “Philippine Republic Day”, at ang June 12 na proklamasyon sa Kawit, Cavite ang naging “Philippine Independence Day.”
Ang Proclamation No.533 ni Pres. Benigno S. Aquino III noong 2013 ay nagdeklarang January 23 ang “Araw ng Republikang Filipino, 1899.”
TAYTAY SA ILALIM NG REPUBLIKA. Sa gitna ng marahas na Kasaysayan at panahon ng kapayapaan ay sangkot ang mararangal, magigiting na lider at punong-bayan, at salit-saling lahing Taytayeño sa pagtindig ng Pamahalaan at Bayang Taytay.
Patunay na saksi ang gusaling Municipio na itinayo ni Mayor Manuel I. Santos noong 1955 mula sa guho ng digmaan laban sa Hapon. Makikitang nakahulma sa patsada ng Municipio ang Sagisag (Coat of Arms) ng Republika na pinagtibay noong July 3, 1946.
Ang monumento sa harap ng Municipio ay masidhing paalaala sa diwa ni Rizal, at sa timyas ng kalayaan ng Inang Bayan na nagluwal ng “Unang Republika ng Filipinas noong 1899“.
Nakakahinagpis na ang makasaysayan at makabayang alaala nito’y winasak noong Nobyembre-Disyembre 2020, hindi ng mga dayuhan, kundi ng mismong Pamahalaang Bayan ng Taytay.