NATAPAT NA SA taong 2022, ang Kapistahan ng Sacred Heart of Jesus ay June 24, araw ng Biyernes. Nagkataong kapareho ng tradisyunal na petsa ng solemnidad ng Kapanganakan ni San Juan Bautista, ang patron ng Taytay simula pa noong 1583.
Ang pagdiriwang ng Sacred Heart ay 19-araw makalipas ang Pentekostes, araw ng Biyernes. Ang solemnidad na ito’y nasa Liturgical Calendar ng Simbahang Katolika mula pa noong 1856. Kaugnay at kasunod nito, June 25, Sabado naman ang Kapistahan ng Immaculate Heart of Mary.
Ang debosyon sa Sacred Heart ay nagtatanghal sa walang maliw na pag-ibig, pagmamahal, at pagdurusa ng puso ni Kristo para sa sangkatauhan. Ang mithi ng debosyon sa Immaculate Heart ay ang ibigin si Jesus, ang Diyos, sa pamamagitan ng pakikipag-isa at pagtulad sa mga dalisay na katangian ng Birheng Maria.
Batay sa Calendarium Romanum (Liturgical Calendar ng Simbahan), ang selebrasyon ng Sacred Heart sa taong 2022 ay maaaring ganapin sa June 24 (Biyernes), at 25 (Sabado).
Nguni’t may Gabay ding inilathala ang Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments. Ang selebrasyon ng Sacred Heart umano’y sa June 24, at ang Kapanganakan ni San Juan Bautista ay sa June 23; maliban kung si San Juan Bautista ang patron ng diosesis, bayan, siyudad, o relihiyosong komunidad, at kung magkagayon ay ang selebrasyon ng Sacred Heart ang uusog sa June 23, at mananatiling 24 pa rin ang San Juan Bautista.
Maliwanag, kung gayon, na ang June 24 ang pagdiriwang ng Kapistahan sa Parokya ni San Juan Bautista sa Taytay. Ang Immaculate Heart of Mary naman ay June 25, okasyong pan-Sabado pa rin sa Parokya.
Ay, paano kaya sa Dolores Chapel natin na ang Banal na Misa ay tuwing hapon ng Biyernes? Ano kaya, kung ang unang Misa ay para sa Kapistahan ni San Juan Bautista, at ang ikalawang Misa naman ay ukol sa Sacred Heart? O, kung parehong Sacred Heart kaya – mas mainam siguro?
Bilang deboto, nagtatanong lang po…at mag-aabang ng kasagutan.