NATAGPUAN ang imahen ng Birheng Dolorosa sa isang ilog sa Taytay.
Noon, sa nasabing ilog ay may malaking tipak na bato na ginagamit na tuktukan ng babaing tagapaglaba ng isang mangangalakal na Tsino-Cantones na naninirahan sa lugar na iyon. Isang araw ay may kakaibang pangyayari sa ilog-labahan.
Sa tuwing humahataw ang palu-palo ng labandera ay may dumaraing ng “aruy…aruuuy!” Bunsod ng kababalaghan ay nagsidalo ang ilang kalalakihan. Inangat nila ang tila pawikang likod ng malaking bato at iniahon sa tubig.
Ang tumambad sa kanila ay isang imahen ng Birheng Dolorosa na kasinlaki ng tao. Natuklasang may paukit na nakasulat sa likod nito na “ang nagpagawa ay si Padre Pedro Silva.”
Nilinis nila ang nilulumot na imahen. Dahil sa sobrang bigat ay kinailangan pa itong buhatin ng isang grupo ng kalalakihan para maihatid sa simbahang nasa burol. Masuyong binihisan at maringal na ginayakan, saka iniluklok sa Altar.
May ilang gabing misteryosong nagliliwanag sa loob ng simbahan gayong wala pang kuryente ng Meralco noon. Napupuna ring nag-iiba ang posisyon ng imahen sa kinatatayuan nito na sa hitsura ay tila “gustong umalis.”
Dahil dito, pinagpasiyahan ng mga kinauukulan na ibalik na lamang ang imahen ng Dolorosa sa gilid ng ilog, kung saan ito natagpuan. Nagtayo ng isang kubol at saka idinambana roon.
ANG DAMBANA. Natagpuan ang nasabing imahen ng Birheng Dolorosa noong 1875 sa panahon ni Padre Esteban Martinez, ang kura paroko sa Taytay mula noong 1874 hanggang 1879.
Simula noon ay pinagyaman ng mga tao ang dambana at tinawag nila itong “Kapilya ng Dolores.” Pati ang barangay na kinatatayuan nito ay pinangalanan ding Barangay Dolores.
Ang Kapilya ng Dolores ay matatagpuan sa Rizal Avenue (camino) at kanto ng kalye Adhika. Katapat nito ang lumang bahay ng malaon nang yumaong si Espiridion Suallo na nakapuwesto sa mismong harap ng kasalukuyang kapilya sa Rizal Avenue at sa kabilang kanto ng Adhika.
NOON AT MAGPAKAYLANMAN. Kabilang sa mga unang pamayanan ang Taytay at San Mateo na dinaanan at itinatag ng mga Kastila sa dako ng ngayo’y probinsiya ng Rizal (1570s). Noon ay parehong kabilang sila sa provinciang Tundo (Maynila). May panahon ding kapwa naging sakop sila ng unang misyong-Jesuita sa Taytay-Antipolo mula noong 1591.
Napabilang din sila sa pamahalaang sibil ng binuong Distrito de los Montes de San Mateonoong 1853, na sa kalaunan ay naging Distrito Politico-Militar de Morongpagsapit nang 1857. Naging malaking bahagi ng probinsiya ng Rizal naman sa panahon ng Kano noong 1901.
Sa talaan ng mga paring nagmisyon sa malawak na lugar ng provincia ay bukod-tangi at walang kapangalan si Padre Petrus de Sylva (Pedro Silva) na natalaga sa San Mateo noong 1701, ayon sa Catalogus Brevis Personarum Provinciae Philippinarum.
“Mula sa kinatatayuan ng kaniyang simbahan sa bundok ng San Mateo, sa dakong kapatagan sa ibaba ay may isang kapilyang nasa gilid ng pambansang lansangan na palagiang dinadalaw ng mga manlalakbay at deboto lalo na kung araw ng Biyernes.” Pinaniniwalaan na ito ang Kapilya ng Dolores natin ngayon dito sa Taytay.
Noon ay may ilog pa sa likuran nito na karugtong-pababa at sumasanib sa Ilog Taytay—nagtatagpong patungo sa lugar ng daungan (embarcadero)sa Ilog Tapayan sa Lupang Arenda,at tuluyang lumalabas at sumasanib sa malawak na Laguna de Bay.Ito ay napaglalayagan pa noon ng malalaking bangkang cascosa pangangalakal. Malinis at napaglalabhan pa ang tubig-ilog.
Ngayon ay wala nang bakas ng ilog sa likuran ng dambana, ang Kapilya ng Dolores. Makipot na rin ang Ilog Taytay dito sa poblacion hanggang sa lagusan nito sa malawak na lawa.
Ngunit ang Birheng Dolorosa ay nanatili sa piling ng Taytay. May magandang dambanang kapilya. Bagong gawa at mas pinalaki pa ito upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga debotong dumadalaw at nagsisimba tuwing Biyernes at sa mga piling okasyon ng Birheng Dolorosa.
Ang imahen ng Dolorosa ay nasa pangangalaga ng Parokya ni San Juan Bautista. Ito ang pinakamatandang nalalabi sa sinaunang kasaysayan ng Taytay. Wala pa itong kaukulang pagkilala at hindi pa napaparehistro sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP).
Alay na mabangong bulaklak. Ayon sa 84-anyos na debotong si lola Charing Francisco, ikinuwento ng kaniyang lolo Esperidion Suallo na “may isang babaeng naggala noon sa Maynila na naghahanap ng pabango para sa kaniyang bahay na di-umano’y may nangangamoy-palikuran (toilet). Nagsadya ang babae sa Botica Boie sa Escolta at nakipagkasundo sa may-ari nito na pupuntahan siya kapag mayroon na sila ng uri ng pabango na hinahanap niya.”
“Dala ang mabangong panlunas sa masamang amoy, tinunton ng may-ari ng Botica Boie ang himatong na tirahan ng babae sa Taytay. Ngunit ang natagpuan niya ay ang mismong dambanang kubo. At ang mahiwagang babaeng nakilala niya noong una ay kaniyang namukhaan at napagtantong walang iba kundi ang Birheng Dolorosa ng Taytay,” patuloy pang salaysay ni Lola Charing.
Ang makasaysayang Botica Boie ay itinatag ng Kastilang si Dr. Lorenzo Negrao sa Maynila noong 1830. May puwestong komersiyo ito sa Escolta mula 1880 hanggang 1920. Ang mga produkto nito’y medisina, instrumentong pangsiensiya at gamit pang-opera, floor wax, toilet articles at flavor extracts. Sumikat ito sa kaniyang produktong katas ng pabango ng ilang-ilang at sampaguita hanggang sa buong Europa na ipinagwagi pa ng gold medalssa mga perfumeexpositionsa Madrid noong 1887 at sa St. Louis, Missouri (USA) noong 1904.
Dahil doo’y tumibay ang paniniwala ng mga deboto na sadyang kinagigiliwan ng Birheng Dolorosa ang mga alay na bulaklak ng ilang-ilang at sampaguita sa kaniyang munting dambana dito sa Taytay.
Higit sa lahat, mananatiling dambana ng Birheng Dolorosa ang puso’t kaluluwa ng mananampalatayang Taytayeño na may busilak at banal na kalooban.
Napakagandang kwento ng kasaysayan ng Dolores. Tunay na ang may akda ay isang dalubhasa sa mga kasaysayan. Manuhay ka, Ding Fernandez.
Salamat sa appreciation.
Napakagandang kwento ng kasaysayan ng Dolores. Tunay na ang may akda ay isang dalubhasa sa mga kasaysayan. Mabuhay ka, Ding Fernandez.