Marso 1899 – Digmang pananalakay ng Kano, pagtatanggol ng Filipino
Sumiklab ang Fil-Am War noong 1899. Si Gen. Pio del Pilar, alyas “Pang-Una”, ng San Pedro Macati, Maynila ang itinalagang komander ng Ikalawang Sona ng Maynila ng Rebolusyonaryong Gobyerno ni Aguinaldo. Ang Sona ay binubuo ng Pasig at iba pang mga bayan sa dakong timog ng Maynila, at ng Distrito de Morong na kinabibilangan ng Taytay, Cainta at Antipolo.
Mula Marso 14, 1899, sa pamumuno ni Gen. Loyd Wheaton ay sinimulang atakihin ng hukbong Kano ang Pasig, Pateros, Taguig, at San Pedro de Macati. Nakapuwesto ang mga gunboats ng Kano sa bunganga ng Ilog Napindan sa Lawa, habang lumulusob naman ang kanilang mga tropang kalupaan. Ang utos-militar at pandigma ay “itaboy ang kaaway nang papalayo sa Pasig, at salakayin sila saanman matatagpuan.”
Sa kasagsagan ng opensiba ng Kano, winasak nila pati ang makasaysayang Parola sa Napindan na naging tagpuan nina Andres Bonifacio, Emilio Aguinaldo, Emilio Jacinto, Pio del Pilar, Pio Valenzuela, at iba pang mga lider-rebolusyonaryo. Siniguro ng Kano na hindi na ito pakikinabangan pa ng komando at kontrol ng mga Filipinong manghihimagsik.
Pinamunuan ni Maj. William Rogers ang 1,000 sundalo ng 3rd Batallion ng 20th US Infantry Regiment sa pagsalakay sa Cainta noong Marso 16, 1899 bago tumungo sa Taytay at Antipolo.
Sa pagbungad pa lamang ng mga puwersang Kano, ang presidente municipal (alcalde) ng Cainta na si Señor Exequiel Ampil na isang dating ahente ng Katipunan na naging maka-Amerikano, ay mahigpit na nanghikayat sa kaniyang mga kababayan na sumuko na lamang. Pero sa halip ay binaril siya at sugatang tumakas.
Magiting ang pagdepensa ng mga Cainteño. Bahay-bahay at pati sa mga bintana ng mga kubo ang palitan ng mga putok. Napaslang ang 100 Cainteño na noon ay mayroon lamang populasyon na 700. Sa araw ding iyon ay natupok ng apoy ang kabayanan at tuluyang nagapi ang Cainta.
Sa hinaharap (1902), ang municipio ng Cainta ay lulusubin ng mga gerilyang rebolusyonaryo sa pamumuno ni Timoteo Pasay, ang presidente municipal ng Cardona. Inaresto si Ampil at dinala sa Morong para lilitisin, subalit siya’y nakatakas mula sa kutang pinagbinbinan sa kaniya.
Sa suporta ng Kano ay lumakas pa ang impluwensiya ni Ampil.1Exequiel Ampil–dating ahente ng Katipunan, naging pro-Amerikano. Inaresto ng mga rebolusyonaryo para humarap sa paglilitis ngunit nakatakas. Naging Presidente Municipal ng Taytay (nakasanib ang Cainta mula October 12, 1903 hanggang January 1, 1914) Nang lumaon ay nakalusot siyang maging presidene municipal ng Taytay (1904-1907) sa panahong ang Cainta ay isinanib sa Taytay noong 1903 hanggang 1913 sa bisa ng Act No. 942 ng pamahalaang kolonyal ng Kano. Kabilang sa kinonsolida ang Cainta na mayroon lamang populasyon na 1,761, at Angono na ang populasyon ay 2,231. Ang Taytay na ang populasyon ay mahigit na sa 6,800 ang naging luklukan ng pamahalaang lokal ng pinagsanib na naturang 3 municipalidad.2Inamyendahan ng Act No. 984 noong Nov. 6, 1903 ang Act No. 942 – ang Cainta ay nakasanib pa rin sa Taytay; ang Angono naman ay inilipat ang pagkasanib sa Binangonan.
Marso 19, 1899, kapistahan ng patrong San Jose, gayundin ng maliit na Barangay San Jose sa Taytay na kilala ngayong Barangay Muzon; kahangganan ito ng bayang Angono. Sa mismong araw ding iyon ay magkasabay ang matinding pagsalakay ng Kano sa Taguig at Taytay. Nakaposisyon pa rin ang kanilang mga gunboats sa bungad ng Ilog Napindan sa Laguna de Bay.
Inutos ni Gen. Wheaton ang “pagbomba at pagsunog ng buong bayan ng Taytay, at paslangin ang lahat ng makitang mamamayan.” Lubhang napinsala ang Simbahan, at minasaker ang 1,000 Taytayeño maging lalaki, babae, at bata. Kaugnay ng trahedyang ito, inamin ng sangkot na sundalong Kano na nagngangalang A. A. Barnes ng Battery G, 3rd Artillery sa kaniyang personal na liham na “…tumitigas na ang kalooban ko, at labis din ang galak kapag binabaril ko ang mga tao (Taytayeño) na maitim ang balat.”
Sa paanan ng bundok sa Taytay bago umakyat patungong Antipolo3Malamang na area ito ng ngayo’y Maryhills Retreat House ay naganap ang mahigpit na pagtatanggol ng hiwa-hiwalay na 300 manghihimagsik na republicanong Filipino na pinamunuan ni Gen. Pio del Pilar, kontra sa 2,500 na tropang Kano sa pamumuno ni Brig. Gen. Robert Hall na lumulusob para igupo ang Antipolo. Dito sa labanang ito huling namataan si “Pang-Una“4nom de guerre ni Gen. Pio del Pilar na kasama ng mga papaatras na sundalong Republikano patungo sa direksiyon ng Antipolo-Teresa-Morong.
Sa takot na sapitin din ang kalunus-lunos na dinanas ng Taytay sa kamay ng mga mananalakay na Kano, ang mga mamamayang Antipoleño ay nagsilikas na pa-Tanay bago pa man makarating ang mga Kano sa Antipolo. Wala nang labanang pagsalungat nang sumapit ang hukbong Kano sa kabayanan ng Antipolo noong Hunyo 4, 1899.
Sa pinag-atrasang bayan ng Morong, ang lokasyon ng himpilang probinsyal na La Commandancia ng Distrito Politico-Militar de Morong, ay tuluyang nasukol at nadakip ng hukbong Kano si Gen. del Pilar. Bagsak na ang bandera ng Ikalawang Sona ng Rebolusyonaryong Gobyerno.