Taytay ni Juan

 

 

Si ARTEMIO RICARTE (1866-1945) ang punong heneral ng Himagsikan laban sa Kastila at Fil-Am War. Si “Temyong” ay isang Republikanong mandirigma. Itinuturing siyang “Ama ng Philippine Army” at naging unang Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP)

May ipinangalan sa kaniya na isang kalsada sa boundary ng Taytay at Cainta—ang dating Manila Rail Road (MRR) o Estrella, ang makasaysayang daang-bakal papuntang Antipolo. Ang Artemio Ricarte Street na ito ang naghihiwalay sa Rizal Avenue provincial road ng Taytay at ng Andres Bonifacio Road ng Cainta

Dito dati bumabaybay ang riles ng tren mula sa punong estasyon sa Tayuman, Maynila hanggang sa Antipolo. Ang section mula Taytay hanggang Antipolo ay nagbukas noong Disyenbre 24, 1908, at tumigil ng operasyon noong Pebrero 20, 1918. Hanggang dekada ’70 ay may mga labi pa ng riles na makikita sa lugar.

Si Temyong ay Isinilang sa Batac, Ilocos Norte. Nag-aral siya sa Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad de Sto. Tomas. Ipinadala siya sa San Francisco de Malabon (Gen. Trias ngayon) sa Cavite para mangasiwa sa mababang paaralan sa Probinsiya.

HIMAGSIKAN LABAN SA KASTILA. Noong panahon ng himagsikan ay sumapi siya sa grupong Magdiwang ng Katipunan at gumamit ng alyas na El Vibora (uri ng ahas). Matagumpay niyang pinamunuan ang paglusob sa San Francisco de Malabon noong Agosto 1896. Namuno rin siya sa mga labanan sa Cavite, Laguna, at Batangas bilang Kapitan-Heneral ng Hukbo ni Emilio Aguinaldo

Siya ang itinalagang namahala sa pagsuko ng mga armas bilang pagkilala sa Kasunduang pangkapayapaan sa Biak-na-Bato sa pagitan ng Filipino at Kastila noong Disyembre 1897. Resulta nito, nagpa-voluntary exile sa Hongkong sina Aguinaldo at iba pang matataas na pinuno ng himagsikan.

Nagpatuloy pa rin ang mga paglalaban sa kabila ng “kasunduang pangkapayapaan.” Bandang huli’y napalibutan at kubkob na ng hukbong Filipino ang Intramuros, ang sentrong Maynila. Umentra naman sa eksena ang Kano. Ginanap ang “pekeng labanan” sa Manila Bay sa pagitan ng mga hukbong pandagat ng Kano at Kastila. Plinano nila ang kunwa’y “pagsuko ng Kastila sa Kano”—at hindi sa mga Filipino—para makaiwas sa kahihiyan ang Kastila. Kaya, ibinalik ng Kano sina Aguinaldo mula sa Hongkong upang sila’y makipagtulungan.

Pero hindi kinilala ng Kano ang kontribusyon ng rebolusyonaryong pwersang Filipino sa pagkakatalo ng Kastila. Hindi man lamang pinayagang makapasok ang mga rebolusyonaryo sa kutang Intramuros na sentro ng Maynila.

Nagduda na si Temyong sa totoong layunin ng Kano. Binalaan niya si Aguinaldo na mas mapanganib ang Kano kaysa sa Kastila. 

FIL–AM WAR. Nabigo sina Temyong na pasukin ang Maynila noong 1900. Nadakip siya ng Kano at ikinulong nang 6-buwan sa Bilibid. Sila ni Apolinario Mabini ay tumangging sumumpa ng katapatan sa watawat at kolonyal na pamahalaang Kano kaya’t ipinatapon sila sa Guam, kabilang ang 30 iba pang opisyal-militar at sibilyan, gaya nina Gen. Pio del Pilar, Gen. Mariano Llanera, at Lt. Col. Mariano Barroga.

Noong maagang bahagi ng 1903 ay ibinalik ng US Army sina Temyong at Mabini sa Filipinas. Hindi pa man nakakababa ng barko ay muli silang pinasusumpa ng katapatan sa Amerika. Tumutol si Temyong, samantalang si Mabini na maysakit ay pumayag sa kadahilanang “ayaw niyang mamatay sa dayong lupain.” Dahil dito, si Ricarte ay hindi man lamang nakatapak sa kaniyang lupang sinilangan. Sa oras ding iyon ay agad siyang inilipat sa barkong magtatapon sa kaniya sa Hongkong.

LOVE STORY KAHIT MAY LIGALIG. Mula Hongkong ay pumuslit si Ricarte pabalik sa bansa noong Disyembre 1903 para ugnayin ang mga dating kasamahan niya sa hukbo at buhaying muli ang himagsikan. Ginalugad niya ang Maynila at buong Central Luzon para manghikayat sa simulain. Isa sa mga naging masugid na tagasunod ng kilusan ay si Agueda Esteban, ang luksang biyuda ni Lt. Col. Mariano Barroga na namatay sa Guam noong 1901. (Si Agueda ay gumanap na tagalikom ng armas para sa himagsikan at mensahera sa pagitan nina Ricarte at Barroga. Siya’y anak ni Francisca dela Cruz ng Cainta.)

Nagsuplong sa Kano si Gen. Pio del Pilar, ang naging komander ng ikalawang sonang digmaan ng Maynila na sumasakop sa Pasig, timog Kamaynilaan, at Distrito de Morong (sakop ang Taytay)

Tinugis ng Kano si Temyong. Nilagyan ng pabuyang US$ 10,000 na patong-sa-ulo, dead or alive. Noong 1904 ay nagkasakit siya nang malubha. Sa kasamaang-palad, si Luis Baltazar, isang kasamahan sa bagong kilusan ang nagkanulo sa kanila sa Philippine Constabulary. Nadakip ang lahat ng rebolusyonaryong kasapi sa Mariveles, Bataan. Nakulong si Temyong sa Bilibid Prison sa sumunod na 6-taon. Samantala, si Agueda ay lumaya makalipas lamang ang ilang buwan; at patuloy niyang dinadalaw si Temyong sa piitan. 

Noong Hunyo 1910, sa paglabas ni Temyong sa kulungan ay na-detain siya antimano para muling utusang sumumpa ng katapatan sa Amerika. Muli siyang tumanggi kaya’t agad pinasakay sa barko para i-deport sa Hongkong. Nagpasiya namang sumama sa kaniya si Agueda. Silang dalawa ang nagkatuluyang magsumpaan ng katapatan at nagpakasal noong 1911.

Patuloy ang himagsikan kahit naka-deport. Si Ricarte (nasa gitna) at Vicente Sotto (nasa kaliwa; naging Senador, 1946-1950; Congressman, 1922-1925) kasama ang iba pang lider ng Philippine Revolutionary Council sa Hong Kong, 1911.
Agueda Esteban at Temyong Ricarte — nagkatagpo sa himagsikan, nagkaibigan hanggang dulo ng digmaan. Biniyayaan ng 2 anak na babae.

Nanatili sila sa Hongkong at Kowloon hanggang 1915 at naglathala (kada 2-linggo) si Ricarte ng El Grito de Presente (Pagtangis ng Kasalukuyan).

Ang mag-asawang Ricarte ay lumikas sa Tokyo at pagkatapos ay sa Yokohama, Japan. Nagtayo sila ng restoran—Karihan Luviminpara ibando ang diwang Filipino at pagkapatriotiko nila lalo kung sakaling may magawi sa lugar nila na mga migranteng Filipinong may kamalayang himagsik. At dahil sadyang guro, bumalik sa pagtuturo si Temyong, at ang itinuro ay wikang Espanyol. 

Mag-asawang Temyong at Agueda nagpundar ng Karihan Luvimin para sa Filipino community at mga naglalakbay sa Yokohama.

Inakda niya ang aklat na Hispano-Philippine Revolution o Himagsikan nang manga Pilipino Laban sa Kastila noong 1927. Nagpanukala rin siyang palitan ang pangalan ng ating bansa sa Rizaline Republic” o Luviminda” (Luzon-Visayas-Mindanao), at iba pang termino para sa “panahon, kalawakan, at mga buhay na bagay,” tulad ng Utakhasinto (bilang parangal kay Emilio Jacinto) kapalit ng pinakamaliwanag na bituing “Sirius.” 

Taun-taon ay may okasyong parangal tuwing Rizal Day (Disyembre 30) at Bonifacio Day (Nobyembre 30) na tinutustusan ang mag-asawang Temyong at Agueda. Dinadaluhan ito ng mga Filipinong residente at mga opisyales na Hapones.

Pag-alaala kay Dr. Jose Rizal: Ang pamilya ni Ricarte at mga Filipino sa Yokohama, Disyembre 30, 1930.

DIGMA NG HAPON. Taglay ang panawagang “Greater East Asia co-Prosperity Sphere” (Bukluran sa Pag-unlad ng Kalakhang Silangang Asya), sinakop ng Hapon ang Filipinas noong 1942. Pumayag si Ricarte sa alok ni Prime Minister Tojo ng Japan na bumalik siya sa Filipinas para “tumulong sa kapayapaan at kaayusan, at may pangakong kalayaan mula sa paghaharing kolonyal ng Kano.” 

Noong 1943 ay naitatag ang ikalawang Republika ng Filipinas, isang papet na estado sa ilalim ng pananakop ng Japan. Si Dr. Jose P. Laurel ang naging presidente.

Si Temyong ay inimbita ni Benigno Ramos, founder ng Makabayang Katipunan ng mga Pilipino (MAKAPILI), na sumapi sa kanilang organisasyon bilang pangontra sa napipintong pagsalakay at pagbabalik ng Kano. Tumangging pumirma si Temyong at nagsabing “hindi niya kailangan pang pumirma para patunayan ang kaniyang patriotismo at katapatan sa bayan.” Dagdag pa niya, “matanda na siya at sakitin para gumanap pa ng mabigat na tungkulin.”

Sa papatapos na digmaan ay muling natagpuan ng heneral ang sarili na tinutugis ng mga pwersang Kano at pati ng mga lokal na sundalo. Tumanggi si Temyong na lisanin ang bansa kahit pa ipagtabuyan siya ng mga opisyales na Hapones at nangangambang mga kapanalig. Ang sabi’y “hindi ko magagawang magkanlong sa Japan sa kritikal na sandaling ang aking bayan ay nasa masidhing hapis. Mananatili ako sa aking Inangbayan hanggang wakas.”

Gayunman, lingid sa kaalaman ng heneral, pinaslang ng mga Hapones ang may 20 kamag-anak niya sa pangambang “masyadong marami silang alam.” 

Si Temyong at napasama sa pag-atras sa huling tanggulan ng hukbong Hapon ni Gen. Tomoyuki Yamashita sa Cordillera. Natalo ang Hapon sa labanan sa Bessang Pass (Cervantes-Tagudin, Ilocos Sur), noong Hunyo 14, 1945. Iyon ang hudyat ng pagsuko ng Hapon at pagwawakas ng giyera sa Filipinas. 

Samantala, si Ricarte ay iginupo ng sakit na disenterya, at namatay sa Kalinga, Mt. Province noong Hulyo 31, 1945, sa edad na 78. Ang mga labi niya ay nadiskubre ng mga treasure hunters noong 1954 at inihimlay siya sa Libingan ng mga Bayani

Namatay sa Mt. Province (1945), natagpuan ang kaniyang mga labi at inilagak sa Libingan ng mga Bayani (1954); nilagyan ng National Historical Institute (NHI) ng memorial Marker (2002).

Noong Abril 2002, sa pamumuno ng beteranong historian na si Chairman Ambeth Ocampo ng National Historical Institute, ay nilagyan ng kaukulang Marker ang lugar na kinamatayan ni Heneral Artemio Ricarte.    

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *