Taytay ni Juan

Pahayag ng ProLIFE, Family and Life Apostolate — St. John the Baptist Parish (Taytay, Rizal) sa Feb. 2 launching ng ProLIFE month 2018


PEBRERO 2 ang pagdiriwang ng Candelaria. Ito ang Presentasyon ng Sanggol na si JESUS sa Altar ng templo ng Jerusalem. Si JESUS—ang BUHAY—ay isang signos na alay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Niloob ng Diyos na ang katubusan ay hatid ng Sanggol na dumaan sa pamamagitan ng PAMILYA.

Itinaas si JESUS—ang LIWANAG—upang maging ilaw at tanda ng kaligtasan o pagkapahamak ng napakarami (Luke 2:34). At nasa malayang pasiya ng bawa’t isa kung “alin ang pipiliin: ang mabuti o masama, ang BUHAY o kamatayan” (Deu. 30).

Paalala ito na ang BUHAY ay regalo sa atin ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang tao na kalarawan Niya (Genesis 1:27) sa pag-ibig at para sa pag-ibig. Kaloob sa atin ng Diyos ang isang buhay na ganap at kasiya-siya (John 10:10).

Responsibilidad nating igalang, pangalagaan at ipagtanggol ang BUHAY ng tao lalo na nang may pagkiling (preferential option) sa matatanda, mahihina, may-kapansanan, at mga batang nasa sinapupunan pa lamang ng ina.

Mula sa Diyos ang BUHAY. Kaya ang utos Niya ay “huwag kang papatay!” (Exodus 20:13) Ang abortion ay imoral dahil ito’y pagpatay. Kung pinapatay ng ina ang sariling anak sa kaniyang sinapupunan, huwag pagtakhan kung naisin ng anak na patayin din ang sarili niyang magulang kapag matatanda na sila; wala nang silbi, ulyanin at maysakit pa.

Ang kemikal na contraceptives ay pampalaglag o abortifacients. Napakaraming side effects. Pinsala ang dulot sa ina at lalo na sa batang nasa sinapupunan pa lamang. Ang mga batang aksidenteng nakaligtas sa abortion at contraception, paano kaya sila mamahalin ng mga taong sa umpisa pa’y nagtangka na sa kanilang buhay?

Masama ang layon ng birth-population control na ang tingin sa mga bata ay pabigat lamang sa buhay at sanhi ng paghihirap ng mundo. Ang kasakiman, pagsasamantala, katiwalian sa gobyerno, di-pantay na pakikinabang at paghahati-hati sa yaman ng mundo ang puno’t dulo ng pagdarahop at sigalot, himagsikan at digmaan.

Ang PAMILYA ang sandigan ng ating lipunan (basic unit of society). Sa Proclamation 214 ni Pres. Cory (1988) ay itinalaga na ang ikalawang linggo ng Pebrero ay pagdiriwang ng Respect and Care for Life Week. At ang buong buwan ng Pebrero naman ay ProLIFE month.

Ipinagtatanggol natin ang BUHAY at PAMILYA sa pag-atake ng Diablo at ng mga pwersa ng kadiliman. Kapag kinikitil ang BUHAY at winawasak ang PAMILYA, ay winawasak din ang ating lipunan at Simbahan. Pero hindi tayo papayag. Hindi tayo matitinag. Patatatagin tayo ng pananalig sa Poong Lumikha.

Ito’y pagpapahayag ng ating paninindigang moral at sibil na obligasyon bilang mga mananampalatayang Kristiano, at mamamayang Taytayeño at Filipino. 🙂

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *