Anunciacion sa Liturhiya—Totoong Marso 25 ang kapistahan ng Anunciacion. Pero magiging Abril 9 ang selebrasyon nito ngayong 2018.
Bakit nagkaganu’n? Ang Anunciacion ay palagi at dati nang ipinagdiriwang tuwing Marso 25, eksaktong siyam na buwan bago ipanganak ang Panginoong JesuCristo sa araw ng Pasko. At ito ang nasa ating kalendaryong pang-Liturhiya.
Ayon sa paggabay ng Santa Iglesia Katolika, ang selebrasyon ng Anunciacion ay inililipat sa ibang petsa kung ito’y matatapat sa araw ng Linggo sa panahon ng Kuwaresma, sa mga araw ng Semana Santa, o sa loob ng walong araw ng Pagkabuhay o Easter Octave. Ang ikawalong araw o unang Linggo mula sa Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday) ay itinakda bilang araw ng pagdiriwang ng Divine Mercy Sunday.
Kapag may mga ganitong pag-uusod ng petsa ng banal na pagdiriwang ay ipinaaalala sa atin na ang Paschal mystery o ang Pasyon-Kamatayan-Pagkabuhay ng Panginoon ang pinakasentro sa Liturhiya ng ating Pananampalataya. Mas pinatatampok ang Paschal mystery kaysa alinman sa lahat ng mga kapistahan sa ating Liturhiya. Dahil dito, itinuturing ng Santa Iglesia Katolika na ang mga Misa sa araw ng Linggo ng Kuwaresma, anumang araw sa Semana Santa, at anumang araw hanggang sa susunod pang Linggo pagkatapos ng Linggo ng Pagkabuhay ay lubhang napakahalaga. Sa gayon, kahit ang pagdiriwang ng araw ni Maria tulad ng Anunciacion, ay hindi maaaring ipamalit sa mga naturang araw.
Kaya kung matatapat ang Anunciacion sa araw ng Linggo sa buong panahon ng Kuwaresma bago mag-Linggo ng Palaspas ay ililipat ang petsa nito sa kasunod na araw ng Lunes. Ngunit kung matatapat sa Linggo ng Palaspas at sa alinmang mga araw ng Semana Santa hanggang sa Divine Mercy Sunday, ang pagdiriwang ng Anunciacion ay iuusod pa rin sa kasunod na unang araw ng Lunes pagkatapos ng Divine Mercy Sunday. At hayun, gayon nga ang nagyari.
Dahil ang Marso 25 ay natapat sa Palm Sunday ngayong 2018, ang pagdiriwang ng Anunciacion ay inilipat sa April 9, araw ng Lunes, kinabukasan ng Divine Mercy Sunday (Abril 8) ngayong taon ng 2018.
Cofradia de Annunciata (de Taytay)—Ito ang pinakamatandang samahang umiiral pa hanggang ngayon sa Taytay na itinatag noong 1878. Ang Cofradia ay magdiriwang ng kaniyang ika-140 na “kaarawan” o taon ng pagkakatatag ngayong 2018.
Ito rin ang araw ng ika-427 taon sapul nang ipagdiwang ni Padre Pedro Chirino noong 1591 ang kaniyang unang Misa bilang isang misyonero sa pamayanan ng mga katutubo ng Taytay sa baybayin ng Laguna de Bay. Ang Taytay ay naunang naitatag ng mga misyonerong Franciscano bilang isang pueblo o bayan noon pang 1579.
Si Padre Chirino ang naging unang kura parokong Jesuita ng Taytay. Sa panahon din niya naitatag ang unang Cofradia sa Taytay at Antipolo. Ang Cofradia o kapatiran ay naging katuwang ng Simbahan sa pagmiministeryo at pamamahalang sosyo-sibil sa pamayanan ng mga mananampalataya.
Hanggang sa kasalukuyan ay buhay-na-buhay pa rin ang tradisyon ng Cofradia at ang kaniyang debosyon sa Mahal na Virgen dela Anunciata sa Taytay at sa mga kanugnog na bayan ng Antipolo, Angono at Cainta.
May isang imahen ng Virgen dela Anunciata na nasa pangangalaga ng mga taga-Antipolo. May dalawa ang Angono nguni’t nasira ang isa noong panahon ng Hapon. Ang Cainta ay may isa pang iniingatan. Tatlo naman ang patuloy na pinagyayaman sa Taytay at iginagala ang mga iyon sa buong bayan tuwing Kuwaresma.
Ang mga taga-Cofradia ay naghahatid ng panalangin sa mga bahay-bahay, Sinasalubong naman ng mga tao at sabik na pinatutuloy sa kanilang mga tahanan ang “Inang Ciata” saka masuyong hinahaplos, taimtim na dinadasalan at binabasahan ng Pasyon.
Kahapon, Marso 12, pinagpala ang aming tahanan sa pagdalaw ng Mahal na “Inang Ciata”.