Taytay ni Juan

TAYTAY PA RIN

Itinatag ni Padre Juan de Plasencia ang pamayanan ng Taytay sa tabing lawa noong 1579. Sa pamumuno ng kura parokong si Padre Pablo de Jesus, itinalaga sa lilim ng patronahe ni San Juan Bautista noong 1583. Kaya nga’t ang Taytay ay naging Parokya ni San Juan Bautista.

Dahil madalas na binabaha, ang pamayanang Taytayeño at Simbahan nito ay inilikas sa mas mataas na lugar noong 1591. Katuwang ang apat na pinunong Datu ng mga Barangay noon.

At nang itayo ang unang simbahang-bato noong 1599, ang Taytay ay pinasinayaan bilang ‘San Juan del Monte’ (ang kahulugan ay San Juan sa bundok’). Pero mas pinili at nakasanayan ng mga tao na TAYTAY pa rin ang gamiting pangalan.

Ang Quiapo ay itinatag ni San Pedro Bautista (1586); at ang Liliw (1586) at Taytay (1579) naman ay ni Padre de Plasencia.

Ang foundation day at kapistahan ng Quiapo at Liliw ay tuwing 29 Agosto, araw ng solemnidad ng pagkamartir ng Patrong San Juan Bautista. Samantalang ang kapistahan ng Taytay ay 24 Hunyo, araw ng kapanganakan ng Patron.

Magkagayunman, pinanatili pa rin ng Taytay, Quiapo, at Liliw ang kanilang sinaunang pangalan kahima’t ipinangalan na ang Bayan at Simbahan kay San Juan Bautista.

 

  San Juan Bautista sa Taytay

‘YUNG IBA

May isang maliit na Baryo na pinangalanan ding San Juan del Monte’ noong 1590. Gaya ng mas malaking bayan ng Taytay, kapwa sila napasailalim muna sa distrito ng Visita Santa Ana de Sapa ng misyong Franciscano. Ang ‘San Juan del Monte’ na iyon ay ang San Juan City ngayon ng makasaysayang Himagsikan ng 1898 sa lugar ng ‘Pinaglabanan’.

Sa ibang dako naman, kinatha ni Jose Velasquez Palma ang tulang “Filipinas” sa Telbang (Nibaliw), Bayambang, Pangasinan (Agosto 1899). Ito ang naging liriko ng “Marcha Nacional Filipina”, ang himno ng rebolusyonaryong pamahalaan. Ang “Filipinas” na nasa wikang Español ay isinalin sa katutubong wikang Filipino. Ito ang ginawang lirko ngayon ng ating Pambansang Awit na “Lupang Hinirang.”

Hiniwalay ang Nibaliw sa Bayambang noong 24 Hunyo 1900, matapos ang Himagsikan. Tumindig ito bilang bagong Bayan o nagsasariling Municipio. Pinangalanang “Bautista” bilang tahas na parangal kay San Juan Bautista.

Marcha Nacional
Sagisag ng Bayan
Jose Palma, isang rebolusyonaryong musikero.

Kaya nga ba’t ang Taytay ay makasaysayan ang pinagmulan. Itinindig ang Municipio nito at idinambana si Jose Rizal, at si Inang Bayan na tangan ang Konstitusyon ng Rebolusyonaryong Republika sa Malolos. Ito ang kauna-unahang Republikang Konstitusyon sa historya ng buong Asya. Itinalaga ng RA 11014 ang araw ng Enero 23 bilang “Araw ng Unang Republika ng Pilipinas”.

Nasa harapan nito ang Simbahan ng San Juan Bautista at Plaza Libertad (‘Kalayaan’) matapos ang Himagsikan laban sa Kastila at giyera laban sa Kano; at muling itinayo sa pagkaguho matapos ang giyera laban sa Hapon.

Ang Taytay ay may marangal at mapanghimagsik na kaugnayan sa mga Bayang nasa patronahe ni San Juan Bautista, ang Biblikong Propetang laban sa kasamaan ng kaharian ni Herodes. Si Juan Bautista kasi ang “Tinig na sumisigaw sa Ilang”.

2020, winasak ng mga kampon ni Herodes ang Municipiong ito ng Taytay. Dahil dito, magbabalikwas ang diwa’t alaala ng mga bayani at makabayan upang itindig muli ang dangal ng Taytayeño laban sa mga tampalasang tiwali na nasa poder ng Municipiong Manila East at Capitoliong nagtraydor kay Rizal.

Mararangal at Mabubuting Taytayeño, panahon na!
Gising, lalaban tayo!

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *