Simbahan at Bayan pareho ang pinagmulan
Ang TAYTAY ay isang komunidad at Simbahang itinatag ng misyonerong Franciscano na si Padre Juan de Plasencia noong 1579. Sumibol ito sa baybayin ng Laguna de Bay.
Inilipat ang pamayanang ito ng humaliling Jesuitang kura paroko na si Padre Pedro Chirino sa mas mataas na lugar noong 1591. Dito itinayo ang unang simbahang-bato at pinasinayaan ang bayan sa pangalang San Juan del Monte noong 1599. Gayunman, mas kinasiyahan ng mga tao ang ngalang Taytay, at nanatili ito hanggang ngayon.
Sa pamayanang ito’y yumabong sa pagtutuwangan ng Simbahan at ng apat na Datu (pinunong katutubo) noong sinauna. Ito ang poblaciong-sibil na pinagmulan ng tinatawag natin ngayong Gitnang Bayan—kung saan ay nakakulumpon sa paligid ang Simbahan, Municipio, Plaza, Korte, eskwela, palengke, atbpa.
Ang Simbahan at Bayan ng Taytay ay pareho ng historyang pinagmulan; sabayan silang umunlad—relasyon nila’y symbiotic. Hindi iiral ang isa kung wala ang isa pa sa kanila.
Sa ibang dako, maliban sa bayan ng Taytay ay may isang mas maliit na komunidad na pinangalanan ding San Juan del Monte noong 1590. Ito’y isang baryo na sakop rin ng Distrito ng Santa Ana de Sapa; naging encomienda iyon kasunod ng mas malaking Taytay. Kaya lumitaw noon na nagkaroon ng dalawang San Juan del Monte sakop ng hurisdiksyon ng Santa Ana de Sapa.
Ang Taytay bilang encomienda ay may 500-katutubo noong 1582. May 400-kabahayan sa Taytay, at 100 lamang kumpara sa Antipolo noong 1591. Sa taon ding iyon, ang Taytay ay may 600-tributantes at 2,400–3,000 na naninirahan.
Nang ilathala ni Padre Felix de Huerta ang kaniyang aklat pangkasaysayan na Estado Geografico (1855 at 1865), ang naturang San Juan del Monte na dating baryo noong 1590 ay isa nang ganap na Bayan kagaya ng mas naunang Taytay noong 1579.
Ang unang simbahan at convento na itinayo sa San Juan del Monte noong 1616 ay tinawag na Domus de San Juan del Monte (Tahanan ni San Juan sa Bundok). Ito ang naging Sanctuario del Sto. Cristo Parish noong 1942. Nauna rito, nahiwalay ito sa Mandaluyong (Parokya ni San Felipe Neri) at nagkaroon ng sariling parokya; pero hindi sa Sanctuario kundi sa Pinaglabanan noong 1892. Ito ay naging isa ring Parokya ni San Juan Bautista.
Ang baryong San Juan del Monte (1590) ay San Juan City ngayon, ang pinakamaliit na siyudad ng Metro Manila. Naroon ang Pinaglabanan, ang pook ng pinagsimulan ng bugso ng Himagsikang Filipino noong 1896.
Samantala, ang Bayan nating unang itinatag noong 1579 na inilipat at pinasinayaang “San Juan del Monte” noong 1599, ay nahirating tawagin ng taumbayan na “Taytay“ magpahanggang ngayon. At iyon pa rin ang mismong buról na kinatitindigan ng Simbahan ng Taytay.
Ang San Juan City ay mula’t sapol pa’y itinatag na “isang bayang nasa bundok.” Ang Taytay ay inilikas lamang mula sa lugar na “madalas na binabaha”—ang malawak na Lupang Arenda ngayon. Kapwa sila nagdiriwang ng kapistahan ng pareho nilang patron na si San Juan Bautista tuwing ika-24 ng Hunyo.
FIESTA?
Ang Taytay ay mas naunang naitatag bilang isang Bayan o pueblo noong 1579. Pero hanggang ngayon, ang pamahalaang-sibil o Municipio ay wala pa ring malinaw na deklaradong foundation day o araw ng pagkakatatag ng bayan bilang isang entidad na sibil-pulitikal.
Ngunit para sa Simbahan—ang Parokya ni San Juan Bautista—ang foundation day ng Taytay ay ang mismong taon ng pagkakatatag nito bilang isang bayan o pueblo noong 1579. At ang pagdiriwang nito’y nakasusog sa tradisyunal na kaarawan ng dakilang Patrong San Juan Bautista tuwing Hunyo 24. Ganito naman kasi ang karaniwang batayan at kaugalian sa buong Filipinas.
Dahil sa tradisyong basaan-ng-tubig sa sagradong okasyong ito, kinagisnan na ng mga nagdaang henerasyon ng Taytayeño na bansagan itong “San Juan Paligo” bilang pag-alaala sa paligong-binyag ng Patrong San Juan sa Ilog Jordan.
Ang founder ng Taytay ay si Padre Juan de Plasencia. Naglayag siya mula sa España kasama ng iba pang misyonerong Franciscano patungo sa Filipinas noong 24 Hunyo 1577. Araw iyon ng kapistahan ng pagsilang ni San Juan Bautista, ang pinagkunan ng kaniyang pangalan sa kabinyagan.
Gayunman, ang Taytay ay nagkaroon ng “dalawang kapistahan”—ang pista ni San Juan Bautista, at ang isa pa’y tuwing ikatlong Linggo ng Pebrero na sinimulang ilunsad ng pamahalaang-Bayan noong termino ni Mayor Gody Valera (1988-1998). May 30 taon na ang festival na ito ng kabuhayan at industriya sa Taytay na ngayo’y binansagang “Hamba-Makina-Kasuotan” (HAMAKA).
Kaya lumitaw na magkaiba at magkahiwalay ang pagdiriwang na pangSimbahan at pangsibil sa Taytay. Dahil dito’y nilinaw ni Fr. Ben Guevara, ang Kura Paroko ng Taytay (1997-2006), na ang “Kapistahan ng Taytay” ay ang selebrasyon ng Patrong San Juan Bautista.
Ang “Hamaka” naman ay itinuturing na “Araw ng Pasasalamat” ng pamayanang-sibil. Pero nakalulungkot isiping wala pa ring pagkilala at pagtukoy ang Municipio sa mas higit na esensiyal: kung kailan ang foundation day ng Taytay.
Ang Simbahan at Bayan ng Taytay ay pareho at sabay ang historyang pinagmulan. Pero kung yung isa’y hindi alam ang pinagmulan, saan naman kaya ang patutunguhan?