Taytay ni Juan

O, Birheng Dolorosa, aming inang sinta


Ang
Our Lady of Dolours, o Mother of Sorrows (Latin: Mater Dolorosa), at Our Lady of the Seven Dolours ay mga pangalang inilalapat sa Birheng Maria, ang ina ng Panginoong Jesus, kaugnay ng mga pagdurusa sa buhay. 

Ayon sa eklesiyal na historya, ang pagdiriwang ng kapistahan ng Pitong Hapis ni Maria (Seven Dolours of Mary) ay tuwing ikatlong Linggo ng Setyembre. Pinasimulan ito ng grupong Servants of Mary noong 1668. Binago ni Pope Innocent XII ang ngalan ng pistang ito bilang Inang Dolorosa (Mater Dolorosa) noong 1692.

Gayunman, ang kapistahan ay inilipat sa araw ng Viernes Dolores noong 1714. Pinalawak naman ito ni Pope Pius VII sa buong Simbahang Katolika nang itala ito sa Liturgical Calendar noong 1814.

Noong 1913 ay pirmihang itinakda ni Pope Pius X ang kapistahan ng Mahal na Inang Dolorosa (Mater Dolorosa) tuwing ika-15 ng Setyembre bilang pagtatanghal sa partisipasyon ng Birheng Maria sa pagpapakasakit ni Jesus. Kasunod ito ng pistang araw ng Pagtatagumpay ng Krus (Triumph of the Cross) tuwing bisperas, ika-14 ng Setyembre.

Ang debosyon sa Birheng Dolorosa ay masigasig na ipinalaganap nang dumating ang mga misyonerong Franciscano at Dominicano sa kapuluan ng Filipinas. Partikular sa Taytay, ayon mismo sa naging unang Jesuitang kura paroko dito na si Padre Pedro Chirino (1591), noong kaniyang kapanahunan ay inaawit ng pamayanan ang Salve Regina para sa Mahal na Birhen tuwing araw ng Viernes, at may ginaganap pang pagsesermon sa simbahan ng Parokya. 

At nagpatuloy ang paglago ng pagdedebosyon sa Birheng Dolorosa sa Taytay. Maging ang baryong lokasyon ng Kapilyang itinayo bilang dambana ng Birheng Dolorosa ay ipinangalan sa kaniyang karangalan. Ang misteryosong imahen ng Dolorosa ay natagpuan sa isang ilog noong 1875 sa panahon ni Padre Esteban Martinez de San Antonio de Padua, ang kura paroko sa Taytay noong 1874-1879.

Samantala, sa kapanahunan ding ito, ang Banda Uno Malaya ay naitatag noong 1875. Ito ang kauna-unahang naitatag na pangkomunidad na banda musika sa Taytay (community band), at marahil ay pati na sa buong bansa.

Sa taimtim na pagninilay, mauunawang ang pasyon ng Kristong manunubos ay siya ring dusa’t hapis ng Inang Dolorosa. Mula noong 1950 hanggang 1990, naging tradisyon sa Taytay na ang Sto. Niño de la Pacion [Cristo] na idinambana sa burol ng Tanawan sa Baryo Dolores ay palaging sinusundo sa mga natatanging okasyon para pumisan sa dambanang kapilya ng Inang Dolorosa na nasa poblacion.

Kabilang ding napasusundo ang sinaunang imahe ni San Josef at San Roque sa magiliw na saliw ng mga tugtog ng Banda Uno Malaya. Naging ritwal na ang pag-akampanya ng banda musika sa tuwing may pagdiriwang ng mga Patron ng Simbahan at “santong alaga” ng mga samahang relihiyoso.  

Sa ilang pili at natatanging okasyon lamang nagdaraos ng Banal na Misa sa Kapilya ng Dolores noong dekada ‘60. Karaniwang nagmi-Misa lamang doon tuwing Viernes Santo, araw ng Kapanganakan ni Maria (Setyembre 8), Inmaculada Concepcion (Disyembre 8). Dahil sa kahilingan ng mga deboto, kalaunan ay ipinagkaloob ang regular na serbiyo ng pagmi-Misa tuwing araw ng Viernes

Gayunman, minarapat ng kinauukulan na ang Viernes Santo ay ilaan lamang para sa lahatang pagmimisa sa Parokya ng San Juan Bautista na kinasasakupan ng Kapilya ng Dolores; ito rin ang araw ng paglalaan para sa tradisyunal na prusisyon ng Mahal na AMBA (Santo Entierro).

Samantala, dati-rati ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Kapilya ng Dolores tuwing araw ng Viernes Dolores, ang huling Viernes bago mag-Semana Santa. Ito ay minarapat na baguhin sa panahon ni Fr. Bienvenido “Ben” Guevara, ang kura paroko noong 1997-2006. Ipinatupad ang pagdiriwang ng kapistahan tuwing Setyembre 15 alinsunod sa Liturgical Calendar ng Simbahang Katolika.

Magkagayon man, hindi nilayon na ipagbawal ang pagdiriwang ng Viernes Dolores. May mahigpit lamang itong paalala na ipinagpapabawal ang  pagkain ng karne na nasa styrofoam na kadalasang handa sa naturang okasyon; dahil ang Viernes ay araw ng abstinensiya sa buong panahon ng Kuwaresma.

Ang mga kaugnay na pagbabago sa pagdiriwang sa Kapilya ng Birheng Dolores ay niyakap rin maging ng komunidad-pangsibil ng Baryo Dolores. Ang taimtim at masugid na debosyon ng Taytayeño, at maging ng mga taga-ibang bayan ay nakaukit na sa kasaysayan ng bayan, at lalo’t higit sa puso’t kaluluwa ng mga deboto ng Mahal na Inang Birheng Dolorosa at ng tanang mananampalataya.

Viva la VIRGEN DOLOROSA!
TAYTAY, pueblo amante de MARIA!

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *