Taytay ni Juan

‘Domus Dei et Porta Caeli’

 

ANG ARKONG bungad ng Simbahan ng St. John the Baptist Parish (Parroquia de San Juan Bautista) sa Taytay ay may bagong inskripsyon. Ang nasusulat ay nasa wikang Latin: ‘Domus Dei et Porta Caeli.’ Ang kahulugan nito’y ‘Tahanan ng Diyos at Pinto ng Langit.’

 

PROPETIKO
ANG Domus Dei et Porta Caeli’ ay sadyang matutunghayan sa Biblia Vulgāta. Nakasaad dito na “…non est hic aliud nisi domus Dei et porta caeli…” (Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan―Genesis 28:17)

Ang Biblia Vulgāta ay ang translasyon sa wikang Latin mula sa Hebreo ni St. Jerome noong ika-4 na siglo (382 AD). Ito ang naging opisyal na bersyong-Latin na prinoklama ng Simbahang Katolika noong ika-16 na siglo.

Sa kapanahunan ding iyon ay dumating ang Kristiyanismo sa Filipinas noong 1521, halos 500 daang taon na ang nakalipas. Itinatag naman ang Maynila bilang cabicerang ciudad ng buong kapuluan noong 1571. At ang mga tao sa Taytay ay tinipon ng mga misyonerong Franciscanong Padre at ipinundar nila bilang isang Simbahan at bayan noong 1579.

Kaugnay nito’y napag-alaman natin na mula pa noong sinauna, ang kahulugan ng Taytay ay katumbas ng salitang “tulay” sa iba’t ibang katutubong wika natin.

<panoorin: Etimolohiya–Taytay>

Hinggil sa Biblikong eksenang kinapapalooban ng ‘Domus Dei et Porta Caeli’ ay narito ang komento mula sa Biblia ng Sambayanang Pilipino (Katolikong Edisyong Pastoral, 1990, 1998): “Nakita ni Jacob na bukas ang pinto ng langit at bumubuo ng buháy na tulay ang mga anghel ng Diyos na nag-uugnay sa pagitan ng langit at lupa. Ito ay paglalarawan ng pakikipagniig sa Diyos na bigong hinahanap ng mga tao sa iba’t iba nilang relihiyon…”

Ipinaliwanag pa nito na “ayon sa Juan 1:15, si Kristo ang tanging tulay sa pagitan ng Diyos at ng mga tao. Ang Anak ng Diyos na naging tao, tunay at parehong Diyos at tao… Si Jesus mismo ang Pinto ng Langit, dahil sa kaniya niyakap ng Diyos ang sangkatauhan.”

INSPIRADO NG ESPIRITU
TUGMA at angkop ang hinubog na inskripsyon sa bungad ng main door ng Simbahan. Lalo ngayong panahon ng pandemya, agad nating maiisip na ito na nga marahil ang kaukulang titulong tawag sa atin bilang ‘Simbahang nag-aalok ng kapanatagan at aliw’ sa mga nabibigatan (lalo na para sa mga seniors na katulad ko 🙂 na 6-buwan nang kinulong ng lockdown at pinagbawalan pang pumasok ng Simbahan); at sa mga relihiyosong tumatawid sa hangganan-ng-buhay habang sila’y pumapasok sa bahay-dalanginan. Tayo ang sambayanang naglalakbay (pilgrim people), ang mga anawim  na nagdurusa’t hikahos, nasa laylayan ng lipunan, mga kapus-palad, at pobre sa espiritu.

Sa lahat ng ito, yakapin natin ang turo ni San Agustin: “Panalangin ang susi sa pagbukas ng pintuan ng langit para sa mga nagdurusang kaluluwa.”

“Si Maria ang Pintuan ng mga pobre sa espiritu” ng 
St. John the Baptist Parish Church sa Longos-Kalayaan, Laguna.
Sa eksenang ito ng “Visitacion” ni Maria (nasa kanang panel ng pinto) kay Elizabeth (nasa kaliwang panel) ay
buong galak ding nagtagpo sina Jesus at Juan Bautista.
(Paumanhin po, may bahagi ng larawan na sinikap retokehin para sa mainam na presentasyon.)

INANG MARIA, PINTO NG LANGIT
ANG TITULONG Domus Dei et Porta Caeli’ ay minamarapat ding italaga sa “Mahal na Inang Maria.” Siya ang “Pinto ng Langit” dahil pinili ng Panginoong Jesus na pumarito sa ating piling sa pamamagitan ni Maria.

Si Maria ang huwarang anawim ng Diyos. Buong kababaan ang loob at pananalig niya sa Panginoon (magnificat). Sa paglalakbay niya para sa pagbisita kay Elizabeth (visitacion) ay unang nag-krus ang landas nina Jesus at Juan Bautista na “tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon.” Kapwa silang nasa sinapupunan pa lamang ng kanilang mga banal na Ina.

Lubos ang pananalig ni Blessed John Henry Newman na “sa pamamagitan ni Maria ay dumaan ang Panginoon mula sa langit patungo sa lupa.”

Katulad ito ng walang maliw na pagsampalataya ni San Buenaventura na “walang makapapasok sa kalangitan nang hindi dumaraan sa Mahal na Ina.”

Sa masidhing debosyon ni St. Louis de Montfort, gayon na lamang ang kaniyang masuyong panambitan na “To Jesus through Mary.” Kaya ganito rin kaalab ang masintahing pagsusumamo ng mga alagad ng Militia Immaculatæ ni St. Maximilian Kolbe, at ng mga espirituwal na kawal ng Legion of Mary.

Di nga ba’t sa paanan ng Krus, si Juan (Ebanghelista) na katulad nating tagasunod ni Jesus, ay inihabilin Niya sa Kaniyang Ina, ang espirituwal na ina nating lahat? (Juan 19:25-27)

Anupa’t magmula noon, si Mariang Ina ay kaagapay natin bilang Simbahang naglalakbay (Church militant, Ecclesia militans), kahit ngayon sa panahon ng kahirapan at mapamuksang pandemya, at hanggang sa wakas-ng-panahon sa kaganapan ng ‘Matagumpay-na-Simbahan’ (Church Triumphant, Ecclesia triumphans) na nasa kaluwalhatian ng langit.

Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo ay humayo ang Simbahang itinatag ni Kristo mula sa mga Apostoles upang ipahayag ang Mabuting Balita sa lahat ng sulok ng mundo. At nakatawid hanggang dito sa Taytay mula pa noong 1579.

Patuloy ang buhay, patuloy ang paglalakbay. Narito ang ‘tulay’ sa Taytayang ‘Domus Dei et Porta Caeli’.

 

      • Postscript — 3:33 pm (Sunday Nov. 1),  sa kalagitnaan ng pagsusulat ko ng blog na ito at kasagsagan pati ng pananalasa ng super-Bagyong ‘Rolly’ kahapon, ay nakikipag-chat ako sa St. John the Baptist Parish sa Longos. Nagkataon kasing nakita kong nasa-FB na pala sila 🙂 . Salamat sa tamang impormasyon hinggil sa “main door ng kanilang Simbahan, ang eksenang pagtatagpo nina Maria at Elizabeth.” Dahil dito, may erratum po sa blog: “Pilgrimage” noong March 28, 2019; at siyempre naagapan pati ang mismong artikulong ito. Salamat sa Diyos, benedictus Deus.

 

 

 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *