GOD, gold, glory.‘Yun ang layunin ng pagsakop ng Kastila sa ating bansa ayon sa mga history books sa eskwelahan. Pero napakarami pang nasa likod ng tatlong salitang iyon ang hindi pa lubos na nabubunyag. Kaya heto, share ko sa inyo.
Dahil sa habilin
Sinakop ng mga Kastila ang Filipinas upang tupdin ang habilin ni Reyna Isabella I ng España, isang debotong Katoliko, bago siya yumao. Ipagkakaloob niya ang lahat ng kaniyang kayamanan para maging Kristiano ang Indies [Timog-Silangang Asya–Filipinas, Marianas, Carolines, Palao and Guam, parte ng Formosa (Taiwan), Sulawesi (Celebes) at Moluccas]. Ngunit taliwas dito ang paniniwala at pangarap ng apo niyang si Carlos I na ang nasa isip ay makuha ang Filipinas upang maragdagan pa ang kayamanan ng Kaharian ng España.
Si Felipe II (1556–1598), ang prinsipe ng Asturias na tagapagmanang hari ng España ang tumupad sa habilin ng reyna.
Ngunit noong mga unang taon ng 1600 ay napagtanto ng humaliling hari na si Felipe III (1598-1621) na nasasaid lamang ang kabang-yaman ng España sa patuloy na pagtustos sa misyon sa Filipinas. [1]
Dahil dito, nagdekreto si Felipe III noong 1619 na abandonahin na ang Filipinas. Kaya ang nakayapak na Franciscanong si Padre Fernando de Moraga, na kura paroko ng Dilao (Paco, Santa Ana de Sapa; dating kabilang ang Taytay sa malawak na Santa Ana de Sapa), ay naglakbay pabalik sa España sa kabila ng kaniyang katandaan at mahinang kalusugan. Matagumpay niyang kinumbinsi ang Hari na bawiin ang nasabing kautusan “alang-alang sa Kristianismo.” Ang tugon ng Hari: “Humayo kang kasama ng Diyos, Padre de Moraga, upang walang makapagsabing iniwan ko ang ipinagwagi ng aking ama.” [2]
Kaya si Padre de Moraga ay itinuring na “Tagasagip ng Filipinas.” [3]
Unang ipinangalan kay San Lazaro
Ang explorer na si Ferdinand Magellan ang kinilalang nakadiskubre sa Filipinas. Gayunman, mas naunang natagpuan ng kaniyang ekspedisyon ang Isla Ladrones (Marianas o Guam). Sampung araw kasunod nito, ang Homonhon (Samar) naman noong March 16, 1521, bisperas ng kapistahan ni San Lazaro ng Betania ayon sa tradisyon ng mga Simbahang Silanganan (Eastern Churches). Kaya pinangalanan ito ni Magellan na Las Islas de San Lazaro (Kapuluan ng San Lazaro).
Napatay man si Magellan sa Mactan, nauna munang naitarak niya ang Krus sa Limasawa (Leyte); doo’y ipinagdiwang ang kauna-unahang Banal na Misa noong Marso 31, 1521. Makalipas ang labing-apat na araw, ang Pagbibinyag naman kay Raja Humabon bilang “Carlos” at sa asawa niyang si Reyna Humamay (Amihan) sa pangalanag “Juana” sa Cebu noong Abril 14, 1521; sa okasyon iyon naman inihandog ni Magellan ang imahen ng Sto. Niño kay Juana.
Napatay si Magellan sa Mactan noong Abril 27, 1521. Gayunman, ligtas at matagumpay na nakabalik sa España si Antonio Pigafetta, ang historyador-tagasulat na kanang-kamay ni Magellan. At nagpatuloy na naipakilala sa buong Europa ang kapuluan natin sa pangalang Archiepelago de San Lazaro.
Makalipas ang 22-taon mula kay Magellan, sumunod na dumating ang ekspedisyon na pinamunuan ni Ruy López de Villalobos sa Leyte at Samar noong Pebrero 2, 1543. Pinangalanan niya itong Felipinas bilang parangal kay Felipe II, ang nakatakdang Hari ng España. Kalaunan, pati ang buong archiepelago ay kinilala na rin bilang Felipinas o Filipinas bagama’t hindi pa nadidiskubre noon ang kalakhang Luzon.
Gayunpaman, para sa mga prayleng Agustino, ang kapuluan ay itinala nila bilang Fernandina Archipelagus Sancti Lazari (“Kapuluang San Lazaro ni Fernando Magallanes”) na makikita sa ginawa nilang mapa na Insularum Philippinarum noong 1639.
Perlas ng Silangan
Batay sa Laguna Copperplate Inscription ng 900 AD, [4] may nagaganap nang pakikipagkalakalan noon sa mga dayuhan bago pa man dumating sa atin ang Kastila. Gayunman, sa kabila ng mga barkong pangkalakal na paroo’t parito sa atin mula sa Siam, China, Java at Arabia, wala man lamang tayong barko na humayo sa ibayong bansa.
Makalipas ang 18-taon mula kay Villalobos, dumating naman ang grupo ni Adelantado Miguel López de Legaspi sa Cebu noong 1565. Kasama niya ang 64-taong gulang na paring Agustino na si Andres de Urdaneta, isang bihasa at beteranong manlalayag. Natuklasan ni Padre Urdaneta ang ruta sa Dagat Pasifico at iginuhit niya sa mapa ng mundo ang landas ng Filipinas patungong Acapulco, Mexico—ang naging ruta ng galleon trade.
Ang Manila-Acapulco galleon trade , ang nagbukas at naglagay sa Filipinas sa sentro ng pakikipagkalakalan sa pandaigdigang saklaw (1565-1815).
Dinala rito ng Kastila ang kanilang sibilisasyon: kaalaman sa simpleng makinarya, ang pagpakilala ng agrikultura at inangkat na mga bagong pananim (agricultural crops) at kalabaw, ang pagtatag ng industriya at komersiyo, kasanayan sa arkitektura, sining, literatura, pamamahalang sibil, at iba pa. At higit sa lahat ay ang Kristianismo.
Sa tinamong kaningningan ng Filipinas, binansagan ito bilang “Perla Del Mar De Oriente” o “Perlas ng dagat sa Silangan” (Pearl of the Orient Seas) ng historyador na Jesuitang si Padre Juan J. Delgado noong 1751. Sinambit din ni Jose Rizal ang “Perla Del Mar De Oriente” sa kaniyang “Mi Ultimo Adios” (Huling Paalam) noong 1896, bisperas ng pagpatay sa kaniya sa Bagumbayan.
Sa kabilang dako, sinulat ni Jose Palma ng Kilusang Propaganda ang tulang “Filipinas” na siyang naging liriko ng awit ng himagsikan noong 1898. Naisatitik dito ang “Hija del sol de oriente” (Anak ng Araw sa Silangan). Ito nama’y naging “Perlas ng Silanganan” sa kasalukuyang translasyon ng ating Pambansang Awit.[5]
Ang Filipinas ay tinawag din noon na el Estado Filipino o kaya’y la capitania general de Filipinas. Nasa ilalim ito ng Mexico Viceroyal o Virreynato de Nueva España noong 1565-1821. Kahit nag-alsa at naging independiente na ang Mexico noong 1821 ay mas pinili pa ng mga (lider) Filipino ang manatili sa ilalim ng España. Kaya kung tutuusin, kailanman ay hindi naging kolonya ng Kastila ang Filipinas, kundi isang probinsiya lamang o Provincia de Ultramar. Ang pamamahala ay direktang nasa ilalim pa rin ng Hari ng España.
Sa huli’y nag-alsa ang Filipinas laban sa Kastila. Noong Enero 23, 1899 ay itinatag ang Unang Republika (Malolos Republic). Ito ang “Unang Republikang Konstitusyonal sa Asya.” Ang konstitusyon ay may-titulong “Constitución Política de la Republica Filipina”. Isinulat ito sa purong wikang Español; ang estilo at padron nito’y ang mismong Konstitusyong Cadiz ng España ng 1812. [6]
Kahit pa ginawang kontra-bida ang mga misyonerong prayle sa kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo—sa kaniyang huling araw bago mamatay—ay nagbalik-loob si Jose Rizal at tumanggap ng Sakramento ng Kumpisal. Muli niyang hinawakan ang Rosaryo at sa mga huling sandali’y sinariwa ang debosyon nilang mag-ina sa Mahal na Birhen ng Antipolo.
Samantala, sa kabila ng lahat ng alingasngas at kalituhan sa kasaysayan, ang Pananampalatayang Katoliko na dinala rito ng Kastila ay siyang nananatiling pinakamalapit sa puso ng karamihan sa ating mga Filipino.
Bayan kong mahal, sumibol sa Silangan. Filipinas ang pangalan.
[1] J.H. Elliott (2002). Imperial Spain 1469–1716 (Repr. ed.). London [u.a.]: Penguin Books. pp. 285–291.
[2] Eusebio Gomez Platero. “Catalogo Biografico de los Religiosos Franciscanos de la Provincia de San Gregorio Magno de Filipinas desde 1577 en que Llegaron los Primeros hasta las de nuestras Dias”. 1880
[3] Visitacion de la Torre. Landmarks of Manila: 1571-1930. Filipinas Foundation, Inc. Makati. 1981; p. 204.
[4] https://en.wikipedia.org/wiki/Laguna_Copperplate_Inscription,
[5] Ambeth R. Ocampo (1995). Mabini’s Ghost. Pasig City, Philippines: Anvil Publishing
[6] Sulpicio Guevara, editor. (2005). The laws of the first Philippine Republic (The laws of Malolos)1898-1899. Ann Arbor, Michigan: University of Michigan Library (published 1972). pp. 104-119. (English translation by Sulpicio Guevara)
First Posted 8 Feb 2017 as Mapa at Historya (part 3); Current post edited