GomBurZa: inspirasyon sa adhikang
sekularisasyon, Filipinismo
Sina Padre Mariano Gomes, Jose Burgos, at Jacinto Zamora ang binansagang “GomBurZa.” Sila ang mga paring sekular na naglayon ng mga repormang panlipunan, at Filipinisasyon ng Simbahang Katolika sa ating bansa.
Biktima sila ng red-tagging at di-makatarungang isinangkot sa Cavite Mutiny—ang nabigong pag-aalsa ng mga tropang Filipino at manggagawa sa arsenal ng Cavite noong Enero 20, 1872.
Ginawang dahilan ito ng pamahalaang Kastila sa kanilang marahas na panunupil. Idinamay lamang ang GomBurZa kahit ang totoong nanligalig ay ang mga Mason. Ang gobernador-heneral noon ay si Rafael Izquierdo na isa ring Mason at kilala sa pagiging “kamay-na-bakal.”
Convicted ang GomBurZa bilang mga filibustero o subersibo-insurekto. Hinatulan sila ng kamatayan. Ginarote sa Bagumbayan (Luneta) na sinaksihan ng 40,000 mga tao na nagmula pa sa mga lalawigang Katagalugan—Pampamga, Bulacan, La Laguna at Batangas.
Samantala, ang Kastilang Arsobispo ng Maynila na si Gregorio Meliton Martinez ng Maynila, ay tumanggi sa nais ni Gobernador Izquierdo na hubaran ng sutana ang GomBurZa sa pagharap nila sa bitayan noong Pebrero 17, 1872.
Pinanindigan ng Arsobispo ang pagiging inosente ng 3-paring kondenado. Wala silang nilabag na anumang batas at maging sa Canon Law ng Simbahan Katolika. Ipinag-utos pa ng Arsobispo na patunugin ng bawat Simbahan ang kani-kanilang kampana bilang luksang-parangal sa sandali ng pagbitay sa kanila.
Ang kasaysayan ng GomBurZa noong 1872 ang kauna-unahang nagpakita na maaaring maging makabayan ang mga Filipino kahit sa panahon ng pananakop ng Kastila, habang nananatili silang nakapaloob at tapat sa opisyal na doktrina ng Simbahang Katolika. Ang mga paring GomBurZa ay nanatiling nakapaloob sa Simbahan habang naninindigan sa karapatan ng mga creole, mestizo, at Indio.
Pinagbagong-anyo nito ang pangrelihiyong pakikibaka ng mga pari tungong pambansang pakikibaka. Ano pa nga ba’t sa mismong lugar ding iyon at lupang kinamartiran ng GomBurZa (sa Bagumbayan) ay doon din ang kinalugmukan ng dakilang bayaning si Dr. Jose Rizal.
Namatay silang mga martir. Sumibol at nagpapatuloy pa rin ang makabayan nilang simulain, ang pakikibaka para sa igualidad (equalidad), katarungan, at nasyonalismong Filipino o Filipinismo.
Ang inspirasyong pinag-alab ng pagkamartir ng GomBurZa ay nasusulat sa dugo ay patuloy na nabubuhay. Gaya ng tinuran ni Rizal na dakila ring martir: “NON OMNIS MORIAR—hindi ang lahat sa akin ay mamamatay!”
Dalawang aklat ang isinulat ni DR. JOSE RIZAL—ang NOLI ME TANGERE at EL FILIBUSTERISMO. Ang EL FILIBUSTERISMO ay inalay ni Rizal sa GomBurZa. Ang larawan nilang 3-martir ang cover ng libro.
Makasaysayan ito at nagpaalab ng diwang nasyonalismo sa tanang Filipino. Kalauna’y naging inspirasyon ang mga ito sa pagsisimula ng himagsikan laban sa kolonyalistang Kastila.
Malawak ang naging epekto nito sa ating pambansang identidad, impluwensiya sa pananampalataya, usapin ng korupsyon sa gobyerno, at pang-aabuso sa kapangyarihan.