Taytay ni Juan

 

PASKO na, sinta ko!

 

ANG PASKO ay isang dakilang araw ng pagdiriwang. Nagtatanghal ito ng buhay, ng pagsilang ng sanggol. Pero, kakaiba ang Sanggol na ito na ipinagbubunyi natin.

Siya ay Diyos! Sa kabila ng Kaniyang kaluwalhatian at kapangyarihan ay pinili pa’ng maging hamak at isilang bilang karaniwang tao lamang.

Kaya, tulad nating mga taong mortal ay dinanas din Niya ang ligaya at dusa, nasubok sa “totoong buhay sa laman.” “Tinaglay ang lahat-lahat ng katangian at kahinaan ng pagiging-tao, maliban lamang sa kasalanan” (Hebreo 4:15; Gaudium et Spes, 1965).

Maging ang Birheng Maria ay nalagay sa pagsubok ang kaniyang pananalig sa Diyos: tanggapin kaya niya ang nakakabagabag na pagdadalantao sa isang Sanggol sang-ayon sa ibinalita ng Anghel Gabriel? Baka siya’y mapahamak; kahihiyan at may parusang laan sa “makasalanang babae na magdalang-tao kahit wala pang asawa.” 

May pangamba man, ang tugon ni Maria ay “Yes.” Dagli siyang nagpuri sa Panginoon at umawit ng kaniyang Magnificat!

Nalagay rin sa alanganin ang butihing si Jose. Akuin din kaya niyang maging tatay ni Jesus na noo’y ipinaglilihi na ni Maria na hindi pa naman niya napapangasawa? May agam-agam sa umpisa, pero “Yes” din ang tugon niya para maging esposo ni Maria. Napagtanto ni Jose na iyon ay banal na paghirang sa kaniya ng Poong Maykapal.

Ay! Sa sinapupunan pa lamang ni Maria ay may banta nang panganib mula kay haring Herodes. May propesiya na “mula sa Betlehem ay may ipanganganak na maghahari sa sambayanang Israel” (Micah 5:1). Kaya ang kasunod nito’y ang pagtakas ng Sagrada Familia patungong Ehipto dahil gustong paslangin ni Herodes ang sanggol na si Jesus, at dadanak ang dugo ng napakarami pang niños inocentes (Mateo 2:13-16).

Pagtakas patungong Egypt. Mabibigo ang Diablo sa pagpaslang sa Sanggol na Mesiyas. At ang propesiya ng Mahal na Birhen ng Fatima ay: “My Immacuate Heart will triunph in the end.” Gaya ng ng nasusulat na, “dudurugin ng Babae ang ulo ng ahas” (Genesis 3:15)

Ipinakikita ng Sanggol na si Kristo (Pahayag 12) ang signos ng bawat sanggol—lalo na ng mga walang kalaban-laban—na nanganganib ang buhay. Mula pa lamang sa sinapupunan at pagsilang, sa paglaki, at hanggang doon sa Kalbaryo, si Jesus ay tinugis na ng mga pag-uusig at banta ng kamatayan. Lumatay rin ito sa mga nagmamahal sa Kaniya—kina Tatay Jose at Nanay Maria, ang Kaniyang Pamilya.

Tularan natin ang Banal na Pamilya ng Nazareth sa pagtatanggol nila sa Buhay at Pamilya—ang daluyan ng pag-ibig, pag-asa, at pananampalataya. Sila ang huwarang nagpapakita na ang ating kaligtasan sa ibabaw ng mundong makasalanan ay daraan sa pamamagitan ng Pamilyang pinababanal ng Diyos. Tularan natin ang kanilang buklod at pagmamahalan, ang pagsunod sa mga utos ng Diyos sa ating pang-araw-araw na pamumuhay bilang mga responsableng magulang at miyembro ng pamilya.

Niloob ng Diyos na ang Pasko ay maging selebrasyong nagtatanghal sa Buhay, Pamilya, at Kasal. Ang Diyos ay hindi lamang basta Ama na siyang pinanggagalingan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa” (Efeso 3:14-15) kundi isa ring Anak na nagkatawang-tao (incarnation) na nabibilang sa Banal na Pamilya nina Jose at Maria. Isang komunidad at buklod ng pag-ibig.

Ang Buhay ang pinakamahalagang regalo sa atin ng Diyos. Nakikibahagi ang tao sa dakilang gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng buhay o pag-aanak (procreation, transmission of life). “Ang pagbubuklod ng mga buhay (mga tao) sa Pamilya ay tanda ng pag-ibig sa atin ng Diyos at kaligtasan ng sanlibutan” (Pope John Paul II, Familiaris Consortio).

May Pasko dahil may Kristong ipinanganak. May Kristong nakibahagi sa buhay ng tao, inaruga ng isang ina mula sa sinapupunan hanggang sa paglaki. May Kristong nakibahagi sa ating payak na kamusmusan hanggang sa masalimuot na pagtanda. May Kristong niloob na makipamuhay sa piling natin—habambuhay at magpakaylanman.

Siya ang Mabuting Pastol na nagsusumamo sa Ama upang walang isa man sa ating mga kawan na Kaniyang pamilya ang mapahamak (John 10). At inihayag Niya ang sarili bilang Mesiyas, ang Siyang tanging Daan, Katotohanan at Buhay (John 14:6). Siya ang Divine Mercy ang walang hanggang bukal ng makalangit na awa ng Diyos!

“Papuri sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan Niya!”

Mapagpalang Pasko po sa lahat! 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *